Ilang sandali pa ay dumating din si Rod.
“Kuya, ikaw na muna ang bahala sa batang ito.”
“Hindi! Ikaw na ang bahala sa kaniya at ako ang maghahanap sa mga kaibigan niya,” putol ni Rod sa kapatid at tiningnan ito ng deretso sa mata.
“Huwag ka ng tumutol,” dugtong nito. Ibig mang salungatin ni Joel ang kapatid subalit kapag nakipagtalo pa siya rito ay baka magkaroon ng ideya ang dalagang kasama nila sa totoong hinahanap nila. Dahil sa sobrang pagod ay pareho nilang hindi namalayan ang oras at lumipas na ang hatinggabi. Nakapaslang na naman si Luna, at ito ang pinaka-brutal at malala sa mga nauna niyang ginawa. Hindi pa alam ng dalawang magkapatid ang lahat nang nangyari at ginawa ni Luna.
Hindi na dinala ni Joel ang dalaga sa kanilang bahay, iniiwasan niya ang mga posibilidad na maaaring magbigay ng pagdududa at pala-isipan sa kahit na sino. Pina-upo niya muna sa isang malaking bato ang dalaga at tinanong ng ilang mga bagay patungkol sa nangyari. Ginawa na lang din iyong dahilan ni Joel para hintayin ang kapatid na si Rod, dahil sa totoo lang ay hindi siya mapakali, labis na ang pag-aalala niya para sa kaniyang apo na si Luna.
Parang nasa punto ng buhay si Joel na si Luna na lang ang inaalala niya, nabubulag na siya sa sumpa, at sa idinudulot nito kay Luna subalit hindi lang mga tao sa kanilang paligid na napi-perwisyo nito, kun’di maging sila na rin.
“Maaari ko bang malaman kung taga-saan ka hija, at ano ang pangalan mo? Hindi kasi pamilyar ang mukha mo,” tanong ni Joel sa dalaga.
“Leah po ang pangalan ko, kasama ko po ang nobyo ko at ang dalawang kaibigan namin. Galing po kami sa kaarawan ng isa ring kaibigan, pauwi na po sana kami kaso maloko po ang mga nobyo namin ng kaibigan ko at pinipilit nila kami na gumawa ng bagay na dapat na ginagawa lang ng mag-asawa, tapos ayo’n bigla na lang lumitaw ang babaeng may nakakatakot na itsura.”
“Maari mo bang ilarawan sa akin ang mga ginawa niya, at kung ano ang itsura niya?”
Isinalaysay ng dalaga ang lahat. Ang mga nangyari, ang itsura ng nilalang na nakita niya. Wala siyang kaalam-alam na ang taong kaharap niya ay lolo ng nilalang na nakita niya at pumaslang sa mga kasama niya. Bakas pa rin ang takot sa kaniyang mukha. Parang bangungot lamang at imposibleng paniwalaan ang mga nangyari pero literal na nakita niya at nasaksihan ng kaniyang dalawang mata.
Samantala, hindi alam ni Joel ng mga sandaling ‘yon kung ano ang gagawing paraan ng kaniyang kapatid na si Rod para mailigtas sa pagkakalantad si Luna at ang sekretong iniingat-ingatan nila. Nagiging malikot na ang mga mata ni Joel at sa kaniyang kinatatayuan ay hindi na siya mapalagay. Parang ng mga sandaling iyon ay malalantad na ang pinakatatagong lihim nila.
“Tay, may problema po ba? Bakit parang hindi po kayo mapakali?” kinabahan si Joel sa tanong ng dalaga sa kaniya.
“A-Ah, kasi hindi pa bumabalik ang kapatid ko, baka kung ano na ang nangyari sa kaniya,” pagdadahilan ni Joel. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng sigaw.
“Si kuya! Dito ka muna hija at pupuntahan ko lang ang kapatid ko!” pagpapaalam ni Joel sa dalaga na tumango na lamang ng makita ang mukha nito na puno ng pag-aalala.
Hinagilap ni Joel ang kapatid sa gitna ng masukal na parte ng gubat.
“Kuya! Nasaan ka?!” sigaw niya, ng sa ganoon ay marinig siya nito.
“Joel! Nandito ako!” Sinundan ni Joel ang tinig ng kaniyang kapatid at sa gitna ng dalawang malaking puno ay nakita niya ang kapatid na si Rod na sugatan at duguan habang nasa tabi ito ng isang patay na baboy ramo.
“Nasugatan pa ako sa pakikipagbuno sa hayop na ‘yan,” wika ni Rod.
“Sandali lang kuya, ano bang nangyari? Inatake ka ba niyan? Nasaan si Luna? Pagtatanong ni Joel.
BINABASA MO ANG
ANG SUMPA KAY LUNA
HorrorMIDNIGHT SCREAM COLLABORATION|| Soon to be publish under PaperINK Publishing House BLURB Paano kung sa bawat pagsapit ng hatinggabi ay hindi na ikaw ang may kontrol ng 'yong sarili? Sa ibang katauhan ay kapahamakan ng mga tao sa paligid mo. At ito r...