✟ CHAPTER 2 ✟

116 26 17
                                    

Naiwan niya akong tulala dahil sa sinabi niya. Hindi ako nakapag-isip agad-agad kung ano ang itatanong ko. Kailangan kong malaman ang tungkol sa mga babalang natanggap ko ngayong araw. Hindi maaaring ganoon na lang. Marami na ang nangyari, dinagdagan niya pa.

Sinundan ko siya kaagad sa paglalakad. Isang pulgada lang ang layo niya sa akin para tanungin siya. Ngunit para makuha ko ang kaniyang atensiyon ay iniba ko ang tanong. “Manong Ricardo, bakit ho siya nakasunod sa akin? Bakit n’yo po alam na may nakasunod sa akin? Sino ho siya? Bakit ako?” sunod-sunod kong tanong. Patuloy lang siyang naglalakad na parang walang narinig.

Matagal ko nang alam na may gumagambala talaga sa akin—ang babae sa panaginip ko. Kaya bakit alam ng caretaker na ito ang tungkol doon? O alam niya ba talaga ang tungkol doon? Pero paano? Kailangan ko itong malaman.

Napahinto siya sa paglalakad kaya napahinto na rin ako. Tiningnan ko siya at nakita kong walang kurap siyang nakatitig sa kinatatayuan ni Alexander sa may pintuan, kaya biglang napakunot ang noo ko. Nararamdaman kong may takot talaga siya sa asawa ko.

Lumingon siya sa akin. Nakita ko sa kaniyang mukha ang pagkabalisa. Bago pa man niya ibinuka ang bibig niya ay kitang-kita ko ang mga mata niyang parang nakatingin sa kinaroroonan ni Xander. Nang masiguro niyang hindi pa lumalapit ang asawa ko na nakatanaw lang sa amin ay nagsalita na siya.

“Mag-ingat ka. Delikado ang buhay mo rito. Umuwi na kayo sa Maynila. Ginagambala mo siya!” mahina niyang bulalas sa akin na parang ayaw niyang may makarinig pang iba.

Naramdaman ko na mas kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Marami na akong nakikita, naririnig, at babala sa lugar na ito, pero hindi pa rin malinaw ang kaniyang sinabi. Mas pinapagulo lang niya. Nadagdagan na naman ang isipin ko.

Habang pinoproseso pa rin ng aking utak ang sinabi niya ay nakaramdam ako ng malamig na hangin mula sa aking batok. Kaagad na nagtayuan ang mga balahibo ko at napahawak naman ako sa batok. At nang bumaling naman ako kay Mang Ricardo ay nakita ko siyang na nakamaang ang bibig habang dahan-dahan niyang naihuhulog ang bitbit niyang dalang mga plastic bag. Para siyang nakakita ng multo galing sa aking likod. Maya-maya’y bigla siyang kumaripas ng takbo palayo sa akin. Naiwan ako sa aking kinakatayuan.

Hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko dahil sa pagtakbo ng caretaker habang nasa direksiyon ako ni Xander nakaharap. Nakatitig rin siya sa kinaroroonan ko. Maya-maya ay lumapit tumakbo na rin siya sa akin.
Habang nakikita ko siyang patakbo sa kinaroroonan ko ay ine-examine ko ang mukha niya. Bakas naman ang kaniyang pag-aalala.

Siguro ay tama nga ang hinala ko. Palagay ko, ang nagpakita sa akin kahapon ay karugtong sa mga panaginip ko. Siguro ay may koneksiyon ang pamilya ni Xander sa multo o hindi kaya ay may kinalamanan sila? Or worse, baka si Xander ay masamang tao. Baka may pinatay siyang tao at alam iyon ng caretaker.

Hindi ko na alam kung saan ako matatakot? Sa multo ba o kay Xander.

“Okay ka lang ba?” tanong niya sabay hawak sa magkabila kong balikat nang makalapit na siya sa akin.

Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata. Napakaamo niyon. Imposibleng makakaya niyang pumatay ng tao. Oo, eleven months lang kami nang magkilala, at sa loob ng maikling panahon na iyon ay nagpakasal agad kami dahil alam naming mahal namin ang isa’t isa.

“Gusto ko nang umuwi. Umuwi na tayo, mahal. Hindi na ako komportable sa mga nangyayari rito,” ani ko.

“Ano ba ang nangyari? May sinabi bang hindi maganda si Manong sa iyo?”

𝕮𝖔𝖚𝖍 𝕸𝖔𝖈𝖍 (PUBLISHED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon