Pinili na muna nila Luna at Joel na lumayo, at magsimula mulang muli. Subalit sa lahat ng nangyari sa pamilya nila, isa lang ang natutunan nila. Hindi nakabubuti ang maglihim sa mga taong mahal mo lalo na sa pamilya mo. Hindi rin mabuti ang hindi manindigan lalo na sa mga ipinangako sa mga taong pinangakuan nating mamahalin at poprotektahan subalit sa huli ay isusuko lang din pala dahil sa karuwagan o hindi pagiging handa. Dahil laging nasa huli ang pagsisisi at sa bawat maling desisyon ay kaakibat nito ang mali o mabuting maidudulot nito.
****
Makalipas ang sampung taon, muling dinalaw ni Joel ang lugar kung saan nagsimula ang lahat.
Umihip ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng mga nagliliparang mga tuyong dahon.
Napaupo sa isang lumang mahabang upuan si Joel, nasa likurang bahagi siya ng kaniyang lumang paaralan na rati nilang pinapasukan ni Cassandra. Bahagya siyang napangiti ng maalala ang unang beses na magkausap sila“Parang kahapon lang ang lahat Cassandra, marahil kung tuluyan kitang itinakas ng gabing iyon ay maaaring kasama pa kita ngayon pero alam kong may mga dahilan ang lahat, gayunpaman mananatili kang magandang ala-ala para sa'kin. Kalilimutan ko ang lahat pero hindi ang panahon na nakilala kita at nakasama.”
Matapos noon ay muling pinuntahan naman ni Joel ang tahanan ni Luna. Napakamasukal na nito at pinasok na ng mga ligaw na halaman.
“Mag-iingat po kayo 'lo at marupok na po yata ang ilang bahagi sa loob,” wika ni Luna sa kaniyang lolo Joel.
“Ayos lang ako hija, gusto ko lang makita muli ang loob nito at baka hindi na maulit. Ilang taon na rin ng huli tayong umalis dito.”
Muli ay sinuyod ni Joel ang kabuuan ng bahay. Ang sala hanggang sa silid ni Cassandra. Biglang naalala niya ang unang gabi nila at ang naging kasunod na trahedya. Muli ay napaluha siya. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang ihip ng malamig na hangin na animo'y yumakap sa kaniya.
“Kung ikaw man iyan Cassandra, natutuwa akong muling maramdaman ka makalipas ang ilang taon,” napayuko si Joel at muling napaluha. Ilang sandali pa ay narinig niya ang busina ng isang sasakyan. Kay Paul iyon.
“‘Lo, nandiyan na po si Paul, alis na po tayo at baka mahuli pa tayo sa eroplano,” sigaw ni Luna.
Naghahanda na sila papuntang ibang bansa para roon na manirahan. Bagong kasal na kasi sina Luna at Paul. Nang muli silang pagtagpuin ng tadhana ay hindi na inaksaya ng binata ang pagkakataon at hindi na pinakawalan pang muli si Luna. Doon na rin sa ibang bansa magpapagamot si Joel sa kaniyang karamdaman na hindi matukoy ng mga Doktor kung ano.“Parating na hija,” tugon ni Joel sa kaniyang apo subalit hindi pa man nakalalabas ng bahay ay biglang hindi na lang ito makahinga, napahawak siya sa kaniyang dibdib at dahan-dahang napaluhod hanggang sa mahiga na sa sahig dahil sa paninikip ng kaniyang dibdib. Tinawag niya si Luna pero hindi agad siya nito narinig. Ilang sandali pa ay nakita niya ang imahe ni Cassandra na nakangiti sa kaniya, nakasuot ito ng puting bestida at iniaabot ang kamay sa kaniya. Napangiti naman si Joel habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng babaeng tanging minahal niya.
“Kung sa'yo nagsimula ang aking kuwento, ibig kong sa'yo rin magwakas ito, mahal ko...” sabi ni Joel sa kaniyang isipan habang inaaabot din ang kamay kay Cassandra bago siya tuluyang malagutan ng hininga.
Wala ng buhay si Joel nang maabutan nina Luna at Paul, pero liban sa butil ng luha sa kaniyang pisngi ay sumilay rin ang ngiti sa kaniyang labi, palatandaan ng kapayapaang matagal na niyang hinihingi. Sa magkaibang senaryo ng buhay ay parehong natagpuan ni Luna at ng kaniyang lolo Joel ang katahimikan at kapayapaan, kahit na may kaunting bahid ito ng kalungkutan.
-WAKAS!-
BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...