TBRE: 11

48 3 0
                                    



"Ang daya mo naman, Caloy. Hindi pa natin nalilibot ang buong isla, umalis ka na agad," saad ko habang nakaharap sa kabaong niya. Ang himbing ng tulog niya ngayon. Sa totoo lang, ngayon ko lang siya nakitang maayos ang suot na damit. Nakabarong at nakaayos ang buhok.


"Kung kailan ka pa namatay, dun pa kita nakitang may suot na matino at maayos ang mukha," simangot kong saad. Palagi kasi kaming nasa sakahan kaya puro punit ang damit at pawisan. Halos nakabilad kami sa araw dahil sa trabahong nakasanayan namin.


Ipinatong ko ang dalawang kamay sa kanyang kabaong habang maayos ang titig sa kanya, "Ikaw naman kasi eh, alam mong malalakas silang tao, nilusob mo pa," kumawala ang isang butil ng luha mula sa aking mata kaya agad ko ring pinunasan na parang bula.


Wala talaga kaming laban na mahihirap sa mga mayayaman at makapangyarihan.


Hindi ko mapigilang manginig at mag-init ang dugo dahil sa nangyari. At alam kong hindi lang ako ang nakakaramdam nito kundi pati na rin ang mga kasamahan ko lalo na si Mang Fidel. Bakit pa kasi nanggulo sila dito eh nananahimik kami sa pagsasaka. Palagi na lang kami ang agrabyado.


Napatingin ako sa gilid nang may humawak sa isa kong balikat, "Wag kang mag-alala, Lei, nasa maayos na lugar na si Caloy ngayon," saad ni Manang Ester na nginitian ko at ibinalik ang tingin sa harap.


"Eh kahit naman po anong gawin natin at kahit tayo ang nasa tama, wala tayong magagawa at wala tayong laban dahil mahirap lang tayo at mayaman sila," sabi ko. Iba ang kapangyarihan na kayang ibigay ng pera. Sa mundong ito, kung wala kang pera, mali ka. Kung ikaw ang may pera, ikaw palagi ang tama. Napaka-unfair dba?


"Dahil po ba wala tayong sapat na pinag-aralan kaya madali na lang para sa iba na apakan tayo?" hindi siya sumagot kaya hinarap ko siya, at tinignan sila na nasa likuran. Nakapalibot kasi silang lahat sa kabaong at nakaupo na tila mga anghel na bantay habang naghihintay ng oras.


"Kapag po ba mataas ang pinag-aralan ng isang tao, magbibigay na yun ng karapatan sa kanila para apakan tayo?" tanong ko sa lahat, "Sabihin niyo sa akin kung ganon talaga, tatanggapin ko naman," dagdag ko. Yumuko lang sila at hindi ako sinagot.


"Hindi ba dapat mas sila ang unang nakakaintindi sa ating lunod sa hirap dahil mataas ang pinag-aralan nila?" Hindi ko lang talaga mapigilan na maglabas ng sama ng loob. Magmula noon hanggang ngayon, patuloy nila kaming inaapakan pero kami ang unang nagpapakain sa kanila. Siguro hindi nga siguro talaga ganun kaganda ang ikot ng mundo. Sa mga mayayaman palagi ang pabor.


"Kahit mahirap lang tayo, may kaya tayo na hindi nila kayang gawin," saad ni Mang Fidel, "Ang magsaka," pagngiti niya, "Madaling trabaho sa atin pero mahirap para sa kanila."


"Pero sa kanila napupunta ang pera, Mang Fidel. Sila ang nakikinabang sa paghihirap natin," sagot ko. Kahit hindi nila aminin, alam kong pareho kami ng nakikita. Kahit gusto naming isigaw ang hinaing namin, wala namang makikinig sa amin kaya maiintindihan ko kung bakit mas pinipili na lang namin na manahimik.


"Huwag kang mag-alala. Magiging maayos din ang lahat. Makakausad tayo," sagot ni Manang Ester.

The Black Rose Ecstacy (LCS Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon