Chapter 4
Tahimik kong pinagmamasdan ang tanawin sa labas ng bintana. Mabilis ang takbo ng sinasakyan naming train pero malinaw ko pa ring nakikita ang bawat punong nadaraanan namin.
Kahit nakapagdesisyon na ako kagabi ay hanggang ngayon, pinag-iisipan ko pa rin kung tama ba ang pagpasok ko sa Avallonne High. Hindi ko alam kung nabibigla pa rin ako at nabibilisan lang sa lahat o sadyang hindi ko lang maisip kung anu-ano ang mga pwedeng mangyari kapag naging estudyante na ako roon.
Hindi ko naman alam kung anong pakiramdam ng maging isang estudyante. Iyong tipikal na may mga kaklase, may mga guro, at araw-araw na pumapasok. Hindi ko pa naman nararanasan iyon kaya hindi ko mapigilang mag-isip.
Kahit kailan ay hindi pa rin ako nakakapasok sa isang eskwelahan. May ilang libro na akong nabasa na naglalarawan sa hitsura ng isang silid-aralan pero hindi pa ako nakakakita ng ganoon sa personal. Nakikita ko lang sa malayo ang malakastilyong istruktura ng Avallonne High pero wala akong ideya kung ano ang mayroon sa loob noon.
Napahinga ako ng malalim.
Talagang nabibilisan ako sa mga nangyayari. Kahapon lang ay pumapasok pa ako sa trabaho tapos ngayon ay malapit na akong pumasok sa paaralan. At hindi lang basta paaralan ang papasukan ko. Iyong pinapangarap pa ng lahat na mapuntahan man lang.
Mula sa bintana ay nalipat ang tingin ko sa kambal. Nasa harapan ko lang nakaupo ang mga ito. Dahil mayaman sina Mr. Bloodsmith ay dito kami napunta sa section ng train na puro mga mayayaman din ang mga nakaupo. Pandalawahang-tao lang ang bawat isang couch dito. Dalawang couch ang nakaharap sa isa't isa habang may lamesang kahoy sa may gitna.
Nilingon ko ang couches na naka-parallel sa pwesto namin. Dito nakaupo ang mag-ama. Nakatingin si Mr. Bloodsmith sa may bintana habang katabi nito ang anak na nakasandal naman sa kaniyang braso. Minsan ay napapalingon ito sa mga kapatid ko kapag napapalakas ang kwentuhan nila. Mayroon itong itim at tuwid na buhok na hindi lumalampas sa kaniyang balikat. Nakaipit ang isang gilid sa kaniyang tainga at dahil doon ay nagmukha itong mataray kahit bata pa.
Hindi ko pa siya nakikitang magsalita mula kanina. Hindi rin siya humihiwalay kay Mr. Bloodsmith.
Napailing ako sa loob-loob. Paniguradong na-trauma ito sa nangyari kahapon. Masyado pa siyang bata para makakita ng halimaw. At hindi lang niya iyon basta nakita, nalapitan pa ito at muntikan pang matuklaw.
Nalipat ang tingin nito sa akin nang maramdaman ang titig ko. Saglit na naging malikot ang mga mata nito at sa huli ay nag-iwas na lang ng tingin.
Nalipat ko ang tingin sa kambal nang mapansin ang pagtahimik nila. Sinalubong ako ng natutulog na si Celine habang nakasandal ito sa kapatid niyang nagbabasa naman ng libro. Hinayaan ko na sila roon at binalingan na lang ulit ang bintana. Maya-maya lang ay hindi ko na napansing nakaidlip na rin ako sa upuan.
Nagising lang ako nang maramdamang tumigil ang train na sinasakyan namin. Agad naman kaming nag-ayos at sumunod kina Mr. Bloosmith sa pagbaba sa train.
Huminto kami sa tapat ng isang sasakyan. Kulay itim ito at may kahabaan kumpara sa mga normal na sasakyang nakita ko na. May isang babae at isang lalaki ang nakaabang sa tabi niyon at nang makita kami ay agad silang kumilos. Kinuha noong isa ang mga gamit namin habang ang babae ay dumiretso kay Zoey na mukhang ito ang personal a nag-aalaga sa bata.
Nang makapasok kami sa sasakyan ay agad din itong umandar. Sa biyahe ay mula ko lamang pinanood ang tanawin sa may labas. Puro puno lang ang nakikita ko na maayos na nakahilera sa gilid ng kalsada. Ramdam kong pataas ang pag-abante ng sinasakyan namin, senyales na sa mataas na lugar nakatirik ang paaralan ng Avallonne High. Hindi rin nakakahilo dahil hindi malubak ang daan. Sementado ito at halatang pinasadya para sa ikagiginhawa ng mga estudyanteng dumadaan dito. May hilera rin ng mga poste ng ilaw sa gilid ng daan na paniguradong magandang tignan kapag dumilim na ang paligid.
BINABASA MO ANG
Saving Avallonne
FantasyNang malaman ko ang pakiramdam ng maiwan at ang pakiramdam ng mawalan ay saka ko lamang naintindihan ang tunay na kahulugan ng masaktan. Lalo na kapag iyong mga umalis ay hindi na pwede pang bumalik. Lalo na kapag yung mga nawala ay hindi na pwedeng...