CHAPTER-8

90 9 0
                                    

Parang tila gutom na nilalang si Luna habang nilalapa ang katawan ng lalaki. Parang animo'y papel lang kung punitin niya ang balat ng kaniyang biktima. Napaupo na lang sa lupa si Joel at napatakip ng bibig habang pinagmamasdan ang ginagawa ng kaniyang apo. Ibig niyang lapitan ito pero hindi niya magawa, sa puntong iyon ay nabalot ang katawan ni Joel ng takot at hilakbot sa sariling apo. Nang tila magsawa na si Luna ay hingal na hingal itong nagpalinga-linga sa kaniyang paligid. Umaatungal na parang isang mabangis na hayop. Punong-puno ng dugo ang kaniyang bibig gayo'n din ang kaniyang damit at katawan. Nang takpan na ng mga ulap ang buwan at lumipas na ang hatinggabi ay unti-unting bumabalik sa normal si Luna. Tila nanghihina rin ito at ilang sandali pa nga ay nawalan na ito ng malay at humandusay sa lupa.

Agad na nilapitan ni Joel ang apo. Maingat niyang ibinalik ang dalaga sa kanilang tahanan, nilinisan niya ito at binihisan.

“Anong ginagawa mo kay Luna?” wika ni Rod na noo'y nasa likuran ni Joel. Naabutan siya nitong pinapalitan ng damit ang dalaga.

“Kuya, mali ka ng iniisip. Heto tingnan mo,” wika naman ni Joel sabay abot sa mga damit ni Luna na puno ng dugo. Tiningnan ni Rod ang apo ng may pag-aalala.

“Bakit puro dugo ang damit niya?” sabi ni Rod habang nakalagay ang kaniyang palad sa noo ni Luna at nakatingin din sa kapatid na si Joel.

“Naging ibang tao siya kanina kuya, naging nakakakilabot na halimaw si Luna,” nanginginig na turan ni Joel sa kapatid at muling binalingnan ng tingin si Luna.

Parehong natigilan ang dalawa, alam nilang pareho kung ano ang trato at iniisip ng mga tao noon kay Cassandra, hindi nila inaasahan na sa mismong pagsapit pala ng ika-labing walong kaarawan ng nag-iisa nilang apo magkakaron ng katuparan ang sumpang binitiwan noon ni Cassandra. Hindi umalis na tabi ng kaniyang apo si Joel, buong gabi niya itong binantayan hanggang sa makatulog na lang siya na nakasandal sa dingding habang nakaupo sa gilid ng higaan ni Luna.

Nagising si Luna na mabigat at masama ang pakiramdam. Hindi niya maintindihan kung bakit pero parang pagod na pagod siya. Nagtataka siya ng makitang nasa tabi ang kaniyang lolo at binabantayan siya nito.

“‘Lo? Ano pong ginagawa ninyo rito?” tanong ng dalaga sa kaniyang lolo. Nagising si Joel ng hindi alam kung ano ang isasagot sa kaniyang apo.

“Wala ka bang natatandaan na ginawa mo kagabi apo?” Napapailing na nagtataka si Luna sa tanong ng kaniyang lolo.

“W-Wala naman po 'lo, bakit po?”

“Ah, eh. Ang taas kasi ng lagnat mo kagabi apo, basang-basa pa ang damit mo sa pawis kaya pinalitan na kita ng damit at binantayan buong gabi, sabi sa'yo eh, huwag kang magpupunta kahit saan. Nausog ka raw sabi ng lolo Rod mo,” pagsisinungaling ni Joel. Humingi naman ng paumanhin si Luna at nangakong kikilos na siya ng naaayon sa kaniyang edad.

“Siya nga pala 'lo 'di ba nangako kayo na ibibili niyo ako ng damit ngayon?”

“Oo, alam ko. Maghanda kana at aalis tayo.”

Umalis na muna ng silid ng dalaga si Joel para makapaghanda ito, at muli ay kinausap niya ang kuya na si Rod.

“Kuya, pakiusap. Gamitin mo na ang lahat ng nalalaman mo para mawala ang sumpa kay Luna, ayokong maulit sa kaniya ang sinapit ni Cassandra. Siya na lang ang natitira sa'kin liban sa'yo, hindi ko kakayaning mawala ang apo ko kung sakali,” pakiusap ni Joel kay Rod.

“Susubukan ko ang lahat ng maaari kong gawin, pero kapag hindi umubra, kailangan nating mag-isip ng ibang paraan.”

Matapos noon ay lumabas na ng silid si Luna, at binungad ng ngiti ang dalawa niyang lolo.

Agad na nagpaalam na ang dalawa kay Rod na noon nay nagkakatay na rin ng manok para sa kaarawan ni Luna.

“Sige, gumayak na kayo, at magluluto pa ako para may kaunting handa naman tayo para sa pinaka magandang debutante,” nakangiting wika ni Rod.

ANG SUMPA KAY LUNA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon