Nang makatulog muli si Cassandra ay banayad na hinaplos ng kaniyang ina ang kaniyang noo. Matapos no'n ay nagtungo si Juana sa kanilang lumang bodega, iniurong niya ang isang malaking aparador, at doon ay bumungad ang isang sekretong lagusan. Kinuha ni Juana ang maliit na kahon sa isang lumang aparador na naroon at kinuha ang isang susi sa loob nito, matapos no'n ay ibinalot nito sa sarili ang dalang balabal habang bitbit ang isang nakasinding kandila. Napalunok siya ng laway nang marahang tinungo na niya ang sekretong lagusan na iyon. Hindi alam ng anak niyang si Cassandra na may ganoong bahagi pala sa kanilang tahanan. Marahang pumanaog ng hagdan si Juana at tinungo ang isa pang maliit na silid sa lugar na 'yon. Nang marating niya ito ay agad na pinihit niya ang siradura ng pinto na Lumikha nang bahagyang paglangit-ngit. Puno ng lumang mga kagamitan ang maliit na silid na 'yon, karamihan sa mga ito ay mga lumang gamit ng kaniyang ina at ng mga kanuno-nunuan pa nila. Mga gamit para sa panggagamot at ang karamihan ay ilang mga kagamitan ng kanilang pamilya para sa itim na karunungan.
Subalit, hindi ang mga 'yon ang pakay ni Juana sa silid na 'yon, kun'di ang isang lumang baul ng kaniyang ina na naglalaman ng pinakamahalagang pag-aari ng kanilang pamilya. Isang natatanging kuwintas.
"Mahalaga ka man; pero baka ikaw pa ang magpahamak sa anak ko," wika ni Juana habang hawak-hawak ang nagliliwanag na kulay asul na kuwintas. Nakabalot ito sa isang metal na hugis lambana na magkayakap at nakapikit. Ang sabi ng ina ni Juana ay labis na makapangyarihan ang kuwintas na 'yon, subalit mapanganib din sa oras na ginamit sa kasamaan. Minsan nang pinahamak nito ang kanilang angkan nang gamitin nila ito sa hindi magandang gawain. Ito rin ang isa sa mga naging dahilan kung bakit sila pinangingilagan, dahil sa minsang pagkasilaw sa kapangyarihang itim na kayang ihatid ng nasabing kuwintas. Ang mga lambanang nakaukit ay palatandaan na ibinigay ito ng mga diwata at anitong sinasamba ng kanilang mga ninuno.
Itinago ito ni Juana sa kaniyang bulsa, kailangang mawasak o 'di kaya naman ay mawala na lang 'yon bago pa dumating ang araw na sila na namang mag-ina ang mapahamak. Ilang gabi na kasi siyang hindi makatulog, dahil may naririnig siyang mga bulong.
Ito rin ang ibig na kunin ng mga kalaban ng kanilang angkan. Mabilis na umalis si Juana ng gabing 'yon tangan ang kuwintas para dalhin sa burol upang itapon sa dagat na malapit doon. Bitbit ang gasera ay marahang binaybay ni Juana ang daan papunta sa may burol. Nang malapit na siya sa may bangin ay agad na dinukot niya ang kuwintas na nasa kaniyang bulsa nang bigla na lamang may nagsalita.
“Ibigay mo sa akin ang kuwintas na 'yan Juana!” wika ng isang lalaki sa kung saan. Maya-maya pa ay lumitaw ang isang lalaki. Napakunot ng noo si Juana ng mapagsino ang lalaki. “Rafael?!” gulat n wika ni Juana
Ang angkan ni Rafael ay kalaban ng kanilang angkan nila Juana. Mula rin sa mga makapangyarihang angkan ng mga mambabarang at mangkukulam, at ang tunay na ama ni Cassandra na hindi man lang kinilala ang sariling anak. Ginamit at pinaibig lang niya si Juana para makuha ang kuwintas pero natuklasan agad ang totoong pakay na labis na ikinadismaya ni Juana.“Puwede ba Rafael! Bigyan mo naman kami ng katahimikan ng anak mo! Alam kong sa kasamaan mo lang gagamitin ang kuwintas na ito kaya't mabuti ng walang makinabang pa rito,” wika ni Juana. Subalit, sa isang kisapmata lamang ay biglang nasa harapan na niya si Rafael. Nakangisi ito nang nakakikilabot sa kaniya at saka siya sinakal.
"R-Rafael, nasasaktan ako! Ano ba!" Pero tila walang naririnig ang lalaki sa pakiusap ni Juana sa kaniya. Alam ni Juana na ang kuwintas lang ang pakay ni Rafael sa kaniya. Sa rami ba naman ng kayang gawin ng kuwintas, kahit ordinaryong tao ay nanaisin na mapasakamay ito. Subalit, walang nakakaalam sa lihim na ritwal na ginawa ni Juana sa kuwintas, isinalin niya sa katawan ni Cassandra ang kapangyarihang taglay nito, bilang proteksyon ng anak sa kaniyang sarili kung sakaling dumating ang araw na mawala siya. Sa makatuwid ay wala ng kaunting bisa pa ito, pero sa oras na may makaalam ng kaniyang ginawa at malaman kung paano ito makukuha mula kay Cassandra ay maaring maging mapanganib o tagapagligtas ang makakakuha nito, pero kung si Rafael man ito ay tiyak ng magiging napaka-delikado nito. Marahas na kinuha ni Rafael ang kuwintas mula kay Juana at tsaka niya inihagis ang babae sa bangin. Umalingawngaw sa paligid ang pagsigaw ni Juana subalit walang kahit na sino ang nakarinig sa pagsigaw niyang 'yon.
Samantala, habang nasa kailaliman ng kaniyang pagtulog si Cassandra ay napanaginipan niya ang kaniyang ina na tila nahuhulog sa bangin at tinatawag ang pangalan niya. Napabalikwas mula sa kaniyang pagkakahiga ang dalaga na pawis na pawis.
"Nay? Inay?!" Tawag ni Cassandra sa kaniyang ina subalit walang Juana na sumasagot sa kaniya. Kaagad na bumangon siya at hinanap ang ina sa loob ng bahay pero wala ito roon. Nag-umpisa nang mag-alala si Cassandra kung nasaan na ang kaniyang ina gayo'ng madaling araw pa. Hinintay niya itong dumating pero sumikat na lang ang araw ay wala pa rin ito. Dito na siya lumabas ng bahay para hanapin ito. Hindi pa man nakalalayo sa kanilang tahanan ay narinig na ni Cassandra ang ilang mga tao na pinag-uusapan ang kaniyang ina.
“Hindi na siguro nakayanan ang mga kasamaang nagawa kaya tumalon sa bangin at nagpakamatay,” wika ng isang ale.
"Ang sabihin mo karma kamo. Mabuti na ‘yon at ng mabawasan naman ang ilan sa mga salot dito sa 'tin!" wika ng isa pa na diniinan ang huling sinabi at tsaka umirap kay Cassandra ng makita ito. Agad na umalis ang dalawa palayo kay Cassandra. Hindi na maganda ang nararamdaman ni Cassandra sa mga narinig niya. Naramdaman na lang niya ang paglandas ng mga luha sa kaniyang pisngi habang tumatakbo sa kung saan para hanapin ang kaniyang ina. Hanggang sa may isang ginang na sumalubong sa kaniya at sinabing natagpuan sa may pampang ang kaniyang ina na wala ng buhay. Mabilis na tinungo ni Cassandra ang pampang at doon ay nakita niya ang kumpulan ng mga tao. Hinawi ni Cassandra ang mga taong naroon at sumiksik siya sa mga ito.
Halos mawalan ng lakas si Cassandra ng makita ang ina na nakahandusay, puno ng mga galos at sugat, at higit sa lahat ay wala na rin itong buhay. Wala man lang kahit na sino ang lumapit para dalhin man lang ito sa mas maayos na lugar.
“Nay!” humahagulgol na wika ni Cassandra papunta na kaniyang ina. Sinapo niya ang ulo nito at ipinahimlay sa kaniyang kandungan at niyakap ito nang mahigpit.
“Ano pong nangyari? Pinainom niyo pa ako ng gamot kagabi hindi ba? Nay, bakit niyo po ako iniwan? Paano na po ako?” Hindi mapatid ang pag-iyak ni Cassandra habang kinakausap ang wala ng buhay na ina.
“Masaya na ba kayo?! Wala na ang nanay ko! Wala na siya, ang tinuturing ninyong salot!” galit na wika ni Cassandra sa mga taong nakapaligid sa kaniya. Subalit, umirap lamang ang mga ito sa kaniya sabay iling at dahan-dahang nagsialisan. May mga ilang tumulong na dalhin sa kanilang tahanan ang labi ng kaniyang ina. At sa araw ng libing ay mag-isang nagdalamhati si Cassandra. Hindi man lang niya nalaman ang tunay na nangyari sa kaniyang ina, kung paano ito humantong sa pagkamatay nito. Kasabay nang pagbuhos ng ulan ang pagdaloy ng kaniyang mga luha.
“Nay, paano na po ako ngayon. Hindi ko po alam kung paano po ang mabuhay ng mag-isa,” Lumuluhang turan ng dalaga habang nasa kalagitnaan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa himlayan ng kaniyang ina. Samantala, sa ‘di kalayuan ay may isang binatang lihim na nagmamasid sa kaniya. Ang binatang si Joel. Hindi siya kilala ni Cassandra, pero kilala siya nito dahil sa mga kuwento ng mga tao pati na rin ng kapatid nito na si Rod. Pawang hindi magagandang mga bagay ang alam ni Joel patungkol sa pamilya ng dalagita, pero sa senaryong nakikita niya ay hindi niya maiwasan ang makaramdam ng awa at pagkahabag sa dalaga.
Nakaluhod ang dalaga sa puntod ng kaniyang ina habang umiiyak ito. Sa ‘di kalayuan ay may natanaw naman matandang lalaki si Joel, napansin niyang nakapako ang tingin nito kay Cassandra. At parang kidlat sa sobrang bilis, hindi namalayan ni Joel na nasa harapan na pala ito ng dalagita. kitang-kita niyang may bahid ng takot sa mukha ng dalaga habang nakatingin ito sa taong nasa harapan niya na ngumisi lamang ng nakakakilabot sa kaniya.
“S-Sino po kayo?” nauutal na tanong ni Cassandra sa lalaking nasa harapan niya. Hindi niya maintindihan ang kakaibang kaba habang nakatingin sa lalaking naka ngisi ng nakakakilabot sa kaniya.
“Huwag kang matakot hija, hindi mo ba ako kilala? Hindi ba nasabi ng nanay mo kung sino ako sa buhay mo?”
“Hindi kita kilala, kaya pakiusap po umalis na po kayo.”
“Hindi ako aalis dito hangga't hindi ka sumasama sa 'kin. Ako ang ama mo Cassandra, kaya't kailangan mong sumama sa 'kin,” wika ng lalaki at hinawakan ang dalagita sa palapulsuhan nito. Sapilitang hinihila nito ang dalaga para sumama sa kaniya subalit nagpupumiglas ito, akma na sanang lalapitan sila ni Joel para sumaklolo ng biglang tumili ng pagka lakas-lakas si Cassandra dahilan para tumilapon at mapasandal sa katawan ng isang puno ang lalaking nagpakilalang ama nito. Nabigla silang tatlo pareho sa nangyari. Mabilis na umalis palayo si Cassandra at ang lalaki naman ay napaawang na lamang sa sakit.
“Hindi mo kayang maglihim sa'kin Juana, hindi mo ako kayang linlangin! Kung kailangan kong patayin ang sarili kong anak para makamtan ang kapangyarihan ng kuwintas na sinalin mo sa kaniya ay gagawin ko.”

BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...