Chapter 15: Gago ka.

84 5 0
                                    

Chapter 15: Gago ka.

 

          "Punta ka sa bahay mamaya. May BBQ dinner. Hindi ka raw p'wedeng hindi pumunta sabi ni Ate. Magagalit 'yun," basa ko sa text sa akin ni Pedro.

            Magre-reply na sana ako ng 'sige' nang ma-realize ko kung ano'ng araw ngayon. Lalabas din pala kami ngayon ni Franz! Nagulo ko ang buhok ko dahil sa frustration. Hindi ko alam kung ano gagawin ko. Siguradong magagalit ang si Ate Pau kapag hindi ako nagpunta. Pero paano naman si Franz? Nakapangako na ako sa kanya...

            "Ano ba naman 'yan, Piper? D'yan ka pa sa labas naggugulo ng buhok mo. Para kang baliw," sita sa akin ni Mama.

            Tumayo ako sa kinauupuan ko sa verandah at hinarap si Mama. "Ma, inaaya ako ni Paul sa kanila, may BBQ dinner daw po kasi."

            "O, e, bakit parang namomoblema ka? E, nand'yan lang naman ang bahay nila Paul. Saka si Paul naman 'yon, sigurado akong papayagan ka ng Papa mo."

            "E, kasi, Ma, nakapangako na rin po ako kay Franz. Inaya niya po kasi akong manood ngayon ng sine, e. 'Yung Jurassic Park world," paliwanag ko sa kanya.

            "O, e, 'di sabihin mo kay Paul na may date kayo ng boyfriend mo. Maiintindihan ka no'n."

            Kumunot ang noo ko. "Ma, hindi ko pa po boyfriend si Franz. Nanliligaw pa lang po 'yung tao."

            Tiningnan ako nang nakakaloko ni Mama. Para bang sinasabi niya na, "Weh? 'Di ba? Nanay mo ako, pinaglololoko mo ako."

            "Bakit po kayo ganiyan makatingin? Hindi pa po talaga, Mama," depensa ko pa.

            "Hindi na, kung hindi. Si Pau ba ang nag-aya sa iyo doon kila Paul?" Tumango ako bilang sagot. "Aba, magtatampo 'yon kung hindi ka magpupunta."

            "E, Ma, paano si Franz?" parang batang tanong ko.

            Gusto ko rin kasing mapanood talaga 'yung Jurassic Park World. Nandoon kasi si Chris Pratt. Saka ngayon na lang ulit kami lalabas ni Franz. Hindi naman kasi kami nakakagala noong bakasyon. Walang budget kasi walang baon.

            "Akala ko ba hindi mo pa nobyo si Franz? E, 'di sabihin mong may mas importante kang pupuntahan. Maiintindihan ka no'n. Nakakapaghintay nga siya sa iyo, e. Gaano lang ba 'yung isang date na ipagpapaliban niyo muna? Hindi naman siguro mawawala kaagad sa sinehan ang palabas na 'yon," nanliit ang mga mata niya, "Saka ngayon ko lang narinig na manonood pala kayo ng sine. Wala ka pa yatang balak magpaalam."

            "Hindi naman sa gano'n, Ma. Magpapaalam naman po ako. Pero mamaya pa sana," natatawang sabi ko. "Saka gusto niyo naman po si Franz, 'di ba? Sabi niyo mabait na, matalino na, guwapo pa."

            "Aba, Piper, madilim sa sinehan. Madaming p'wedeng mangya—"

            "Ma!" pigil ko sa kanya. Napailing na lang siya habang tumatawa. "Sige na po, kila Paul na ako pupunta."

            "Okay lang ba bukas na lang tayo manood ng sine? Hindi ako pinayagan ni Mama, e. Saka nag-aya si Ate Pau, 'yung ate ni Paul na doon mag-dinner mamaya. Matampuhin kasi 'yun, e. Hindi ako p'wedeng hindi pumunta. Sorry," text ko kay Franz.

            Muntik ko nang mahulog ang phone ko nang biglang mag-ring ito. Akala ko si Franz ang tumatawag pero si Pedro pala. Kung may sakit ako sa puso baka inatake na ako.

Skinny LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon