Kaagad na nagmano si Luna sa kaniyang lolo Joel ng makita niya itong nasa kanilang balkonahe at nakaupo. Pinakilala rin nito ang kasama niyang si Paul.
“Lo, si Paul nga po pala, kaklase ko po,” pagpapakilala nito.
“Magandang hapon po.”
“Magandang hapon din hijo. Malapit nang gumabi, kaya umuwi ka na. Pumasok ka na rin sa loob Luna,” wika ni Joel sabay pasok sa loob ng bahay, bigla namang nagsalita si Paul.
“Maari niyo po bang payagan si Luna sa pumunta sa programang gaganapin sa paaralan namin? Dapat po kasing pumunta talaga ang lahat doon. ‘Wag po kayong mag-alala, ihahatid ko naman po si Luna pauwi,” nakangiting wika pa ng binata para lang pumayag ang matanda subalit—
“Babae ang apo ko, at alam kong gabi na matatapos ‘yan. Mahigpit na sa kung mahigpit pero hindi ko siya papayagan, huwag na rin kayong mangatwiran pa. At ikaw binata, hindi ko pa pinapayagan na magkaroon ng kasintahan ang apo kong si Luna, kaya dumistansya ka muna. Nagkakaintindihan ba tayong dalawa hijo?”
Hindi na nakapagsalita pa si Paul, at tumango na lamang din ito.
“Umuwi ka na.”
Pareho na silang walang nagawa, at nagpaalam na lang din ang binata sa kanila. May lungkot man pero hindi maitago ni Luna ang kakaibang saya sa puso niya, dahil kay Paul.
Kinagabihan, pansin na pansin ni Joel ang makahulugang ngiti ni Luna, at alam niyang ang dahilan ng ngiting ‘yon ay ang lalaking naghatid sa kaniya pauwi.
“Luna!” untag ni Joel sa apo na noon ay panay ang pagngiti at pagkanta habang nagluluto ng hapunan kasama siya. Nagitla ito ng marinig ang pagtawag niya.
“Po! Lo?!” napatingin si Luna sa kaniyang lolo.
“Ngayon pa lang Luna, sinasabi ko na sa'yo. Layuan mo na ang lalaking iyon. Hindi kami nagpapakahirap ng lolo Rod mo na magtrabaho para lang unahin mo ang pakikipag-nobyo! Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin ha, Luna?” madiing wika ni Joel sa dalaga na napayuko na lamang sa itinuran ng kaniyang lolo.
“Opo lo,” wika ni Luna na napawi ang saya sa kaniyang narinig.
Nang sumapit ang hapunan at nagkukuwentuhan sila ay napansin ni Joel ang umbok ng tila malaking kuwintas na nasa loob ng damit ni Rod.
“Kuya? Mutya ba ‘yang suot mo? Sa pagkakaalala ko kasi, wala namang pinamanang mutya ang tatay sa'tin, binili mo ba ‘yan? Napapansin ko kasing tuwing gabi mo lang sinusuot yan,” may kyuryusidad na tanong ni Joel sa kaniyang kapatid.
Napalunok ng laway si Rod sa tanong ng kaniyang kapatid sa kaniya.
“Ah, ito ba? Binigay lang ‘to sa'kin ng namayapa kong maestro, ‘yong sinabi ko sa'yong antingero na nagturo sa'kin ng mga kaalaman na hindi na itinuro ni tatay sa'tin.” Tinapos na ni Rod ang kaniyang pagkain at tumayo na ng lamesa dala ang kaniyang pinggan para ilagay sa hugasan bago paman magdagdag ng tanong ang kaniyang bunsong kapatid.
Mahirap at imposible. Pero, nagawa nilang magkapatid na kahit papaano na mapigilan si Luna sa pagpaslang tuwing hatinggabi kapag nagbabago na ito ng anyo. Ang bakal na hawlang pinaghirapan nilang magkapatid na buuin para maging kulungan ni Luna bago paman ito magpalit ng anyo, may inilalagay sa inumin ni Luna si Rod para humimbing ang tulog nito at hindi mamalayan ang pagbuhat sa kaniya papunta sa baka na hawlang iyon. Binibigyan nila ng oras ng dapat na pagtulog ang dalaga kahit pa may mga takdang aralin ito, sa kadahilanang hindi pa nila alam kung paano pipigilan ang pagbabagong anyo nito sa tuwing papatak ang hatinggabi.
Sa tuwing nagaganap ang pagbabagong anyo ni Luna ay tanging si Joel lamang ang buong nagbibigay ng atensyon kay Luna. Hindi kagaya ni Rod na matapos maibigay ang sapat na pampatulog para sa dalaga ay umaalis na lamang ito ng bahay, ayaw raw niya kasing marinig ang pag-angil ng dalaga, at baka may hindi siya magawang maganda at makaliko na si Luna pala iyon wika niya. Sa tuwing nagbabagong anyo si Luna ay para bang may nag-uutos sa kaniya na patayin niya ang dalaga habang nasa anyong halimaw pa ito. Kaya't dahil doon ay hinahayaan na lamang ni Joel ang kaniyang kuya na umalis, tutal sa isip niya, wala rin namang magagawa pa ang kapatid niya sa sitwasyon ni Luna. Gayunpaman, inaalala pa rin ni Joel na paano nga kaya kapag tuluyan ng hindi nawala ang sumpa kay Luna at hindi na nila matuklasan pa ang paraan kung paano babaliin ito. Dahil walang kahit na sino ang kanilang puwedeng lapitan sa tunay na nangyayari, dahil sa oras na mabunyag ang lihim nila ay hindi lang si Luna ang maaaring malagay sa peligro, kun'di pati na rin silang dalawang magkapatid.
“Dios ko, tulungan niyo po ako panginoon. Hindi ko na alam ang gagawin ko, pakiusap, gabayan niyo po ako kung paano ko po maililigtas mula sa kaniyang sitwasyon ang apo ko. Tulungan niyo po akong mahanap ang paraan para makawala siya sa sumpang dapat ako na lang sana ang pumasan,” umiiyak na turan ni Joel sa kanilang altar habang nagdarasal. Biglang tumunog na ang kampana ng simbahan. Saktong hatinggabi na. Subalit ng mga sandaling iyon ay nasa hawla na si Luna na nakalagay sa bodega ng kanilang bahay na nasa bandang silong. Mula sa kaniyang silid ay rinig na rinig niya ang pag-angil at paghiyaw ng dalaga. Naririnig din niya ang kalanseng ng kadena na inilagay niya sa pintuan nito para hindi makalabas ang dalaga. Habang naririnig niya ang mga ingay na iyon ay hindi maiwasan ni Joel ang mapaluha.
Napagtatanto niya kasing, si Luna ang imahe ng parusa niya. Nakikita niya sa kalagayan ni Luna ang lahat ng mga bintang at panlalait kay Cassandra noon, ang mga usap-usapan sa pamilya na pinagmulan niya. Pinagkatiwalaan at minahal siya nito, pinangako niyang po-protektahan, pero sa huli ay hindi rin niya napanindigan. Lumuluhang tinungo ni Joel ang kinalalagyan ni Luna at sa pagpasok niya sa silid na iyon ay isang napakabigat na pakiramdam ang sumalubong sa kaniya. Bumungad din sa kaniya ang nakakakilabot na itsura ni Luna. Hindi gaya ng nakaraan na parang tila abo lamang ang kulay ng balat nito, habang tumatagal kasi ay nagiging tila para ng demonyo na ang wangis ng dalaga. Unti-unti ng umiitim ang itsura nito, kumukunot na rin ang noo nito na parang may umbok sa bawat gilid ng kaniyang noo. Tila ba sungay na papausbong. Nagiging kulay pula na rin ang dating purong puti nitong mga mata, nakikita at nagsisilabasan pa rin ang mga malalaking ugat mula sa kaniyang mukha hanggang sa Kaniyang buong katawan. Ngumisi ito ng nakakakilabot, nagsisilitawan ang maiitim at matatalim na mga ngipin, nagiging kulay itim na rin ang laway na lumalabas mula sa kaniyang bibig.
Sa kabila ng nakakatakot na anyong iyon, ay nakikita pa rin ni Joel ang inosenteng mukha ng kaniyang nag-iisang dalagang apo.
“Mahal kita Luna, kahit buhay ko ibibigay ko maialis lang ‘yang lentik na sumpa mula sa'yo, pero hindi ko alam kung paano, hindi ko alam...” lumuluhang turan ni Joel na hindi alintana ang anyo ni Luna ng mga sandaling iyon. May kaakibat rin na ritwal at dasal ang bumabalot sa hawlang iyon na inilagay ni Rod para hindi makawala si Luna, dala na rin ito ng pakiusap ni Joel. Pero sinabihan na ni Rod ang kapatid na walang garantiya kung hanggang saan kakayanin ng kalasag na dasal na inilagay niya sa kulungan ni Luna, dahil gaya nga ng pagbabagong anyo ni Luna ay nararamdaman din niya malakas na kapangyarihang itim na nakabalot kay Luna. Anumang oras ay maaaring makalabas pa rin ng hawlang iyon si Luna.
“Dito lang ako hija, nandito lang ang lolo, hinding hindi kita iiwan kahit maging ano paman ang itsura mo apo ko,” wika ni Joel.
Ng mga sandaling iyon ay bahagyang nakaangat at nakalutang sa hangin si Luna habang nasa loob ng bakal na hawlang iyon. Nakatingin lamang ito kay Joel at ngumisi ng nakakakilabot. Biglang sumeryuso ang mukha nito at pabulong na nag-usal ng mga hindi pamilyar na mga salita. Itinaas ni Luna ang kaniyang kanang kamay. Kulay itim na nga ang kaniyang buong katawan at naging mahahaba at matatalas na ang kaniyang mga kuko. Kinumpas niya ang mga daliri na para bang may pinalipad siyang Lubid at papunta ito kay Joel.
“Mamamatay ka ngayon tanda!” wika ni Luna na ang boses ay parang koro ng mga diyablo. Nang hihilahin na sana si Joel ni Luna ay biglang dumating si Rod at sinalag niya ang ginawa ni Luna. May gumuhit na hiwa sa braso ni Rod ng itaas niya ang kanang braso sa tapat ng mukha ng kapatid.
“Hindi pa ito ang oras na magpakitang gilas,” wika ni Rod at ibinalik kay Luna ang ginawa niya dahilan para matumba ito at mapasandal ng pagkalakas-lakas sa bago bumagsak at mawalan ng malay. Ng mga sandaling iyon ay napansin din ni Joel na parang naging kulay pula ang mga mata ng kapatid na si Rod sa ginawa niya na bigla rin namang nawala at bumalik sa normal.
Ayaw man niyang mag-isip ng kung anu-ano pero nararamdaman niyang parang may itinatagong lihim sa kaniya ang kaniyang kapatid.
BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...