Hindi nakatulog ng buong magdamag sina Joel at Rod. Naitago nila si Luna, pero hindi ang mga bangkay ng mga naging biktima nito. Nakita ni Joel ang kalunos-lunos na mga itsura nito.
Masahol pa sa hayop ang pagkakapaslang sa kanila dahil sa napaka-brutal nang pagkamatay nila.Parehong nasa harap ng lamesa silang magkapatid, habang maagang nag-aalmusal. Ng mga sandaling iyon ay tulog pa rin si Luna. Lumipas na ang ilang buwan mula ng balutin si Luna ng sumpa, subalit wala pa rin silang mahanap na lunas para sa kaniya. At ilang buwan na rin silang parang tila alipin ng sumpang hindi lang si Luna ang pumapasan kun’di maging ang kanilang buong pamilya.
“Hanggang kailan mo ba sasabihin kay Luna ang nangyayari ha Joel? Tandaan mo, walang usok na naitatago,” paunang salita ni Rod.
“Puwede ba kuya, ‘wag mo munang guluhin ang utak ko. Hindi ko pa nga alam paano lulusutan ang nagawa ni Luna kagabi kung sakaling may umalam o ano. Walang puwedeng makatuklas ng kalagayan ni Luna. Hindi ko hahayaang may mangyari sa apo ko, makikipagpatayan ako.”
“Patayan? Siya na nga ang pumapatay Joel!” gigil at mahinang sabi ni Rod.
“Kapag dumating sa puntong, mauulit ang nangyari noon. Wala na tayong magagawa. Wala na akong magagawa,” dugtong ni Rod bago iniwan ang kapatid at nagtungo ng bukid.
Napabuntong hininga na lamang si Joel, ang totoo kasi talaga ay hindi niya rin alam kung ano gagawin. At gaya ng inaasahan naging usap-usapan kinabukasan ang nangyaring trahedyang ginawa ni Luna.
Binalot ng takot at pangamba ang buong baryo, lalo na ng makita nila ang mga katawan ng mga pobreng bata na hindi na halos mailarawan dahil sa pagkakalasug-lasog ng mga katawan.“Halimaw ang gumawa niyan at hindi tao,” wika ng isa sa mga nakiusyoso habang kinukuha ang mga bangkay mula sa masukal na parte ng baryo para makita muna ng mga kamag-anak bago dalhin sa morge.
“Isang babae na nag-aanyong halimaw raw ang gumawa niyan, sabi ng nag-iisang nakaligtas," sabi ng isa mga taga barangay na kumukuha rin sa mga patay na katawan, at siya ring tumulong sa kanila ni Joel nang nagdaang gabi. Napatingin ang mga tao sa kaniya, nabanggit din niya ang mga pangalan nila Joel at Rod. Ng mga sandaling iyon ay nasa ‘di kalayuan lamang si Rod habang takip ng sumbrero sa kaniyang ulo. Pasimpleng pinagmamasdan lang niya ang mga nagkukumpulang mga tao.
Naging napakahirap para kay Joel ang nangyari. Dumating na siya sa puntong gumawa na siya ng malaking hawla para kapag nakakatulog na si Luna ay doon na niya ito inilalagay bago paman ito makapagpalit ng anyo at kapag bumabalik ito sa kaniyang dating anyo ay saka niya ito ibinabalik sa higaan nito.
Naging epektibo iyon, pero walang araw na hindi pinaalalahanan ni Rod ang kapatid na hindi niya habangbuhay na magagawa ang ganoon.
“May hangganan ang paglilihim nating ito Joel,” wika ni Rod habang pinagmamasdan si Luna sa loob ng hawla na noon ay nasa anyong halimaw na.
“Alam kong mula noon paman ay wala ka ng pakialam sa nararamdaman ko kuya, kaya kung wala ka na rin lang magandang sasabihin, hayaan mo na lang ako,” wika ni Joel habang nag-iingay si Luna sa loob at pinipilit na sirain ang kinalalagyan niya para makawala. Tiim bagang na tinalikuran niya ang kapatid gayo’n din si Rod na lumabas mula sa silong ng kanilang bahay kung saan naroon ang bakal na hawlang kinalalagyan ni Luna.
Kahit nakakakilabot ang anyo ni Luna ay nakikita pa rin ni Joel ang inosenteng apo sa likuran ng nakakatakot na anyong iyon.
Umaatungal at nanlilisik ang mga mata ni Luna habang nakatingin ito kay Joel, tatalikod na sana si Joel habang pinapahid ang mga luha nang biglang may humawak sa magkabilaang braso niya. Ang mga buhok ni Luna na biglang nagkaroon ng sariling buhay at iginapos si Joel habang hinihila ito papalapit sa kaniya. Iginagalaw ni Luna ang kaniyang mga daliri na may mahahaba at matatalim na mga kuku habang umaagos naman mula sa kaniyang bibig malapot nitong laway habang ngumingisi ng nakakapanindig-balahibo. Sumilay rin ang mga matatalim na mga ngipin nito.

BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...