Part 31

570 54 8
                                    

"ATTENTION, ladies and gentlemen!" Pumailanlang ang tinig ni Jenny sa buong resort kung saan idinaraos ang okasyon. Sinenyasan nito ang taong nasa sound system upang patayin ang pumapailanlang na background music. Sa isang iglap, natuon ang atensyon ng lahat ng tao dito.

Sa kinatatayuan ni Jaypee, hindi niya alam kung tumitibok pa ang puso niya. Kitang-kita niya ang ekspresyon ni Jenny. Blangko. Walang makikita anumang emosyon sa magandang mukhang iyon. Ang isip niya ay nagdidikta na lapitan ito upang daluhan. Pero kagaya ng lahat ng naroroon, parang may isang engkatada na tumayo sa kalagitnaan nila upang i-freeze silang lahat.

"Gusto ko pong magpasalamat sa pagbibigay ninyo ng oras upang daluhan ang okasyong ito," basag ni Jenny sa katahimikan. He saw her swallowed. At bago ito muling nagsalita ay pinuno pa nito ng hangin ang baga. "You are all welcome to stay and enjoy yourselves for as long as you like... but I am leaving."

There was another momentary silence. At pagkuwa ay bumulalas ng iba't ibang reaksyon ang lahat ng nakarinig ng tinuran nito.

"Please, makinig po kayo sandali," she pleaded. "Kung may regalo po kayong dala, pakidala na lang po uli pag-alis ninyo. Iyon pong nauna nang nagpadala ng regalo, ipababalik ko na lang po sa inyo."

"Hija!" nababaghang wika ni Mrs. Aida Cordova na nagawa nang makalapit sa kinatatayuan ni Jenny. "Ano ba ang sinasabi mo? Nasaan si Larry? Huwag kang magbiro ng ganyan."

Walang buhay na ngumiti dito si Jenny. "Hindi po ako tatayo dito sa harapan ninyo ngayon kung magbibiro lang po ako." At iginala nito ang tingin sa lahat. "Gusto ko pong malaman ninyong lahat na kokonsulta ako ng abogado para itanong kung paano ipapawalang-bisa ang nangyaring kasalang ito. Iisa lang po ang rason ko. Hindi ko po kaya... na ang lalaking pinakasalan ko... wala pang dalawang oras ang nakakaraan..." Minsan pa ay huminga ito nang malalim. "...ay nagsisimula nang makipag-honeymoon sa ibang babae. Nandoon sila sa kuwartong iyon." Itinuro ng kamay niya ang direksyon kung saan niya nahuli sina Larry at Lulu.

Then with all her dignity, ibinalik nito sa napatulalang emcee ang mikropono at humakbang na.

"Nasaan si Larry?" tili ni Mrs. Cordova. At bumangon ang kung anu-anong reaksyon sa paligid.

"Akina ang gamit ko, Millet!" tinig ni Jenny na nagpagulantang sa kanya. Hindi niya namalayan na nakalapit na ito sa kinaroroonan nila.

"Jenny!" Niyakap ito agad ni Jamie subalit mabilis na kumalas si Jenny.

"Please, ate, ayokong makipag-usap kahit kanino. I'm going to leave. Millet, akina iyang bag ko."

Bago nagawang iabot ni Millet ang bag nito ay kinuha na niya iyon. "Where do you plan to go, Jen?" he asked softly.

Bigla ay tila namalikmata ito sa kanya. Something crossed her eyes when their eyes met. Was it pleading? Hindi niya alam.

"Gusto kong umalis," she said.

Tumango siya. "I understand. Let me go with you."

Umakma itong iiling subalit mabilis na nagsalita si Jamie. "Sis, hayaan mo na si PJ. Mapapanatag ako kung may kasama kang aalis." Nilinga siya nito. "PJ, please take care of her. Alam mo na ang number ko. Tawagan ninyo na lang ako." Bahagya nitong itinulak si Jenny sa gawi niya. "Let me handle the mess here."

He reached her. Nang igiya niya ito sa paghakbang, sumunod din naman ito. And it hurt him na makitang parang nawawala ito sa sarili.

Tahimik niya itong naisakay sa kanyang pick-up. Paalis na sila roon nang humabol si Heidi.

"Wait! I want to talk to her." Kinatok nito ang windshield sa gawi ni Jenny. "Jen?"

"On leave pa rin ako, Heidi. Tatawagan na lang kita," walang tonong sagot ni Jenny at bumaling sa kanya. "Let's go."



ILANG minutong walang umiimik sa kanila ni Jenny. Pasulyap-sulyap siya rito habang nagmamaneho. At bagaman gusto niya itong tanungin, mas gusto niyang hintayin na lang na magsalita ito.

Nang makalabas sila ng Solana ay nagdesisyon siyang tumuloy sa Peñablanca. Naalala niya si Uncle Luis, ang asawa ng kanyang Auntie Perlita. Sa maraming pagkakataon, ang matandang lalaki ang tinatakbuhan kapag may problema. At may palagay siyang kakailanganin din niya ang opinyon nito ngayon.

Pero nilagpasan niya ang bahay nina Auntie Perlita. Idineretso niya sa ilog ang sasakyan. Pangkaraniwang araw at halos walang tao sa lugar na iyon. Bihira ang dumadayo sa Callao Caves. Tamang-tama ang tahimik na lugar na iyon para kay Jenny.

Minsan pa ay sinulyapan niya si Jenny. Tahimik pa rin ito. Tila kahit saan niya ito dalhin ay hindi man lang kikibo.

Ipinarada niya sa malilim na lugar ang sasakyan. Tinanaw niya ang mga bangkero na nagbabaka-sakaling magpahatid sa kabilang ibayo upang galugarin ang kuweba. Ilan sa mga iyon ay nakatingin sa kanina. Marahil ay nag-aatubili lang lumapit sapagkat hindi siya nagbababa ng windshield.

He tapped his fingers on the steering wheel. Hindi pa rin siya kumikibo at patuloy na nakikiramdam sa katabi niya. At pagkuwa ay tila hindi na rin siya makakatagal. He took a breath at bumaling dito.

"Dito na muna tayo, ha?" he said gently. "Peñablanca ito. Kapag naisip mo kung saan mo gustong pumunta, aalis tayo dito."

Tumingin ito sa kanya. At parang madudurog ang puso niya nang makita ang buong pait sa mga mata nito. Sa isang pagkurap nito, kumislap ang luha roon. Then she sobbed.

Nag-isip si Jaypee. Puso niya ang nagdidikta na abutin ito at yakapin. He wanted to offer his shoulder, his chest. Pero nag-aalangan siya. Baka hindi ikatuwa ni Jenny kung gagawin niya iyon.

She cried for long minutes. At nang hindi na siya makatagal sa nakikitang paghihinagpis nito, hindi na siya nag-isip pa at inabot ito. Yumakap naman sa kanya si Jenny. At sa dibdib niya, itinuloy nito ang pag-iyak.

"Ang sakit-sakit!" hikbi nito. "Hindi ko kaya..."

He said nothing. Ang tangi niyang nagawa ay masuyong hagurin ang likod nito.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon