May panghuhusga ang tingin ng dalawang matandang babaeng nakasalubong ni Cassandra habang pauwi ito galing sa merkado. Nagbubulungan na may mapanuyang tingin ang mga ito sa kaniya. Lumipas na ang maraming taon pero hindi pa rin malimot ng karamihan kung anong klaseng pamilya ang mayroon sila. Mga angkan ng mga mambabarang at mangkukulam. Kinatatakutan at iniiwasan ng nakararami, datapwat kadalasan naman ay sila ang huling pag-asa ng ilang mga desperadong tao kapag may kailangan ito na hindi na masaklaw o maabot ng siyensya. Subalit, palaging may kapalit na hindi maganda ang kanilang mga ginagawa o ‘di naman kaya ay mapait na kahahantungan, pero noon ‘yon. Lingid sa kaalaman ng lahat, tanging purong panggagamot na lang ang ginagawa nilang mag-ina mula ng pumanaw ang lola ni Cassandra, ang lahat ng mga sabi-sabi bagamat may iilan na labis na ay parte na lang ng nakaraan at kasaysayan. Pero mapanghusga pa rin ang mata ng karamihan. Kampon ng Demonyo ang tingin ng marami sa kanila lalo na ang mga nakatatanda roon na nasaksihan ang mga pinaggagawa ng mga ninuno ni Cassandra.
“Oh, anak dumating ka na pala. Nabili mo ba ang ibinilin ko sa 'yo?” tanong ng ina ni Cassandra habang nagluluto ito sa kusina.
“Opo,” simpleng tugon ng dalagang si Cassandra habang nakabusangot. Napansin ito agad ng kaniyang ina. Sa ekspresyong ‘yon ay alam na ng ina ni Cassandra ang dahilan. Batid niyang naaapektuhan na si Cassandra sa panghuhusga ng mga tao sa kanila kahit pa wala silang ginagawang masama. Nilapitan niya na lamang ang anak at hinawakan ang balikat nito.
“Hayaan mo na lang kasi sila anak. Hangga't alam mo sa sarili mo na wala kang ginagawang masama sa kapwa mo, wala kang dapat na ipag-alala.”
Alam naman ni Cassandra ang ibig sabihin ng kaniyang ina subalit hindi niya maiwasan ang makaramdam ng inis sa mga taong nakapaligid sa kanila, masiyadong mga mapanghusga. Iniiwasan sila ng mga ito na tila ba mayroon silang mga malalang sakit. Ang ilang mga pumaparoon sa kanila ay palihim lang na nagpupunta, subalit tinatanggihan na ito ng ina ni Cassandra.
“Pasensiya na, pero hindi ko alam kung paano gawin ang gusto mo. Tanging panggagamot lamang ang alam ko na tinalikuran ko na rin,” wika ng ina ni Cassandra habang tila nagiging abala at kung anu-ano ang ginagawa para lang umalis ang isang ginang na nagpunta sa kanila para humingi ng tulong upang ipabarang ang kabet ng kaniyang mister.
“Handa akong magbayad kahit na magkano, gawin mo lang ang nais ko Juana,” wika ng ginang sabay abot ng malaking halaga ng salapi sa ina ni Cassandra na si Juana. Mayaman ang babae, sa postura nito at kung paano rin ito kumilos ay malalaman mo na agad na galing ito sa isang prominenteng pamilya. Napatigil ang ina ni Cassandra sa kaniyang ginagawa at napatingin sa salaping inaabot ng mayamang ginang sa kaniya. Kinuha niya ito at itinapon sa mukha ng babae. Napaawang at napatakip naman ng bibig si Cassandra sa ginawa ng kaniyang ina habang nakasilip lang ito sa may likurang bahagi ng kanilang kusina.
“Hindi dahil ganoon ang mga ninuno ko ay ganoon na rin ako! Umalis ka na at baka sa 'yo ko pa araling gawin ang nais mong mangyari!” banta ng ina ni Cassandra sa ginang na napalunok na lang ng laway at agad na umalis sa kanilang bakuran. Marahan namang umalis si Cassandra mula sa pagtatago nito sa kusina at tinungo ang silid silid nilang mag-ina. Hindi nagustuhan ng kaniyang ina ang pakay ng kanina’y kanilang panauhin. Lahat na lang talaga ng tao ay inaakalang pati sila ay ginagawa rin ang mga bagay na may kinalaman sa itim na karunungang tinataglay ng kanilang pamilya. Totoong alam lahat ng ina ni Cassandra ang mga karunungang ito, pero hindi niya ito ginagamit para makapanakit ng iba ng walang dahilan. Gusto lamang nito ng tahimik na buhay para sa kanilang mag-ina, bagay na kahit pinagsusumikapan niyang gawin ay tila napakailap at napakahirap nang mangyari.
Sa kabila ng mga sabi-sabi ay binabalewala ito ng ina ni Cassandra. Gaya ng ibang ordinaryong mamamayan ay binubuhay rin ni Juana ang anak sa pamamagitan ng pagtatanim sa kanilang munting lupain. Sa pagtatanim ng gulay sila nabubuhay na mag-ina. Sa katunayan nga ay sila ang laging may mga magagandang ani. Sa kabuhayang ito, kahit na paano ay naitataguyod ni Juana ang kaniyang anak kahit na wala na itong katuwang buhay. Iniwan sila ng ama ni Cassandra nang ipinagbubuntis pa lamang niya ito.
Hindi naging madali para kay Juana ang maging isang dalagang ina subalit dahil sa tulong ng kaniyang ina ay hindi gaanong nahirapan si Juana nang dumating sa buhay niya si Cassandra. Kumalat din noon ang mga usap-usapan na kinulam ng ina ni Juana ang pamilya ng lalaki kaya't nagkaroon ang mga ito ng hindi matukoy na karamdaman na sanhi ng pagkamatay ng mga ito. Dahil din sa paniniwalang ‘yon; itinuring na ganti ang brutal na pagpatay sa lola ni Cassandra. Kalunos-lunos ang itsura nito ng makita ito sa isang masukal na parte ng kakahuyan. Gutay-gutay ang katawan na halos hindi mo na makilala maliban na lang sa kasuotan nito. May isang karatula pang iniwan ang salarin na nagsasabing “Salot kaya dapat lang na patayin!” Labis na nanlumo si Juana sa sinapit ng kaniyang ina, inisip niyang gumanti pero inisip din niya na sa oras na gawin niya ‘yon ay ipapahamak din niya ang kaniyang anak. Nakita na niya mismo ang kalupitan ng mga tao sa sinapit ng kaniyang ina, kaya ayaw niyang maranasan mismo ito ng kaniyang anak.
Sa simple at ordinaryong pamumuhay pinalaki ni Juana si Cassandra. Subalit, kahit na anong lihis niya, palagi pa rin silang sinusundan ng mga bakas ng nakaraan. Isang tanghali, wala noon ang ina ni Cassandra sa kanilang tahanan. Tahimik at payapa ang paligid habang nagwawalis sa tapat ng kanilang bahay ang noo'y batang si Cassandra. Umihip ang malamig na simoy ng hangin na tila ba naghatid kay Cassandra ng kakaibang kilabot sa kaniyang katawan. Hindi niya mawari ang nararamdaman pero pakiramdam niya ay hindi siya nag-iisa ng mga sandaling 'yon. May mga matang nakatingin sa kaniya sa hindi niya malamang direksyon.
Isang nakakakilabot na tawa ang kaniyang narinig.
“S-Sino ‘yan?” nauutal na tanong ni Cassandra sa kung sino man ang nasa paligid niya, kita na rin sa kaniyang mukha ang takot na kaniyang nararamdaman ng mga sandaling iyon lalo na ng marinig niya ang isang nakakakilabot na halakhak. Habang iginagala ang paningin sa paligid ay biglang napasigaw sa takot si Cassandra nang bumungad sa kaniyang harapan ang isang nakakatakot na nilalang, kung saan halos isang dangkal na lamang ang distansya sa kaniyang mukha. Hindi niya matukoy kung ano ang kasarian nito dahil sa nakakapanindig-balahibong wangis nito. Mahaba ang kulay puting buhok nito, puti rin ang mga mata nito, parang tila abo rin ang kulay ng kaniyang balat na nababalot ng itim na maliliit at malalaking mga ugat. Wala itong kilay at ngumisi lamang ito sa kaniya ng nakakakilabot at ang mga ngipin ay matatalim na purong kulay itim. Hindi niya mawari kung tao ba ‘yon o isang halimaw pero takot na takot si Cassandra ng habang nakatingin sa nilalang na ‘yon. Napatakip na lamang siya ng kaniyang mga mata habang sumisigaw. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang dalawang kamay na nakahawak sa kaniyang balikat at tinatawag ang pangalan niya. Ang kaniyang ina.
“Cassandra! Cassandra! Ano bang nangyayari sa'yo?” Nag-aalalang tanong ng kaniyang ina. Ng mapagtanto ni Cassandra na ito ay kaniyang ina ay agad na niyakap niya ito habang umiiyak dahil nasa labis na takot. Ikinuwento niya ang nangyari. Kinapa naman ni Juana ang noo ng kaniyang anak ng maramdamang tila mainit ito.
“Naku, may lagnat ka pala anak, kaya guru kung anu-ano na ang nakikita mo,” sabi ng ina niyang si Juana sabay akbay at alalay nito sa kaniya papasok ng kanilang tahanan. Nanginginig pa rin sa takot si Cassandra dahil sa kaniyang nakita. Lumingon pa siya bago pumasok ng bahay pero hindi na niya nakita pa ang nilalang na iyon. Inisip ni Cassandra na baka namalik-mata lang siya o ‘di naman kaya ay multo lang ang nakita niya kaya't naitanong niya sa kaniyang ina kung totoo ba ang mga ito. Natawa na lamang si Juana sa naging tanong ng kaniyang anak sa kaniya.
“Hindi totoo ang mga multo anak, kaya't hindi ka dapat na matakot sa kanila, mas matakot ka sa mga buhay,” isang makahulugang wika ni Juana sa anak na si Cassandra. Umiba rin ang ekspresyon ng kaniyang mukha habang sinasabi ang mga katagang iyon. Matapos ng maikling kuwentuhan ay nakaidllip si Cassandra, dala na rin na hindi maganda ang kaniyang pakiramdam. Sa kalagitnaan ng gabi ay nagising na lamang si Cassandra, at nakita ang kaniyang ina na tila nagdadasal habang hawak-hawak ang isang bagay na nakabalot sa isang tela na kulay pula. Marahan itong binuksan ni Juana, at kinuha ang nasa loob nito, kinuha rin niya ang isang basong tubig na nasa maliit na lamesang malapit sa kinaroroonan niya at isinalin ang nilalaman ng pulang telang iyon. Hinayaan niya muna ito ng ilang sandali ay makalipas ang ilang minuto ay isinalin ni Juana ang tubig sa isa pang baso. Tumayo ito para tunguin si Cassandra para ilapag sana sa lamesang nasa gilid lamang ng kama nito ang ginawa niya. Nagulat siya ng maabutang gising pa pala ito kaya't naisipan niyang ipainom niya ito rito. Matapos mainom ni Cassandra iyon ay ganoon na lamang ang pagkamangha ng dalaga ng tila gumaan agad ang kaniyang pakiramdam. Inaapoy kasi ito ng lagnat dahil sa hindi mawaring dahilan, subalit matapos inumin ang tubig na nakita niyang ginawan ng kakaibang ritwal ang kaniyang ina ay biglang bumuti agad ang kaniyang pakiramdam.
Tinanong niya ang kaniyang ina kung ano ang ginawa niya sa tubig at gumaan agad ang pakiramdam niya. Pero isang makahulugang ngiti lamang ang itinugon nito sa kaniya
![](https://img.wattpad.com/cover/316467020-288-k880836.jpg)
BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...