CHAPTER-11

79 1 0
                                    

Walang kamalay-malay si Joel na nagbago na naman ng anyo ang apo niyang si Luna. Dahil sa matinding pagod ay hindi na ito nagising. Muli ay lumabas ng bahay si Luna sa pamamagitan ng pagtalon sa bintana ng kaniyang silid. Iba ang lagim na hatid ng gabing ‘yon. Kung sa mga nakaraang naging biktima ni Luna ay nagawa pang pagtakpan ng kaniyang mga lolo, sa gabing ito ay mag-iiwan ng bakas ang unang gabi ni Luna ng wala ang kaniyang mga gabay, ang kaniyang dalawang lolo. Nataon ng mga sandaling ‘yon ay may mga kabataan na sa hindi malaman ay nasa liblib na bahagi ng baryo. Dalawang pares ng magkasintahan ang tila may balak pang gumawa ng milagro sa gawing ‘yon.

Ang isa ay pilit na hinahalikan ang kaniyang kasintahan subalit umiiwas ito.

“Ayoko nga sabi, iuwi mo na lang ako. Lagot na naman ako kay nanay nito at madaling araw na ay wala pa ako sa bahay.”

“Sige na kasi, saglit lang ‘to pangako ihahatid kita pagkatapos,” wika nito na tila nag-iinit na sa kaniyang kasintahan. Maganda naman kasi ito at maganda rin ang hugis ng katawan. Tumatabon lang sa manipis niyang bestida ang kaniyang mahaba at kulay itim na buhok.

“Hoy! ‘Wag na kayong mahiya sa'min. Maglalaro rin kami ng apoy gaya ninyo,” malokong wika ng isa na ang nobya ay parang handa ng magpaubaya sa kaniya sa gitna ng kakahuyan at ang higaan ay mga tuyong damo lamang.

Habang nagdidiskusyon sila ay bigla na lamang silang nakarinig ng mga tipak ng sanga at dahon. Bahagya silang napatigil, at nilingon-lingon ang paligid.

“Uwi na kasi tayo, baka may makakita pa sa’tin dito at isumbong pa ako sa nanay ko,” wika ng dalagang may mahabang buhok.

“Malabo ‘yan dahil masiyadong liblib na ang lugar na 'to,” wika ng lalaki na kanina pa panay ang pilit sa kasintahan na gumawa ng makamundong bagay. Samantalang sa kabilang dako, ang isa pang magkapareha ay kanina naghahalikan. Biglang napatigil ang lalaki ng makita niya ang isa magandang babae na may mahabang buhok na nakatingin sa kaniya at nakangiti. Si Luna. Hindi nila kilala ang dalaga dahil dayo lamang ang mga ito sa lugar at may dinaluhan lang na okasyon.

Napangiti ang lalaki nang pagmasdan niya si Luna.

“Ano bang tinitingnan mo riyan?” wika ng kasintahan nito nang itigil niya ang kaniyang paghalik.

“Gusto mo bang makisali sa amin ha?” pilyong tanong nito kay Luna na nakangisi pa. Nawala ang kaniyang ngiti nang tugunan din ito ni Luna ng ngiti na literal na umabot hanggang tainga. Nanlamig at nanigas sa kaniyang kinatatayuan ang lalaki. Nang dampian ng liwanag ng buwan ang kabuuan ni Luna at nakita niya ng buo ang anyo nito. Ang puting mga mata at maputlang balat kung saan naglilitawan ang maliliit at malalaking itim na mga ugat. Napaatras ang binata at napasigaw habang tinuturo ang gawi ni Luna. Nang akmang lilingon na ang kaniyang kasintahan sa kung ano ang tinuturo niya, ay bigla namang nagkaroon ng tila sariling buhay ang mga buhok ni Luna. Tinusok nito ang magkabilaang mata ng babae gayo’n din ang kaniyang dibdib ay marahas na binaklas ang puso nito. Isang tila maitim na usok ang bumalot sa katawan ng babae na dahilan kung kaya't parang kandila itong unti-unting nauupos. Natumba ang binata at ang isa pang magkasintahan ay parang nabato rin sa kanilang kinatatayuan at hindi makagalaw dahil sa labis na pagkasindak.

Iginalaw ni Luna ang kaniyang mga daliri na parang tila ba nagbabanta ng sunod na pag-atake. Agad na dinambahan ni Luna ang lalaki habang ang dalawang magkasintahan ay nagsitakbuhan na palayo. Sinusuri sa pamamagitan ng tingin ni Luna ang binata habang nasa ibabaw siya nito at natatabunan ng bahagya ng kaniyang mahabang buhok ang mukha nito.

Na-pipi at hindi makapagsalita ang lalaki na kanina ay napaka-mahangin kung magsalita. Walang anu-ano’y kinalmot ni Luna ang mukha nito at halos magkalasug-lasog ang na laman ng mukha ng lalaki. Doon pa lang siya nakasigaw dahil sa sobrang sakit. Kinagat at nilapa ni Luna ang leeg nito kaya’t mas lalong napasigaw pa ang lalaki na unti-unting bumababaw na ang paghinga. Bumubulwak din ang malapot at mainit nitong dugo na tumatalsik pa sa kasuotan ni Luna na tanging manipis at kulay puti na bestidang pantulog. Umaangil na parang gutom na hayop habang nilalapa ang noo’y wala ng buhay na biktima. Winakwak din niya ang dibdib at tiyan nito at pinaghihila ang laman loob. Tumatawa na parang demonyo at tila ba hindi na lang pagkain ng laman ang hatid niya ng gabi na ‘yon kun’di nakakamatay na laro.

Tumayo siya at binalingan ang babaeng nakahandusay na wala ng mga mata at mababaw na rin ang paghinga. Wala na rin itong malay. Marahas na pinilipit ni Luna ang leeg nito at pinihit pa ng husto hanggang sa humiwalay na ito sa katawan ng babae. Parang animo’y prutas na kinagat at nilapa ng Luna ang mukha ng babae. Dumadaloy na sa mga kamay at braso ni Luna papunta sa kaniyang damit mula sa pugot na ulong kinaaliwan niyang kainin.

Biglang napatigil siya ng marinig niya ang tinig ng dalawang magkasintahang tumakas. Dahil sa madilim na nga ang paligid ay mahirap ng hanapin ang tamang daan. At naligaw na nga sa masukal na lugar na 'yon ang dalawa.

“Dapat kasi hindi na lang talaga ako sumama sa'yo. Tama nga si inay, mapapahamak lang ako sa'yo!” bulyaw ng babae sa kaniyang nobyo.

“Walang pumilit sa’yo na sumama sa 'kin. Ewan ko nga kung ba't nagpapakipot ka pa eh, alam ko rin namang gusto mo rin at nahihiya ka lang dahil kina Sherwin at Pem,” patukoy nito sa dalawang magkasintahang pinaslang na ni Luna.

“Puwede ba magtigil ka muna. Saan nanggaling at sino ang nilalang na ‘yon kanina? Nakita mo ba ang ginawa niya kanina? Nagkaroon ng buhay ang mga buhok niya at pinatay niya ang mga kaibigan natin. Umalis na tayo sa lugar na ito bago pa tayo mapahamak sa nilalang na 'yon,” wika ng dalaga.

Muli ay nakarinig naman sila ng tipak ng mga dahon, sumabay pa ang malamig na simoy ng hangin na nanunuot sa kanilang balat. Maya-maya ay isang ungol na babaeng tila nahihirapang huminga ang kanilang narinig. May kumaluskos sa paligid, at ang tunog ay papunta sa kanilang direksyon. Napasigaw ang babae na noo’y naka-kapit sa braso ng kaniyang kasintahan dahil sa takot. Nakita niya si Luna na nagpasuray-suray papunta sa kanilang. Parang animo’y nababali rin ang mga buto nito habang papunta sa direksyon ng magkasintahan. Sa sobrang takot ay hindi na halos makatakbo ang dalawa dahil sa labis na panginginig ng kanilang mga katawan. Ang ulo ni Luna ay naging parang isang turumpo dahil sa mabilis na pag-ikot nito na mas lalong ikinatakot ng dalawa.

Panay lamang ang sigaw ng babae at umiiyak na rin ito dahil sa takot. Hindi na rin nila alam kung alin pa ba ang tamang daan daan dahil sa sobrang dilim na ng paligid at malalim na rin ang gabi. Naghahalo na ang luha ang pawis ng dalawa dahil sa takot habang pilit ka tinatakasan si Luna.

“Sino kaya ang babaeng iyon Lucas, at bakit niya tayo hinahabol,” wika ng babae sa kaniyang nobyo.

“Bakit ba ako ang tinatanong mo Leah? Pareho lang tayong dayo rito, hindi ko nga alam kung tao ba talaga 'yon? Patay? O ibang nilalang. Hindi ko alam Leah, pero titiyakin kong magiging ligtas ka, makakatakas din tayo sa kaniya.”
Medyo malayo na rin ang kanilang tinakbo, at sa pakiwari nila ay malayo na sila kay Luna.

Hindi nila alam na gaya ni Luna ay pareho silang biktima ng sumpang hatid ng paghalik ng hatinggabi ng mga sandaling iyon. Si Luna ay nasa ilalim ng sumpang kahit siya mismo ay walang kamalay-malay na na inaaliping siya nito sa tuwing sasapit ang hatinggabi, at ang biktima ng gabing ‘yon ay dalawang pares ng magkasintahan.

Habol ang hiningang pinakiramdaman nilang dalawa ang paligid ng mga sandaling iyon. Tahimik na at parang tila ay nailigaw o natakasan na nila ang nakakatakot na nilalang na humahabol sa kanila. Huminga ng malalim ang lalaki at bumuntong hininga nang biglang natumba na lamang ito at hinila sa madilim na parte. Tinakbo siya ng kaniyang kasintahan para hilahin, pero mas humihiyaw pa ito na para bang may iniindang sakit. Basang-basa na ang mukha nito sa pawis, subalit dumadaloy rin ang luha sa kaniyang pisngi.

“Leah, umalis ka na. Humingi ka ng tulong. Kung hindi man ako makaligtas ay tiyakin mong ligtas ang sarili mo, patawad sa ikinilos ko kanina. Gusto ko lang matiyak na sa’kin ka lang at ako lang ang mahal mo,” wika nito at tuluyan na itong nahila palayo sa kung saan. Tanging alingawngaw na lamang ng boses ng kaniyang nobyo ang kaniyang narinig at halos madapa na rin siya sa pagtakbo.

Nanginginig sa takot ang dalaga ng mabangga niya ang isang matandang lalaki. Si Joel.

"T-Tay, t-tulong niyo po ako," nanginginig at humahagulgol na turan ng dalaga na noon ay pawis na pawis at marumi na ang damit

“Ano ba’ng nangyari hija? At parang takot na takot ka?” tanong ni Joel sa dalaga na parang bago lang sa paningin niya, at sa pakiwari niya ay dayo lamang ito. Hinawakan niya ang magkabilaang balikat nito at pinakalma para sabihin na magiging maayos kung ano man ang nangyari rito.

“M-May halimaw po, b-babae! Pinatay niya ang mga kaibigan ko at marahil siya rin ang humila sa nobyo ko, at baka pinatay niya na rin 'yon ngayon. Gusto ka na pong umuwi..." umiiyak na turan nito. Kinakabahan si Joel, na baka si Luna ang tinutukoy ng dalagang kaniyang nakasalubong.

ANG SUMPA KAY LUNA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon