CHAPTER -10

90 1 0
                                    

Isang pangkaraniwang araw, magiliw na nagpaalam si Luna sa kaniyang mga lolo para pumasok na sa eskwela. Isang taon na lang at magko-kolehiyo na siya, at ibig niyang medisina ang kunin pagpasok ng kolehiyo. Naiisip niyang tumatanda na ang kaniyang mga lolo, at hindi na rin madali ang buhay. Nais niyang siya ang mag-alaga sa mga ito kapag nagkasakit o kailangan nila ng atensyon ng isang Doktor.

Habang naglalakad papuntang eskwelahan ay biglang pumasok sa isipan ni Luna ang babaeng napapanaginipan niya.

"Sino kaya ang babaeng iyon, At lagi na lang siyang laman ng panaginip ko?" sa isip ni Luna. Naging palaisipan para sa kaniya ang mga nakikita niya sa kaniyang panaginip. Idagdag pa ang kakaibang pakiramdam tuwing umaga. Na para bang may pinagdaanan siya habang siya'y nasa kalagitnaan siya ng kaniyang pagtulog.

"Luna!" tawag ng isang babae. Ang kaniyang kaibigan at kaklase na si Anna.

"Oh, Anna. Ikaw pala." Tiningnan ni Anna ang kaibigan na tila malalim na iniisip.

"Bakit parang ang lalim naman ng iniisip mo? May problema ka ba?" tanong ni Anna kay Luna.

"May mga ilang bumabagabag lang sa isip ko. Mga bagay rin na mahirap ipaliwanag at mga pangyayari na hindi ko alam kung totoo ba o hindi."

"Gaya ng ano?"

"Iniisip ko kasing mag medisina sa kolehiyo. Pero, baka hindi kayanin ng mga lolo ko. Gusto ko pa man din ang kursong iyon dahil kapag naging ganap na Doktor na ako, ako na gagamot at mag-aalaga sa kanila."

"Naku, matalino ka naman Luna, hindi mahirap para sa'yo ang maging iskolar. Matutupad mo rin yan," wika ni Anna sa kaibigan sabay hagod sa likuran nito.

"Pero, hindi lang kasi 'yan ang inaalala ko. Kakaiba kasi ang mga nagiging panaginip. Paulit-ulit. At para bang may ipinapahiwatig." Napakunot ng noo si Anna sa sinabi ni Luna.

"Ano ba'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Anna. Inilarawan ni Luna sa kaibigan ang panaginip niya.

May mga tao, may pamilyar at hindi pamilyar na mga tinig ang naririnig niya sa kaniyang panaginip. Naririnig lang niya dahil malabo ang mga itsura nito. Subalit alam niyang may mga komosyon, dahil may sumisigaw at magmamakaawa. Isang babae. Isang babae na hinihila ng maraming tao at tinatawag ang pangalan ng kaniyang lolo na si Joel. Nararamdaman din niya ang init ng apoy, hindi niya alam kung bakit pero naririnig niya ang paghiyaw ng babae na tila nakagapos habang tinutupok ng apoy.

"Baka naman dahil lang 'yan sa pag-aalala mo sa mga lolo mo o 'di kaya sa nalalapit na pagsusulit natin at tambak na proyekto bago magtapos. Tsaka Luna, sabi ng nanay ko, kabaliktaran daw ang panaginip sa totoong buhay. Ibig sabihin wala lang 'yan kaya't 'wag na masiyadong mag-isip," wika ni Anna sabay hawak sa balikat ng kaibigan.

Dumeretso na sila sa paglalakad papuntang eskwelahan. Bahagyang nauna si Luna, at napahinto naman si Anna dahil natanggal ang pagkakatali ng sintas ng kaniyang sapatos. Itinali niya muna habang si Luna naman ay marahan lang na naglalakad at nag-akalang kasabay pa rin niya ang kaibigan dahil may pigura pa rin ng babae na nasa gilid niya. Hindi ito umiimik at hindi niya na rin naman binigyan ng pansin. Biglang hinawakan nito ang kanilang braso.

"Oh, bakit Anna?" wika ni Luna na napatingin sa kaniyang braso ang mainit at magaspang na kamay na humawak bigla sa kaniya.

"Ang init naman ng kamay mo," dugtong pa niya.

Napalingon si Anna sa gawi ni Luna. Nagtataka siya sa sinabi ni Luna gayong ilang dipa na nga ang distansya niya dahil sa pagtatali ng kaniyang sapatos.

"Hoy! Luna! Anong pinagsasabi mo riyan?" tanong niya na hindi naririnig ni Luna.

Napasigaw si Luna nang lingunin na niya ang kaniyang katabi. Isang babaeng sunog ang mukha at buong katawan at binabanggit ang pangalan niya. Natumba siya at naghe-hesterikal dahil sa takot. Marahan itong lumalapit sa kaniya kaya't mas lalo siyang nataranta. Tinakpan na lang niya ng kaniyang mga palad ang kaniyang mukha para hindi niya ito makita. Noon ay nilapitan na siya ng kaibigang si Anna.

"Luna! Luna?! Ano bang nangyayari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Anna sa kaniya subalit hindi niya ito naririnig. Hinawakan ni Anna ang dalawang kamay ng kaibigan para hawiin ito at itanong kung saan bakit bigla na lamang ito sumisigaw. Subalit, ng alisin ni Luna ang mga kamay na nakatabon sa kaniyang mukha ay muli niyang nakita ang nakakatakot na anyo ng sunog na babae. Humiyaw ito ng pagkalakas-lakas sa harapan niya kaya't napahiyaw rin siya at nawalan ng malay tao dahil sa matinding nerbiyos.

****
"Luna? Apo?" tawag ng isang pamilyar na boses kay Luna. Pinipilit niyang idilat ang mga mata niya. Malabo hanggang sa luminaw ang kaniyang paningin at nakilala ang mga tao sa paligid niya lalo na ang isang matandang nasa harapan niya na puno ng pag-aalala. Ang kaniyang lolo na si Joel. Kinuha ni Joel ang isang basong tubig na nasa lamesa sa tabi ng higaan ni Luna.

Inalalayan nito ang apo na maupo tsaka niya ito pinainom ng tubig.

"Ayos ka lang ba apo? Ano bang nangyari? Bigla ka lang daw nagsisisigaw sabi ni Anna?"

Marahang napaangat ang ulo ni Luna at tiningnan ang kaniyang lolo Joel sa mata ng deretso.

"I-Isang babaeng parang nasunog po ang nagpakita sa'kin, at parang siya rin ang babae sa panaginip ko 'lo. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nagpapakita sa'kin, eh hindi ko naman po siya kilala."

Natulala si Joel sa mga sinabi ni Luna. Hindi imposibleng si Cassandra ang nakita ni Luna. Pero matagal ng patay si Cassandra. Marahil ay nagpaparamdam lamang ito dahil hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya ang sakit ng nakaraan nang ipinagkanulo siya ng lalaking mahal niya. At si Luna ang hinihingi niyang kabayaran sa lahat ng mga nangyari para mas maramdaman ni Joel ang sakit ng pagbebentang, gaya ng ginawa nila sa kaniya, na naging sanhi rin ng hindi makatarungang pagpatay sa kaniya.

"'Lo? Ayos lang po ba kayo? Bakit bigla po kayong natahimik?" tanong ni Luna ng biglang mawala sa wisyo ang kaniyang lolo.

"Ha? Ah, eh. Wala apo, may naalala lang ako. Baka pagod ka lang sa pag-aaral mo o baka nag-iisip ka lang masiyado kaya kung anu-ano na lang ang mga nakikita mo. Sige na magpahinga ka na muna at bukas ka na lang pumasok," pagdadahilan ni Joel na nakita ng kaniyang kapatid na si Rod na noon ay nakatingin lamang sa may pinto ng silid ni Luna at may dala-dalang pagkain. Pumasok ito at inilapag sa lamesa ng dalaga ang pagkain.

"Apo, baka gutom ka. Oh heto at pinagluto kita ng paborito mong adobong palaka. Kumain ka muna hija at pagkatapos ay bibigyan kita ng nilaga kong halamang gamot, mainam 'yon para sa'yo," wika ni Rod subalit ang mga mata ay nakatingin kay Joel. Matapos noon ay parehong nagtungo ang dalawa sa kusina at kinausap ni Rod ang kapatid.

"Hanggang kailan mo ba ililihim kay Luna ang lahat, ha Joel?"

"Para saan pa kuya? Hindi rin naman makakatulong sa nangyayari sa kaniya kung malalaman pa niya, mas maiging hindi na niya malaman ang lahat. Tama na ang tayo lang ang nakakaalam ng lahat."

"Walang naitatagong usok Joel, hindi sa habang panahon ay kaya mong pagtakpan si Luna, at hindi rin habang buhay ay maitatago mo sa kaniya ang lahat. Paano kung wala na tayong dalawa? Anong mangyayari sa kaniya? Matatanda na tayo, at hindi natin alam pareho kung hanggang kailan na lang tayo para makasama si Luna."

Natahimik si Joel sa sinabi ng kaniyang kapatid. Napagtanto niyang hindi habambuhay ay maitatago niya kay Luna ang lahat. Nagsalubong ang kaniyang kilay habang iniisip ang kaniyang dapat gawin.

"Mamayang gabi, ihanda mo ulit ang sarili mo. Dahil kahit kapatid mo ako Joel at apo ko si Luna, hindi ko masasabi sa sarili ko na... Makakaya kong konsintihen habambuhay ang ginagawa ni Luna. Minsan, kailangan nating magsakripisyo para makuha ang mga bagay na gusto natin." Tiningnan ni Rod ang kapatid ng deretso sa mata, at bahagya namang napayuko si Joel. Ilang oras na lang, at mag-iiba na naman ng anyo ang kaniyang apong si Luna.

Naging abala si Joel ng araw na 'yon dahil sa mga gawain sa bukid. Inabala niya ang kaniyang sarili para maiwasan ang mag-isip ng mga posibleng mangyari kay Luna. Subalit, dahil sa matinding pagod ay napalalim ang pagtulog ni Joel gayo'n na rin si Rod na kasama ni Joel sa pagtatrabaho sa kanilang taniman, dahil araw iyon nang pag-aani at paghahanda ng mga iluluwas sa sentro ng bayan para ibenta.

Muling sumapit ang hatinggabi. Pumaroon na naman sa silid ni Luna ang maitim na usok ay marahan itong lumukob sa kaniya. Napa-ungol si Luna, na para bang nahihirapan itong huminga hanggang sa marahang naging kulay abo ang kaniyang balat at nagsilabasan ang mga maliliit at malalaking kulay itim na mga ugat. Nag-iba na rin ang kaniyang itsura. Muli ay naging halimaw siya. Bigla na lamang siyang deretsong bumangon at naupo sa kaniyang kama. Naging purong puti na ang kaniyang mga mata at ngumisi ng nakakakilabot.

ANG SUMPA KAY LUNA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon