Fraternity Alpha.
Ayoko.
Eto ang matigas na sagot sa isip ko nang kulitin na naman ako ni Ace na sumali sa fraternity nila pero ‘di ko sinabi sa kanya. Hindi ko alam kong dahil ba sa takot o ayaw ko rin na mapahiya s’ya sa pag-imbita n’ya sa akin.
Angkulit.
‘Yun na lang ang naisagot ko na ngiti lang ang tinugon n’ya.
Hindi naman sa galit ako sa fraternity. Sa katunayan may mga kaibigan nga ako na mga member ng frat (kaya nga nila ako iniimbita eh) at maraming beses na rin ako naimbitahan ng iba’t ibang frat (apat na yata). Kung sasali kasi ako sa frat parang sisirain ko na ang ilang prinsipyo sa buhay ko. Ayoko kasi na para mapabilang ka lang sa isang grupo o isang kapatiran ay may ipapagawa sa iyo na ilang bagay (maliban na lang siguro kung frat ‘yan ni Ka Andres). ‘Di naman laging hazing ang tinututulan ko dahil may nag-imbita na sa akin na walang hazing pero may mga ipapagawa naman sa ‘yo tulad ng lumublob sa imburnal, magmotorsiklo ng ng nakatalikod sa manibela, magsipilyo at maligo sa gitna ng kalsada, pati panliligaw sa babaeng ‘di mo naman gusto isinama nila at may time limit ka para mapasagot ang babae. ‘Di ko lang talaga gusto ang ganung ideya.
“Sama ka na nga lang sa amin mamaya,” hirit ni Bogart, kasama ni Ace, “para kahit panu mafeel mo kung anu meron sa grupo.”
Medyo nag-alangan agad ako at napansin agad siguro ni Ace ‘yun kaya parang sinalo n’ya agad ang sinabi ni Bogart.
“Inuman lang naman, ‘wag ka mag-alala,” paniniyak ni Ace.
Tiwala naman ako sa taong ‘to. Ilang beses ko na rin naman sila nakainuman kaya sama na lang ako.
Mabilis kami nakarating sa bahay ng isa nilang brother din sa frat, si Chip. May kalakihan ang bahay nila at isa sa mga tinuturing na big man sa frat nila, royalty kasi.
Fraternity terminology: royalty—kapag ang either or both of parents mo ay member ng frat o affiliate sorority, pwedeng automatic member ka na agad at may mga privileges pa lalo na kapag both of parents mo ang member.
Kinamayan ng dalawa ang parang bosing nila ng trademark na handshake nila. Ako naman normal na kamay lang syempre. Kilala na rin naman ako ni Chip at normal lang na kahit ‘di ako ka-bro ay minsan ay naisasama na ako sa ilang inuman at gimik nila, kaibigan naman daw eh, basta ‘wag lang opisyal na lakad ng fraternity (opisyal na lakad din ang rambol kaya ayoko rin naman sumama).
Nilabas na ang mga lalaklakin namin at nakabili na agad ng mga pupulutanin at may iba pang nasa oven lang na parang hinihintay lang kami.
Alak, alak at alak.
Bumabaha na naman ng alak pati pulutan sagana, parang fiesta.
Kokonti pa lang ang naiinom ay nagtanong pa ako na kung ano ba ang meron kaya may inuman.
“Kailangan ba lagi ng dahilan para uminom?” sagot ni Chip na patanong din.
“Umiinom tayo dahil tayo ay masaya. Umiinom tayo dahil tayo ay malungkot. Umiinom tayo dahil tayo ay nababagot…” ang sagot naman ni Ace. Andami pa n’yang sinabing dahilan pero nagtutunog makata na s’ya kahit konti pa lang ang naiinom n’ya kaya ‘di ko na rin pinakinggan. Natawa na lang ako.