TBRE: 44

32 2 0
                                    


Inilibot ko ang tingin sa paligid at katulad kanina ay nasa tabi ko pa rin si Melody. Mahimbing itong natutulog. Nakuha kong magpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. Hindi ko namalayan na nakuha kong maalimpungatan at kusa akong napaupo. Para bang may kung anong elemento na lang ang gumising sa akin. Makukuha ko na sana ang tulog ko pero hindi ko naman nagawa.


Patuloy pa ring bumabagabag sa akin ang lahat. Mga tanong na hindi nila magawang sagutin. Simula nang maalala ko ang pangalan na Ali, hindi na ako mapakali. Pakiramdam ko ay may kailangan akong malaman sa lalong madaling panahon. At hindi na ako komportable sa ganitong sitwasyon na puro na lang ako tanong.


Ayaw kong magmukhang walang alam.


Nagsuklay ako ng buhok gamit ang isang kamay at dahan-dahang bumaba sa kama. Naging malumanay ang paggalaw ko dahil ayaw kong matamaan o magising si Melody lalo na't mukhang masarap ang tulog niya. Kami lang dalawa at siya lang ang maiiwan dito. Nasa kabilang kwarto kasi sina Tita Sennie at Tito Don dahil nga nakiusap ako na kung pwede ay tabi muna kami ni Melody ngayong gabi.


Buti naman at pumayag sila.


Babalik naman ako agad at kailangan ko muna sigurong magpaantok. Iniwan ko si Melody doon at tahimik na lumabas ng kubo. Dahil sa mapuno at mahalaman sa paligid, malamig at sariwang hangin ang bumalot sa akin, napapalibutan rin kasi ng gubat ang kabuuan ng lugar. Halos yakapin ko ang sarili dahil sa lamig.


Hindi ko pa rin nakikita si Liam. Tinanaw ko ang paligid para maghanap ng magandang pwesto. Umupo ako sa may batuhan at itinaas ang dalawang paa. Niyakap ko ang aking sarili at nakatingalang tinitigan ang mga bituin sa langit. Kusa akong napangiti dahil ang ganda pala nilang titigan kapag tulog na ang lahat at sobrang tahimik sa paligid. Wala na ring tao ngayon dahil nagpapahinga na ang lahat. Hindi ko nga alam kung ano ng oras. Siguro ay madaling araw na.


Sa kalagitnaan ay kusang naglaho ang ngiti ko at napatingin sa kung saan. Galit ba siya kaya naging ganon ang reaksyon niya sa akin? Pakiramdam ko ay biglang nanlamig sa akin si Liam dahil sa naging tanong ko. Nagawa niya pa akong iwanan at talikuran. Gustuhin ko man siyang tanungin at makipag-ayos sa kanya pero mukhang wala siyang balak na balikan ako rito.


Mabilis akong napatingin sa likuran. Nawala ang atensyon ko sa pag-iisip ng malalim nang makarinig ako ng kaluskos sa kung saan. Banda 'yon sa may nagtataasang mga damo kaya doon napako ang tingin ko. Minabuti kong tumayo mula sa pagkakaupo nang makaramdam ng kaba.


Muling may kumaluskos dahilan para mas mapaatras ako, "M-May tao ba dyan?" nag-umpisa na rin akong manginig. Inilibot ko ang tingin at tahimik naman sa mga damo bukod sa madilim ang parteng 'yon dahil medyo malayo sa kubo.


Hindi ko man gustuhin pero kusang humakbang ang aking mga paa papalapit sa parte kung saan nanggaling ang ingay. Bumibigat ang aking paghinga at mas lalo akong nanginginig. Hindi ako pwedeng pumasok at hayaan na lang ang narinig ko. Paano kung may panganib pala at mapahamak ang mga nandito?


Tumigil ako sa tapat ng mataas na damo. Bahagyang gumagalaw ito na tila may nagtatago sa likuran. Unti-unti kong itinaas ang isang kamay at kitang-kita ko ang panginginig nito. Ibinaba ko rin ito agad at humakbang paatras dahil parang hindi ko kaya. Pinapangunahan ako ng takot.

The Black Rose Ecstacy (LCS Book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon