Part 33

552 42 3
                                    

KALALAGPAS lang nila sa Tuguegarao nang tumunog ang cell phone ni Jenny. Nang makita niyang si Jamie ang caller, mabilis niyang sinagot iyon.

"Kumusta ka na? Nasaan ka?"

"I'm... fine. Magkasama pa rin kami ni PJ."

"Nasaan ka?" insistent na tanong nito.

Sinulyapan niya si PJ. Isang kibit-balikat ang itinugon nito sa kanya. "We're on the road. H-hindi ko pa alam kung saan kami pupunta. We're both undecided," naisip niyang isagot.

"Mag-iingat kayo."

"K-kumusta naman diyan?"

"Nagsialisan na ang mga bisita. Inatake ng alta-presyon ang mama ni Larry, dinala sa ospital pero ang balita ko'y okay na rin ngayon. Alam ko na rin ang tunay na istorya. Hinahanap din pala si Lulu ni Auntie Zeny. Iyong matanda pa ang nakakita sa kanila. Nagwawala sa galit si Auntie Zeny. Sinampal niya si Lulu sa harap ng mga tao. At isinisigaw niya kay Larry na isalba ang kahihiyan ng anak niya."

"Bahala sila sa buhay nila," malamig na sagot niya.

"Galit na galit din si Larry. Hindi raw puwede iyang ginawa mo. Mukhang hahantingin kayo ni PJ."

"Siya ang gumawa ng kalokohan, Ate. Sinuportahan lang ako ni PJ. I mean, gusto niyang samahan ako sa pag-alis ko."

"I know. Tama pala ang ginawa mo, sis. Kahit na hindi ko ma-imagine kung saan nanggaling ang guts mo nang magsalita ka sa lahat ng mga bisita mo, you did the right thing. Hindi ka mababaligtad ni Larry na ikaw ang sumama sa ibang lalaki. Pero ipinipilit niyang kayo pa rin ang mag-asawa. Ang laking eskandalo ng nangyari. Nakakaawa din naman si Lulu. Mas pinipili ka pa rin ni Larry kaysa sa pinsan nating iyon."

"Wala na akong paki. Ayoko na sa kanya, Ate. Magtatanong ako sa abogado kung paano maipapawalang-bisa ang kasal namin."

"May laban ka, sis. Pahapyaw na naming napag-usapan ng Kuya Arnel mo ang tungkol diyan. At marami ring tatayong witness sa panig mo dahil sa eskandalong ito. Pero siyempre iba pa rin iyong lalapit tayo sa abogado para mapayuhan tayo ng tamang hakbang."

"Mabuti naman. Kahit naman sakaling mahirapang ako sa kasong ito, wala ring makakapilit sa akin na makisama pa sa lalaking iyon. Ni ayaw ko na siyang makita. Sobra ang kawalanghiyaan niya." Nag-iigting na naman sa galit ang tinig niya.

"Relax," mahinang sabi sa kanya ni PJ at inabot pa ang kamay niya upang pisilin iyon. He smiled at her. At wala siyang maisip na itugon doon kung hindi ang gantihan din ito ng ngiti.

"Narito pa rin kami sa resort," patuloy na wika ni Jamie. "Nakiusap si Heidi na dito muna kami. Bigla ring nataranta ang kaibigan mong iyon. May mga gamit siyang nawasak dahil nagwala rin si Larry."

"Nakakahiya naman sa kanya."

"Balewala iyon. Maybe she just needed someone na malapit din sa iyo. Kanina ka pa nga niya gustong tawagan kaya lang naisip din niya na baka kailangan mo pang mapag-isa."

"I'll call her pero hindi muna ngayon."

"Jenny, nalulungkot ako na nangyari ito. Kahit na gusto kong umurong ka sa kasal mo dahil iba ang nararamdaman ko sa sitwasyon, hindi ko naman ginusto na may nangyaring ganito." May bahid ng guilt sa tono nito.

She made a sigh. "There has to be a way somehow. Ang tanga-tanga ko lang talaga. Nabulag ako ng mga pang-aalo niya sa akin. Dapat noon pa, natauhan na ako."

"Naisip ko naman din kung umurong ka kanina, sa iyo ang bunton ng lahat ng sisi. Baka sila pa ang mahdemanda sa iyo. Ewan ko, sobrang nakaka-shock itong nangyari."

"Ate.". .

"Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, sis. Life must go on, you know. Madali ka namang makakabangon. Sabay-sabay na tayong bumalik sa Maynila kung gusto mo. Doon, walang makakaalam ng pangit na pangyayaring ito. O kaya kung gusto mong magpahinga muna, may bahay-bakasyunan naman sina Arnel sa Sariaya. Walang tao doon ngayon. You can have the place alone."

"Hayaan mo, ate, pag-iisipan ko. Ako na tatawag sa iyo kung saan kami makakarating ni PJ."

"Sige. Ingat, ha?"

"MUKHANG pati si Manang Ising, wala, ah? Walang katau-tao sa kabila," wika ni PJ habang binubuksan ang beach house sa Allasitan. "Parang ipinag-aadya. Tayong dalawa lang sa lugar na ito."

"Sino ba iyong Manang Ising?" tanong ni Jenny.

"Katiwala ni Ayen, iyon ngang napangasawa ni Seb. Hindi bale, halos sanay na rin naman ako dito. We can survive kahit walang tulong ng iba." Binitbit na nito ang bag niya matapos itulak ang pinto. "Ito ang kuwarto mo. Okay ba sa iyo?"

Malinis ang kuwarto kahit na payak lang ang gamit na naroroon. "Oo naman. Ano ba ang karapatan kong magselan?" nahihiyang wika niya.

"Huwag mo ngang sabihin iyan. Actually, mas maganda ang facility sa Dana-ili. May linya ng tubig doon. Dito, kailangan pang mag-igib. Kaya lang nahihiya naman ako kina Santi. Mukha pa ring bagong kasal ang mga iyon. Baka maka-invade tayo ng privacy nila. At least dito, solo natin."

"Salamat, PJ," she said.

Bumaling ito sa kanya matapos ibaba sa ibabaw ng kama ang kanyang bag. "Don't say that. Gusto ko rin ang ginagawa kong pagtulong sa iyo."

Ngumiti siya nang kimi. "Pero malaking abala ito sa iyo. Naisip ko lang kanina, dapat mag-isa na lang akong umalis. I... I'm fine now. Nakabawi na ako sa shock. P-puwede na akong lumayong mag-isa."

Tinitigan siya ni PJ. "Listen, Jenny. Hindi ka malaking abala sa akin. Uulitin ko, I'm doing this, kasi gusto ko itong gawin. Ako na ang bahala sa mga trabahong iniwan ko. May mga tao akong puwedeng pagtiwalaan kapag wala ako." hinaplos nito ang mukha niya. "Huwag ka nang mag-isip ng ganyan, okay? Mabuti pa, magpahinga ka na muna. Kung may kailangan ka, just call me. Nasa labas lang ako."

"Salamat."

"Stop it," nakangiting wika nito sa kanya. "Ayokong bawat sabihin o gawin ko ay nagpapasalamat ka. We're friends, aren't we?" At nakita niyang napalulon ito at mabilis na umiwas ng tingin.

She managed a wider smile. "O, sige, I'll bear that in mind."

"Good," nasisiyahan namang tugon nito. "Dito ka muna, ha?"

"PJ," habol niya dito. "Am... hindi pa naman ako pagod, eh. Ano bang gagawin mo? Maybe I can help you."

"No, Jen. After what you've been through, kailangan mong magpahinga. Sa ibaba lang ako. I'll see if there's something to eat."

"Paano kung wala?" she asked.

Napangiti ito. "Di, mamamalengke."

"Ayokong maiwan ditong mag-isa."

"Hindi kita iiwan." Sa tono nito, may palagay siya hindi iyon basta tugon lang sa sinabi niya. It seemed there was something more to it. She could feel it.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon