CHAPTER -15

73 3 0
                                    

Dahil sa napansin ni Joel sa kapatid ay patay malisya niya na itong sinubaybayan, at minamatiyagan. Minsan nang naglihim ito sa kaniya ng tungkol sa pag-aaral niya para maging isang antingero na ipinagbawal na ng kanilang ama at pati na rin ang lihim na pagtingin nito kay Cassandra noon. Sa ngayon ay ibig niyang kumpirmahin ang kutob niyang may bagay nga itong tinatago sa kaniya.

Nang sumunod na gabi, alam ni Joel na aalis na naman ng bahay ang kuya niyang si Rod. Napansin niyang mula nang balutin ng sumpa si Luna ay bigla na lamang itong nawawala sa bahay at pagkaraay bigla na lamang ding sumusulpot sa oras na nakapaminsala na si Luna. Ng isang gabing nasa anyong halimaw na si Luna. Matapos mabigyan ng pananggalang ang kulungan ni Luna ay nagpaalam saglit si Rod kay Joel.

“Magpapahangin lamang ako saglit sa labas Joel,” wika ni Rod. Nakasanayan na ni Rod na laging hindi umaalis sa tabi ni Luna ang kapatid na si Joel sa tuwing nagbabagong anyo ito, kaya laging kampante itong umaalis matapos gawin ang mga dapat niyang gawin kapag nasa ganoong sitwasyon na si Luna. Matapos noon ay pasimple siyang sinundan ni Joel. Malayo ang kaniyang naging puwesto ni Joel na tama lang para matanaw niya ang kapatid at malaman kung saan ito pupunta; hanggang sa bigla na lamang itong mawala sa paningin niya. Napakamot na lamang siya ng ulo nang malingat na siya ng tingin, at hindi na niya ito matanaw. Nagitla siya nang pagtalikod niya’y nasa harapan lang pala niya ito.

“Ano ba naman iyan kuya, ginulat mo naman ako, pero paanong nandiyan kana?” wika ni Joel sa kapatid.

“Sinusundan mo ba ako Joel?”

“Nakalimutan mo lang kasi itong panlamig mo, aba'y gabi na, matatanda na tayo kuya at madaling magkasakit,” pagsisinungaling naman ni Joel sabay hubad sa diyaket ng kapatid na sinuot niya.

Nawala ang pagdududa ni Rod, at inisip na lang ni Joel na sa susunod na lamang niya muling susundan ang kapatid kapag may pagkakataon.

Kinabukasan. Nagtataka si Luna kung bakit parang sobrang bigat ng pakiramdam niya, napansin din niya ang ilang kaunting galos at pasa sa katawan. Pinatingnan niya ito sa kaniyang lolo Rod, dahil alam niyang nanggagamot ito. Ng mga sandaling magising siya ay nasa kusina ang kaniyang lolo Joel, at nasa balkonahe naman ang kaniyang lolo Rod kung saan malapit lang din ang kaniyang silid.

“Lo, tingnan niyo po ang mga ito, noong una kaunti lang, minsan naman wala, pero nitong mga nakaraan ay parang marami na at parang kinagabihan lang dahil sariwa pa ang ilang sugat ko sa katawan," wika ni Luna kay Rod na noon ay nagka-kape.

Gusto man niyang sabihin na dahil ito sa ginawang pagkukulong sa kaniya at pagpupumilit na kumawala ay hindi niya maaaring gawin. Kaya't nagsinungaling na naman siya kay Luna.

“Naglalakad ka kasing tulog tuwing gabi Luna, kung anu-ano pa ginagawa mo, nahihirapan pa kami ng lolo Joel mong pakalmahin ka at isa pa ayaw mo pang magising. Gagamutin na lang natin ‘yan para makapasok ka na at mahuhuli ka na sa pagpasok.”

Biglang naalala ni Luna na may pagsusulit nga pala sila ng araw na iyon, at matapos no’n ay magiging abala na ang lahat ng mga estudyante dahil sa gaganaping programa sa kanilang paaralan kung saan ang isa sa mga nag-organisa ay ang binatang napupusuan niya. Si Paul.

Tahimik na naglalakad si Luna ng biglang may isang bulto ng lalaki ang tumabi sa kaniya.

“Kumusta ka na Luna? Hindi ka pa rin ba pinayagan?" wika ni Paul.

“Tatlong linggo pa naman ang paghahanda, baka payagan ka rin, huwag ka nang malungkot," wika ni Paul sabay hawi ng buhok ni Luna na bahagyang tumabon sa kaniyang mukha. Biglang bumilis ang tibok ng puso ng dalaga sa ginawang iyon ni Paul.

“Mas maganda ka pala Luna kapag tinititigan ka ng malapitan,” dagdag pa ng binata na nakatunghay kay Luna na noon ay namumula na ang pisngi at naiilang. Gusto niyang paalisin ang binata na nasa harapan niya pero may parte sa puso niya na pumipigil sa kaniya.

ANG SUMPA KAY LUNA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon