Chapter 2
Bumungad sa akin ang isang puting kisame nang ako ay magmulat. Ilang beses pa akong napakurap bago napagtuunan ng pansin ang sakit sa buong katawan. Natigilan naman ako nang maramdaman ang presensya ng isang lalaki sa aking tabi.
Nakaramdam ako ng suntok sa dibdib nang maalala ang mga magulang ko. Bago pa lalong bumigat ang loob ko ay ibinalik ko na ang tingin sa lalaki. Mukhang kanina pa ako nito binabantayan at pinagmamasdan. Ikinakunot ng noo ko ang simpatyang nakikita sa mga mata niya.
Sino siya?
Sa tingin ko ay kasing-edad niya lamang ang mga magulang ko. Mayroon itong magaang ekspresyon sa kaniyang mukha na tila ay inaanyayahan akong maging kumportable sa kaniyang presensya kahit pa estranghero kami sa isa't isa.
Nang maalala ang kotseng tumigil sa aming harapan ay napabalikwas ako ng upo. Inilibot ko ang tingin sa paligid. Napagtanto kong nasa loob ako ng isang kwarto at nagpapahinga sa isang kama.
Nahagip ng paningin ko ang bintana at nakitang maliwanag na sa labas noon. Agad akong kinabahan at hinagilap ng paningin ang kambal. Nakahinga ako ng maluwag nang makita silang nagpapahinga rin sa may tabi ko. Saka ko lang din napansin ang mga bendang nakatakip sa mga sugat ko sa katawan.
"How are you feeling, hija?" baritonong tanong noong lalaki.
Hindi ko siya pinansin at iniyuko lang ang ulo ko. Sa gitna ng pagtulala ay narinig ko ang buntong-hininga niya. Ang akala ko ay magagalit siya sa kabastusang ipinamalas ko pero nang sulyapan ko siya ay naroroon pa rin ang magaan niyang ngiti. Ang ekspresyon sa kaniyang mukha ay tila naiintindihan ang ikinilos ko.
"Mabuti at nagising ka na. Maiwan muna kita para patuloy kang makapagpahinga, hija," sambit nito na mukhang natunugang wala ako sa wisyo para harapin siya.
Nang tuluyan itong makalabas ng silid ay napabuntong-hininga na lang ako at napasandal sa ulunan ng kama. Hindi ko na napigilan at muling naramdaman ang pag-agos ng masagana kong luha sa magkabilang pisngi. Wala ako halos maintindihan sa mga sinabi ng lalaki kanina dahil ang mga magulang ko ang nasa isip ko. Hindi ko rin kayang magsalita dahil pakiramdam ko pipiyok ako. Ano nang mangyayari sa amin ngayon?
Nang bahagyang makalma ang sarili ay napatingin ako sa lamesa sa may tabi. Mayroon doong isang baso ng dugo. Saka ko naramdaman ang uhaw kaya hindi na ako nagdalawang-isip na inumin iyon. Natigilan lang ako nang mapagtantong hindi ko naman sinabi sa lalaking iyon ang aking lahi. Hindi ako nagsalita kanina, o baka naman hindi sa akin itong iniinom ko? Pero iniwan niya ito.
Hindi na ako nag-abalang mag-isip pa at bumalik sa pagpapahinga. Ibinuhos kong muli roon ang pag-iyak nang magdamag. Wala akong ganang makipag-usap o intindihin ang maraming bagay kahit binabagabag ako ng lagay naming tatlo. Gusto ko lang munang ubusin ang emosyon para makapag-isip ako nang maayos.
Bumalik ding muli iyong lalaki noong gabi. Tulad kanina ay magaan pa rin ang ngiti niya kaya bahagya akong nakonsensya noong hindi ko siya pinansin. Nag-iwas ako ng tingin at piniling yumuko.
Sino ba siya? Siya ba ang may-ari ng bahay na ito? Bakit kami nandito?
Naramdaman ko ang muli niyang pag-upo sa pwesto kanina. May dala ulit siyang baso ng dugo na ipinatong sa mesa malapit sa kama.
"Kumusta ang pakiramdam mo, hija? Kumain na ba kayo ng mga kapatid mo?"
Matagal bago ako tumango. Kanina ay hinatiran kami ng katulong nila ng pagkain. Muli ko namang pinatulog ang kambal upang makapagpahinga pa sila.
Narinig ko ang buntong-hininga niya.
"I am Lorcan Russells, the owner of this house," panimula niya.
Hindi ako nagsalita at hinayaan siyang ipakilala ang sarili. Kahit na hindi naman ako sumasagot, palagay ko ay alam niyang nakikinig ako.
BINABASA MO ANG
Saving Avallonne
FantasyNang malaman ko ang pakiramdam ng maiwan at ang pakiramdam ng mawalan ay saka ko lamang naintindihan ang tunay na kahulugan ng masaktan. Lalo na kapag iyong mga umalis ay hindi na pwede pang bumalik. Lalo na kapag yung mga nawala ay hindi na pwedeng...