Part 18

493 37 3
                                    

"ATE JENNY, makikipag-date ka pa sa iba? Ikakasal ka na!" parang matanda sa unang wika ni Millet sa kanya kinabukasan habang nagbibihis siya. Aware ito na hindi si Larry ang kausap niya nang nagdaang araw pero ngayon lang ito nagbuka ng bibig para kontrahin siya.

"Kaibigan ko iyon. Wala akong gagawing masama," kaswal na sagot niya.

"Pero, Ate, alam ba ni Kuya Larry?"

Kunot ang noong sinulyapan niya si Millet. "Bakit ko naman sasabihin sa kanya ang lahat ng kilos ko? Hindi pa kami mag-asawa."

"Pero kapag nalaman niya, tiyak na magagalit iyon!"

Iniarko niya ang kilay. "Millet, ano ka ba? Nagiging kontrabida ka na, ha?"

Natameme naman ito. "Hindi naman sa ganoon. Ayaw ko lang na mag-ayaw kayo ni Kuya Larry. Baka mamaya, hindi ka noon ma-contact tapos pumunta dito. Ako ang pipigain noon na ituro kung nasaan ka."

"Paano mo ko ituturo kung hindi ko naman sasabihin sa iyo kung saan ako pupunta?" nagpipigil ang tawang sabi niya.

"Oo nga, hindi ko nga alam. Kaya lang, tiyak itatanong niya kung sino ang kasama mo."

"Hindi mo naman kilala."

"PJ. Narinig ko, PJ ang pangalan ng kausap mo sa cell phone."

"Basta tumahimik ka lang. Wala kang sasabihin kahit ano. Basta wala kang alam."

"Ate, mali-mali ako, eh. Bigla na lang akong nadudulas."

"Nakuuu!" Tumaas ang kamay niya at sinakal sa hangin si Millet. "Alam mo, Millet, wala namang dapat problemahin, eh. Wala akong gagawing masama. Ayaw ko lang sabihin kay Larry kasi alam kong hindi siya papayag. At isa pa, gusto kong gumawa ng bagay na ako lang ang nagdesisyon. Kapag kasal na kami ni Larry, tiyak na lahat ng kilos ko, aalamin niya. Kapag ayaw niya at pinilit kong gustuhin, sa away lang tiyak mauuwi. So, hangga't hindi pa kami kasal, sasamantalahin ko nang gawin nang malaya iyong mga bagay na gusto ko. Naiintindihan mo ba ako, Millet?"

Tumango ito.

Napangiti naman siya. "Mabuti naman."

"Pero, Ate, makikipag-date ka sa ibang lalaki!" mayamaya ay wika na naman nito.

"Millet, sasakalin na kitang talaga!" gigil na sabi niya. "Date na kung date. Friendly date lang ito. Wala akong gagawing masama, ilang beses ko bang uulitin. Hindi ako magtataksil!"

Tinitigan siya ni Millet. "Oo nga, Ate. Kilala kita. Mabait ka naman. Saka hindi ka naman malandi."

Napatanga siya. Malandi? Malandi na ba kapag nakipag-date sa hindi niya boyfriend?

Bago pa niya nasagot ang tanong na iyon ay napansin na niya ang isang pick-up na pumarada sa tapat ng bahay niya. Sumilip siya. Si PJ ang sakay niyon.

"Millet," baling niya sa kasama. "Tingnan mo iyong tao sa labas. Iyon si PJ, iyong 'kaibigan' ko na ka-date ko."

Para namang pinitik ang mga binti ni Millet. Sumilip din ito sa bintana. "Ate, guwapo pala! Mas guwapo pa kay Kuya Larry, ah! Pagbubuksan ko na ng gate, ha!"

Napailing na lang siya nang makitang kinikilig pa si Millet.

"Hi!" malugod na bati sa kanya ni PJ nang papasukin ito ni Millet. "You're ready."

Tumango siya. "Oo naman. Ayokong magmukhang nagpapaimportante. Upo ka muna. Gusto mong mag-merienda muna?"

"Ehem! Ehem! Ako nga pala si Millet," singit ng babae.

Napangiti siya. Pinagkilala niya ang dalawa. Game naman si PJ sa kaeklayan ni Millet. Sandali pang nagbolahan ang dalawa.

"Ate, ako na ang maghahanda ng merienda niya. Lalagyan ko ng gayuma para maki-double wedding na rin kami sa kasal ninyo ni Kuya Larry."

Nagkatinginan sila ni PJ. Kapwa sila may ngiti sa mga labi pero kapwa rin biglang nagseryoso. And they both knew why.

"Actually, busog pa ako," wika ng binata na nakangiti na namang bumaling kay Millet. "Next time mo na lang ako ipag-prepare ng merienda."

"Next time? Babalik ka pa uli dito?" taklesang wika ni Millet.

"Millet!" gulat na saway niya dito.

"Ay, sorry! Joke, joke, joke! May date kayo, di ba? Sige, alis na!" Tinungo nito ang pinto at maluwang iyong binuksan. "Poging PJ, ingatan mo si Ate Jenny, ha? Lapitin daw kasi sa disgrasya iyong malapit nang ikasal, eh."

"Paano kung ako pala mismo iyong disgrasya?" wika ni PJ na sa kanya mismo nakatingin.

Napalunok siya. Hindi niya alam kung biro lang iyon. Pero bakit seryoso ang tono ni PJ? At bakit parang hindi nito gustong palampasin ng tingin ang magiging reaksyon niya?

"Umalis na kayong dalawa!" basag ni Millet sa tensyong kagyat na namayani sa pagitan nila. "Dalian ninyo."

"Bakit?" pormal ang mukhang baling niya dito. Nakakahalata na siya, kanina pa entra nang entra si Millet. Kapag si Larry ang dumarating, mukha itong pinitpit na luya at anhin na lang ay sumuot sa lungga.

"Ate, balak ko kasing mag-day off na rin tutal aalis ka naman. Pupunta na lang ako sa Enrile."

"Malayo iyon. Baka gabihin ka."

"Hindi malapit lang iyon. O kaya, para huwag kang mag-alala, bukas na ako ng umaga uuwi. Mainam na rin iyon. Para kapag hinanap ka ni Kuya Larry, wala ako. wala siyang mapagtatanungan."

Hindi niya alam kung matatawa sa narinig. "Sige, bahala ka. Basta, ikandado mong mabuti itong bahay."

Ngumisi si Millet. "Ate, bukas na ako babalik, ha?"

"Bahala ka na. Mag-iingat ka. Baka ma-rape ka sa pupuntahan mo."

"Ay, Ate, gusto ko nga iyon."

"Gaga!"

"Come on, Jen," sabad sa kanila ni PJ. "Baka mamaya, ako naman ang naman ang masabihan ng gago. Hindi ko na hihintayin." He grinned.

Muli ay binilinan niya si Millet na ikandado ang lahat ng dapat ikandado. At pagkuwa ay sumakay na sila ni PJ sa pick-up.

"Saan nga pala tayo pupunta?" tanong niya kay PJ nang umandar na sila.

Nilingon siya ni PJ. "Do you think I will tell you? This is kidnap, Jenny."

Daig pa niya ang nabingi.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 3 - PJ, I Love YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon