"EXCUSE me," wika kay Jaypee ng isang babae. "I think that's my seat."
Sinulyapan niya ito at sinulyapan rin ang mismong inuupuan niya. Sa bakanteng upuan ay nakapatong ang kanyang bag. Walang kibo na binuhat niya iyon at kinandong saka inilihis ang mga tuhod upang makapasok ang babae.
"No, mister. Iyan ang upuan ko," tila may iritasyong wika ng babae at iniladlad sa kanya ang isang papel. "Here's my reservation slip. I requested for an aisle seat."
Tumiim ang mga bagang niya. Bago nagbitiw ng anumang mga salita ay luminga siya sa loob ng bus. Halos puno na pala. Hindi niya namalayang unti-unti nang dumami ang pasahero dahil sa pag-iisip niya.
"May problema po ba?" magalang na lapit sa kanila ng konduktor. "Aalis na tayo."
Maliksing bumaling doon ang babae. "Itong mama, eh. Nakaupo sa upuan ko." At dito nito iniabot ang kapirasong papel.
Bumaling sa kanya ang konduktor. "Eh, mister, puwede ho bang umusod na lang kayo? Siya ho kasi ang priority sa aisle seat."
"Uso pa ba ang reservation gayong hindi naman peak season?" tanong niya na sa anyo ay wala pa ring balak kumilos.
"May ibang pasahero ho na talagang nagpapa-reserve. Kung okay lang po sa inyo, sir, makiusod na po para makalakad na tayo."
Napailing siya pero umusod na rin. Dahil nainis niya, ang konduktor na rin ang inutusan niyang maglagay ng bag niya sa overhead compartment. Hindi sinasadyang nasulyapan niya ang babae. Nakatingin din ito sa kanya na mukha pang nang-aasar!
Lalo nang sumukal ang loob niya. Kaylaki niyang tao ay masisiksik siya sa window seat. Hindi pa naman siya sanay sa ganoong puwesto. Kung hindi nga lang niya naisip na isang oras na naman ang ipaghihintay niya ay lilipat na sana siya ng bus.
"Saan ka, miss?" lapit ng konduktor nang mayamaya pa ay nagsimula nang gumupit ng ticket.
"Tuguegarao," sagot naman ng babae.
Umasim ang mukha niya. Ibig sabihin, mula Maynila hanggang sa destinasyon niya ay magtitiis siyang tila nakakulong sa espasyong iyon. Ikinonsidera niya na bumaba na lang at lumipat ng ibang bus subalit nakaalis na sila sa terminal.
"Kayo, mister?" baling sa kanya ng konduktor.
"Tuguegarao din."
Ipinaling niya ang leeg sa gawing bintana matapos iabot sa kanya ang ticket niya. Ilang sandali pa ay papasok na sila sa North Expressway. Naibsan na ang inis niya. Mabilis ang kanilang biyahe dahil gabi at mabilis ang traffic. Sana ay makuha ng walong oras ang kanilang biyahe, nahiling niya.
KANINA pa nakikiramdam si Jenny sa lalaking katabi niya. Kahit na may likas siyang katarayan, nakadama rin siya ng takot dito kanina. Mukhang di siya pagbibigyan sa gusto niya. Pero hindi rin naman siya papayag. Kapag alam niyang nasa tama siya, pinaninindigan niya iyon.
She hated the window seat. Ayaw niya iyong para siyang sinisiksik sa ganoong lugar. Kahit kailan na sumakay siya ng bus, sa aisle seat siya pumupuwesto. Hindi bale nang mapunta siya sa bandang likuran ng bus basta sa aisle seat siya nakaupo.
But of course, she sometimes bent that rule of her own. Kung boyfriend naman niya ang katabi niya, siyempre naman na sa window seat siya uupo. Okay lang iyon. Actually, gusto niya iyon. She felt secured. And she thought it was the natural thing. She even found it sweet.
Pero kung estranghero rin lang, never. Hindi bale nang maghintay siya ng ibang bus kaysa mapaupo sa puwestong iyon. Hindi niya gusto ang pakiramdam na tila sisiksikin siya ng isang taong hindi naman niya kilala, que babae que lalaki. Noon ay puwede pa siyang magpahinuhod kung babae ang tatabi sa kanya. Pero hinding-hindi na nang mabiktima ng holdap ang kapatid niya.
Nasa window seat si Jamie at isang babae ang tumabi dito. Wala itong kakutob-kutob maliban na lang nang palihim itong tutukan ng matulis na letter opener. Sa takot ni Jamie ay ibinigay na nito ang wallet at cell phone. Mabuti na lang at hindi nito kinagawiang magsuot ng alahas kung magko-commute rin lang. Natapos ang panghoholdap kay Jamie na wala man lang nakapansin kahit sino sa sakay ng bus. Nang pumara ang babae matapos mang-holdap ay hindi na rin nakapiyok ang kapatid niya. Umuwi ito na parang wala sa sarili. Ilang oras din ang lumipas bago nila nakausap nang matino.
Matapos ang pangyayaring iyon ay lalo na niyang pinanindigan ang prinsipyong iyon sa sarili. Never occupy the window seat.
Sinulyapan niya ang lalaki. Nakahilig ito sa gawing bintana at nakapikit. Mukhang hindi na ito galit dahil hindi na halata ang mga gatla sa noo. Hindi na rin masyadong nakatikom ang bibig nito.
Hindi naman mukhang holdaper ang lalaki. But then, who knows? Iba pa rin ang nag-iingat.
Napangiti siya sa naisip at lalo pang pinagmasdan ang lalaki. He was cute. Kahit nakapikit ito ay malakas ang pakiramdam niya na maganda ang mga mata nito. His brows were not thick. Parang kasing lago lang ng sarili niyang kilay noong hindi pa niya natututuhang ipa-thread iyon. Matangos ang ilong nito and his cheeks were chubby. Parang kasing-pintog ng mga pisngi ng anak ni Jamie na ugali na niyang pisilin.
Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. It was thin yet it looked so masculine. Parang masarap humalik.
Napapitlag siya. Bakit ba nag-iisip siya ng tungkol sa halik sa estrangherong katabi niya? Umayos siya ng upo at ibinaling sa iba ang tingin. Nagpasya siyang tigilan nang pag-aralan ang anatomy ng katabi. Mahirap na. Baka mamaya ay mahuli pa siya nitong nakatitig dito ay gawan pa ng issue iyon. Magaling na nga't naiwasan na nilang magdiskusyon kanina.
Nilinga niya ang konduktor. Abala iyon sa pagbibilang ng ticket sapagkat tapos na rin itong maningil. Mukhang walang balak paandarin ang video. Kungsabagay, mukhang lahat ng sakay ay tulog na. Maliban na lang sa kanya.
Hindi naman kasi niya ugaling matulog sa biyahe. Nagtitiis nga lang siya na mapuyat sa biyahe dahil mas nahihirapan siyang maglakbay ng daytime. Mas kaunti ang stopover kapag gabi. At mas mabilis din dahil parang mas interesado ang mga pasahero na matulog kaysa kumain sa mga canteen.
Ipinako niya ang tingin sa dinadaanan nila. Mabilis naman ang biyahe. Hindi siya nainip at palabas na sila ng Sta. Rita exit. Pero katiting lang ang haba ng biyaheng iyon sa lalakbayin pa nila. Kinuha niya ang cell phone sa bag at nagpasyang aliwin na lang ang sarili. Maglalaro na lang siya ng snake.
Tatatat-tatat! Tatatat! Tatatat-tatat! Tatatat!
Muntik na niyang mabitawan ang cell phone nang tumunog iyon nang malakas. Napasimangot siya. Bago niya naiisipang basahin ang mensaheng pumasok doon ay inayos niya ang tone setting niyon. Malamang ay pinakialaman na naman iyon ng pamangkin niya. Madalas na nag-iiba-iba ang tunog ng cell phone niya basta hiniram iyon ng anak ni Jamie na kunwa ay makiki-games lang.
"Miss, puwede bang pakihinaan mo naman iyang tunog ng cell phone mo? Nakakabulahaw, eh."
Titingnan sana niya nang masama ang katabi dahil pakiramdam niya ay inasikan siya nito. Pero mabilis din niyang napansin na nakatingin sa kanya ang halos lahat sa paligid niya. Napalitan ng pagkapahiya ang umaahong katarayan niya. Obvious na nakabulahaw nga siya.
"Pasensya na," wika na lang niya.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love You
Любовные романы"You've just made a record, Jenny. Ikaw ang taong kauna-unahang tumawag sa akin ng PJ. Thank you. Kapag close na tayo, saka mo malalaman kung bakit mas gusto ko ng PJ." ***** Jaypee Juan wanted to take a break. Though, his heart was already mended n...