CHAPTER -4

163 11 0
                                        

Magtatakip-silim na nang umpisahan nilang mag-aral. Mga pahapyaw pa lamang, mga pasiunang salita. Tiningnan ng matandang lalaki ang binata mula ulo hanggang paa. Tila sinusuri nito ang pagkatao ni Rod sa pamamagitan ng tingin, saka ito nagsalita.

“Alam mo binata, minsan kung nais mong makamtan ang isang bagay, may mga panahon na kailangan mong isantabi ang iyong damdamin, pati na ang ilang taong mahalaga sa'yo ay may mga pagkakataon na kailangan mo silang isakripisyo,” wika ng maestro ni Rod habang marahang binubuklat ang bawat pahina ng itim na librong hawak niya.

“Madaling sabihin pero parang mahirap po yata ‘yang gawin maestro,” ang dugtong naman ni Rod.

“Hindi magiging mahirap kung ang kapalit nito ay kapangyarihang hindi mo aakalaing maaari mo pa lang taglayin,” tugon ng maestro ni Rod na nginisihan lamang siya nito at tinapunan ng nakakakilabot na tingin.

Napaisip si Rod sa mga sinabi nito sa kaniya. Hindi niya nga lang pa masabi kung magagawa nga ba niya ang mga itinuran nito kung sakaling dumating siya sa puntong kailangan niya iyong gawin. Pero, isa lang ang alam niya sa ngayon, gusto niyang matuto ng mga bagay na lagpas na sa dapat nasasaklaw ng kaalaman ng ordinaryong tao.

Dalawang beses sa isang Linggo kung tunguhin ni Rod ang kaniyang maestro, at ‘yon ay tuwing Martes at Biyernes, dahil sa mga araw raw ‘di umano na ito ang pinakamagandang araw para magsanay at magpalakas. Panay sunod lang naman si Rod, wala naman kasi talaga siyang alam sa magkaparehong kaalaman kahit pa lahi sila ng mga manggagamot at mga batikang antingero. Hindi niya maintindihan ang kaniyang ama nang nabubuhay pa ito, hindi man lang kasi siya tinuruan ng mga kaalaman nito at ng ilang mga abilidad na tinataglay ng kanilang pamilya, sa halip ay tinapos nito sa kanilang magkapatid ang pagiging antingero.

Saksi si Rod sa angas at husay ng kaniyang ama sa pagsupil ng iba't ibang uri ng mga elemento, gayundin ang kakayahang manggamot. Lumaki siyang inaasam na darating din ang araw na magigng kasing husay din siya ng kaniyang ama. Paghanga at pagkabilib, ganiyan kung paano tingnan ni Rod ang kaniyang ama. Minsan ng binuksan ng kanilang ama ang kanilang ikatlong mata bilang proteksyon, upang malaman nila kung mayroon ba silang nakikitang hindi kaaya-aya sa kanilang paligid at masabi agad sa kanilang ama para supilin ito. Hindi kasi basta-basta at ordinaryo ang mga nakakalaban ng kanilang angkan. Ubusan ng lahi, agawan ng kapangyarihan at teritoryo. Minsan na ngang nalagay sa alanganin ang buhay ng kaniyang ama ng tangayin ng isa sa pinaka makapangyarihang mangkukulam ang kaniyang kapatid na si Joel. Sampung taon pa lang siya noon at apat na taon naman ang kaniyang kapatid.

Hindi makakalimutan ni Rod ang nakakakilabot na anyo ng nakalaban ng kaniyang ama. Isang matandang babae na may nakakakilabot na tingin at halakhak. Hindi niya nakakalimutan kung paano nito napagalaw ang mga ugat ng mga puno at halaman na kamuntikan ng pumatay sa kaniyang ama at kapatid. Subalit, likas na maalam ang kaniyang ama kaya't nakaligtas ito pati na rin ang kanyang kapatid. Subalit, hindi ito napaslang ng kaniyang ama, bagkus ang labanang iyon ang naging dahilan ng pagtapos ng kanilang ama sa gawaing minana pa nito mula sa kanununuan ng kanilang pamilya. Binalot ng itim na usok ng mangkukulam ang kaniyang ama. Nakita ni Rod kung paano nangisay na tila nakukuryente ang kaniyang ama ng mga sandaling 'yon. Naging tila anino ng isang diyablo ang mangkukulam na lumukob sa kaniyang ama. At ang nakapagtataka matapos ang pangyayaring iyon, sa hindi malamang dahilan ay biglang nawala ang mga marka ng orasyon sa katawan ng kaniyang ama gayo'n na rin ang kuwintas na suot nito na tinatawag lamang na mutya ng kanilang ama. Matapos ng pangyayaring iyon ay nagbago ang takbo ng kanilang buhay, lalo na ng kaniyang ama. Mula noon ay naging masakitin na ito, at binitiwan ang tungkulin bilang natitirang antingero. Ibinilin niya sa magkapatid na 'wag nang tangkain pang alamin at aralin ang mga ganoong karunungan dahil kapahamakan lang ang maidudulot nito sa kanila at kasawian.

ANG SUMPA KAY LUNA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon