“Anak mo si Cassandra?!” tanong ni Rod. Gaya niya ay nabigla rin si Joel sa kaniyang narinig.
“Oo, anak ko siya, pero wala rin akong pakialam sa kaniya. Nakipagrelasyon lamang ako sa kaniyang ina hanggang sa maging bunga siya para makuha ang pinakamakapangyarihang mutya ng mga diwata na may basbas ng mga anito. Mas higit akong magiging makapangyarihan kapag nasa akin na iyon, nakalagay iyon sa loob ng kuwintas na ito subalit ang walang utak niyang ina ay isinalin ito sa katawan niya. Akala ko makukuha ko na iyon kapag namatay si Cassandra, hindi ko kasi siya puwedeng paslangin dahil hindi gagana sa sinumang papaslang sa kaniya ang kapangyarihan ng mismong mutya kapag bumalik na ang kapangyarihan nito.”
“Ibig mong sabihin, hindi talaga si Cassandra ay may kagagawan ng lahat ng mga pagpaslang noon?” Tumango lamang ng nakakaloko si Rafael sa tanong ni Rod.
“Isali mo na rin ang pagpaslang sa kaniyang ina at sa ilang mga tao sa baryo ninyo. Kay Luna naman, kapag wala pa rin talagang nakapaslang sa kaniya, papatayin ko na lang din siya. Kung hindi ko rin lang din naman mapakikinabangan ang ang kapangyarihang nakatago sa loob ng katawan niya, ano pang silbi ng buhay niya?" nakangiting wika ni Rafael.
“Makakalaya lamang siya kung magagawa niyang kontrolin ang kapangyarihang nasa loob niya at mapaslang ako, pero imposible iyon, kaya ako na ang papatay sa kaniya at isusunod ko na rin ang hangal mong kapatid para mabuo na ulit ang pamilya ninyo!” wika ni Rafael at humalakhak na parang demonyo at unti-unting naglalaho.
Napahiyaw ang kaluluwa ni Rod sa kaniyang mga narinig. Ilang sandali pa ay lumapit habang umiiyak ang kaniyang kapatid na si Joel.
“Kuya? Ikaw na ba talaga iyan?” tanong nito na dahilan para tingnan ni Joel ang nagsasalita.
Gumuhit ang lungkot sa mukha ni Rod sa puntong iyon.
“Ako ito Joel, patawad kung wala ako sa tabi mo para sana maprotektahan si Luna, hindi si Cassandra ang gumawa ng sumpa kay Luna, kun'di ang kaniyang ama. Nilinlang niya lang ako, kayo, tayo. Ginamit niya ang pagnanais ko na maging antingero gaya ng ating ama para magawa ang gusto niya. Gusto ko lang din naman kasing ipagmalaki ng ating ama kahit wala na siya, ikaw lang kasi ang laging pinupuri niya mula nang mga bata pa tayo, pero dahil sa pagnanais kong iyon, heto ako at nabitag ng hindi inaasahang kalaban at nagamit ang aking katawan sa kasamaan. Hindi ka natulungan ni kuya, patawad bunso, patawad dahil nainggit akong ikaw ang minahal ni Cassandra, at dahil doon ay ako pa pala ang magiging instrumento para mawala siya, kasalanan ko ang lahat ng ito kasalanan ko!” mahabang wika ni Rod at humagulgol ng pag-iyak.
“Pumunta ka na kuya sa lugar na dapat matagal mo nang napuntahan, ako na ang bahala kuya. Pinapatawad na kita kung ano man ang nagawa mo, mahal kita, kasi kapatid kita eh, ikaw lang ang kuya ko. Kaya pala hindi mo na ako binibilhan ng suman kasi hindi na pala ikaw yon,” umiiyak na turan ni Joel at mapait na ngumiti.
Inutusan ni Rod si Joel na sunugin ang lahat ng naroon sa loob ng bahay na iyon o hangga't maaari ay ang mismong bahay para makalaya na ang kaniyang kaluluwa at makatawid na sa kabilang buhay. Nang lamunin na ng apoy ang bahay ay nakita na ni Joel na nakasuot na ng puting kasuotan ang kaniyang kapatid at nakangiti itong nagpaalam sa kaniya bago tuluyang mawala.
Ng mga sandaling iyon ay nasa punto na si Joel na ipagtapat na lahat kay Luna, naisip niyang baka kapag naipaliwanag niya ng maayos ay mauunawaan din siya nito. Hindi pa alam nang nagpapanggap na Rod na alam na ni Joel ang lahat.
Samantala, hindi naman namalayan ni Luna ang oras. Marahan at magiliw siyang isinasayaw ng kasintahang si Paul sa ilalim ng makukulay na ilaw at malamyos na awitin.
“Napakaganda mo sa gabing ito mahal ko, ni hindi ko magawang ialis ang mga mata ko sa'yo," namumungay ang mga mata ni Paul habang kinakausap si Luna.
Napangiti naman nito si Luna.
![](https://img.wattpad.com/cover/316467020-288-k880836.jpg)
BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
TerrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...