Part 7

571 40 2
                                    

"HUWAG mong ilipat ang istasyon!" halos pasigaw na wika ni Jaypee nang biglang mag-iba ang tunog ng radio'ng naulinigan niya.

"Boss?" tila nagtataka namang sabi sa kanya ng kanang-kamay niya.

"Iyong istasyon ng radyo kanina, ibalik mo," utos niya.

Halatang nagtataka ang tauhan niya subalit walang kibo na sumunod din ito. Binitiwan niya ang ginagawa. At tila namagnetong nilapitan ang radio. Binasa niya ang AM dial.

"Anong istasyon ito, Badong?" tanong niya sa alalay niya.

"DZTR, Boss. Bakit?"

"Saan ang istasyon niyan? Ibig kong sabihin, saan ang opisina niyan?"

"Sa may papuntang Capitol. Bakit?"

Muli ay hindi niya pinansin ang tanong nito. Kinainipan niya ang ilang commercials na pumailanlang sa ere. At pinagsumping niya ang daliri nang marinig ang pagbabalik ng show.

"I'm back, mga kaibigan kong tagapakinig. Grabe! Parang hindi yata titigil ang ring ng mga telepono natin dito. It seemed maraming gustong mag-share ng views at advice kay Miss Confused. Well, huwag na nating patagalin. Mula sa Line two, pakinggan natin si Precy. Alamin natin kung ano ang masasabi niya sa problema ni Miss Confused..."

Si Jenny nga!

Napasuntok siya sa hangin at mabilis na tinungo ang banyo. Sa ilang minuto ay tinapos niya ang paliligo at mabilis na nagbihis. Mayamaya pa ay sakay na siya ng pick-up na minana niya sa pinsang si Santi.

"Boss! Boss! Saan kayo pupunta?" habol sa kanya ni Badong.

"Sa istasyon ng radyo," pakli niya at binuhay na ang makina.

"Boss, may darating tayong buyer. Saka iyong mga taga-Vitarich, ngayon din ang schedule na darating."

"Mamayang hapon pa ang mga taga-Vitarich. Iyong buyer, kung maaaga ng dating, ikaw na ang bahala. Alam mo naman ang presyuhan natin. Saka hindi ako magtatagal. May kailangan lang akong malaman."

Hindi na nakahuma si Badong sapagkat pinaarangkada na niya ang pick-up.

Mula sa farm niya sa Iguig ay para siyang bigla na lang itinudla palabas ng highway. Lalo nang bumilis ang takbo niya nang mailiko niya sa highway ang pick-up. Beinte minutos hanggang kalahating oras ang normal na biyahe mula Iguig hanggang Tuguegarao. Pero sa klase ng pagpapatakbo niya, malamang na sampung minuto lang ay makakarating siya sa pakay niya. Iyon ay kung hindi siya maaaksidente. Kulang na lang ay paliparin niya ang pick-up.

Ano ang nangyayari sa iyo, Jose Pedro?

Si Jenny iyon. Her own J.Lo.

Mula nang maghiwalay sila sa istasyon ng bus noong magkasakay sila ay hindi na sila nagkita. Ilang araw din silang nagkumustahan sa pamamagitan ng cell phone. Ilang beses din niyang hiningi sa dalaga ang address nito subalit ipinagkait nito iyon. Then nothing.

Bigla na lang ay hindi na niya ma-contact si Jenny. Hindi niya alam kung ano ang nangyari at out of reach na ang numero nito. Hindi niya gustong isipin na umiwas na sa kanya si Jenny. It would definitely hurt him.

All right, he was interested. Bago sila bumaba ng bus, naramdaman na niya iyon. Nag-alok siya na ihahatid ito pero tumanggi. Iginalang na lang niya ang pasyang iyon ng dalaga. Nagpipigil lang din siya na maging makulit para itanong ang address nito bagaman iyon nga ang gusto niyang malaman.

Nagtiis siya. Inisip niyang makipagkaibigan na lang muna. After all, nagre-reply naman si Jenny sa mga text niya. Kapag tumatawag siya, sinasagot din naman nito basta aware itong tumatawag siya. At kapag hindi nito nasagot, ito pa mismo ang magte-text sa kanya upang magpaliwanag na busy ito o kaya naman ay hindi lang narinig ang ring ng cell phone.

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon