Chapter 12
Lucy's POV
Nanatili akong nakatingin sa pintuang nilabasan ni Zoren. Nang matapos akong kumain ay saktong lumapit sa amin si Nurse Eve at may kinalikot sa nakatusok sa akin. Si Zoren naman ay nagsabi na lang na aalis na siya bago walang lingunang lumabas nitong infirmary.
Hindi ako sigurado kung si Zoren nga ang naghatid sa akin dito. Pero kanina, nang mawalan ako ng malay, alam ko sa sarili ko na narinig ko ang boses niya. Hindi ko sana iyon paniniwalaan pero noong magmulat ako ng mata ay siya pa ang una kong nakita.
Napatitig naman ako sa basurahan sa gilid ng kama ko. Naroroon na ang karton ng pagkaing naubos ko kanina.
Napahinga ako ng malalim. Halos hindi ko maigalaw ang katawan kanina nang mabuksan ko ang karton. Unang tingin pa lang sa bacon na iyon, agad na nanumbalik sa isip ko ang huling beses na nakakain ako noon.
Bago pa muling bumigat ang loob ko, narinig ko na ang malakas na pagbukas ng pinto nitong infirmary. Malayo-layo iyon sa akin pero kahit hanggang dito sa may bandang dulo ay narinig ko ang kalabog noon.
Nang tignan ko ang pumasok ay hindi na ako nagulat nang makita si Charlotte. Nasaway pa ito noong lalaking nurse dahil sa ingay na nalikha niya. Humingi ito ng pasensya bago ako sinugod ng takbo rito.
"Lucy!" halos mapaigik ako nang dambahin niya ako ng yakap.
Namilog pa ang mga mata ko sa ginawa niya! Natapik ko ang balikat niya nang mahirapan akong huminga sa higpit noon.
"Ay sorry! Anong nangyari? Kumusta ang lagay mo? May masakit pa sa iyo?"
"Huminga ka nga muna," napaupo siya sa gilid ng kama ko at agad na huminga roon ng malalim.
Napailing naman ako.
"Hay, nakakaloka," isang beses pa itong huminga nang malalim bago ako muling hinarap. "Oh, ano? Kumusta pakiramdam mo? Ano raw sabi ni Nurse Eve?" tutok nitong tanong sa akin.
Napahinga ako ng malalim.
"Okay na raw ako. Magiging okay rin, pahinga na lang."
"Weh?" Iyon ang sinabi kanina ni Nurse Eve bago siya umalis. "Eh bakit may nakatusok pa sa iyo? Malala lagay mo, eh!"
"Syempre," pinandilatan niya ako ng mata. "Syempre naging malala ang lagay ko. Pero natignan na nga ako ni Nurse Eve,"
Mukha itong nakahinga ng maluwag. Nag-aalala talaga siya, ah?
"Eh ano naman ang nararamdaman mo?"
"Tsk. Okay na nga raw—"
"Puro ka 'raw'! Iyon nga ang sinabi ni Nurse Eve pero ang gusto ko ay manggaling mismo sa iyo! Okay ka ba o hindi? Sagot!"
Natigilan ako sa naging sigaw niya.
"Alam mo ba kung gaano ako nag-alala kanina habang nakikipaglaban ka roon sa harapan? Hay! Grabe! Parang gusto kita resbakan doon sa Samara'ng iyon! Talagang masaya ako noong nanalo ka pero walang hiya ka nawalan ka naman bigla ng malay! Isipin mo ang takot ko noon! Pinag-alala mo akong babae ka!"
Ilang beses akong napakurap habang huminga naman siya ng malalim.
"A-Ayos lang ako—" tinignan niya ako ng masama. "— medyo masakit ang balakang tsaka may sinat yata. Pero ayos na nga," tinitigan pa niya ako ng ilang sandali bago napatango.
"Nag-lunch ka na ba?" Tumango ako. "Nabusog ka naman ba sa kinain mo? Sabihin mo lang ikukuha ulit kita sa cafeteria. Teka paano ka naman naka-order? 'Wag mong sabihing pinayagan kang lumabas ng nurse?"
BINABASA MO ANG
Saving Avallonne
FantasyNang malaman ko ang pakiramdam ng maiwan at ang pakiramdam ng mawalan ay saka ko lamang naintindihan ang tunay na kahulugan ng masaktan. Lalo na kapag iyong mga umalis ay hindi na pwede pang bumalik. Lalo na kapag yung mga nawala ay hindi na pwedeng...