Sinusundan ni Kirt ang direksyon na tinuturo sa kanya ng mapa papunta sa bilihan ng mga sandata at mga kalasag.
Nang malaman niyang nasa ika-26 na palapag pa ito, napagdisisyonan niya na munang basahin ang listahan na kailangan niyang bilhin sa Magical Market.
Habang binabasa ang mga kailangan niyang bilhin, naramdaman niyang may mga nakaharang sa kanyang dinaraanan.
"Mawalang galang na po mga ginoo, makikiraan lang po," magalang na pakiusap ni Kirt sa mga nakaharang.
Kahit labis na nakararamdam ng pagkainis si Kirt dahil sa pagharang sa kanya ng mga ito, pinipilit niya pa ring maging magalang hanggat maari sa harapan ng mga ito.
Ayaw niya kasing suwayin ang utos ng kanyang ina na laging magpakumbaba sa lahat ng pagkakataon sapagkat labis niya itong ginagalang at kinatatakutan.
"Inuutusan mo ba ako?" tanong ng isang lalaki na nasa gitna.
"Nakikiusap lang po," malumanay na tugon ni Kirt.
"Lapastangan ka! Wala kang karapatang sagutin ng ganyan si Master Chad," sigaw ng nasa kaliwa ng nagngangalang Chad.
Napakunot ng noo si Kirt. Napaisip tuloy siya kung sino ba o ano ba ang katayuan ng lalaking nagngangalang Chad.
"Mukhang wala kang alam bata," singit ng nasa kanan ni Chad. "Si Master Chad ay ang estudyante ng kasalukuyang Lava King ng Lava Palace," dugtong pa niya.
"Ganoon ba? Paumanhin po sa aking pagiging mangmang," sabi ni Kirt habang nakayuko ang ulo.
Nang malaman iyon ni Kirt, bigla siyang pinagpawisan ng malamig.
Isang kalapastanganan ang naramdaman niyang inis laban sa estudyante ng Lava King at sa mga kasama nito.
Kahit hindi alam ng tatlo ang kanyang inis, nahihiya pa rin siya sa loob-loob niya.
"Upang patawarin ka ng aming master dahil sa iyong kalapastanganan, lumuhod ka sa harapan niya," sabi ng nasa kanan ni Chad habang binibigyan ng mapanghamak na tingin si Kirt.
Dahil sa sinabi ng kasama ni Chad, napataas ng tingin si Kurt at tinitigan ng matalim ang tatlo at nagwikang, "Tanging mga magulang ko lang ang luluhuran ko at wala ng iba pa," medyo nanggigigil na sagot ni Kirt.
Biglang nag-iba ang ekspresyon ni Chad.
Ang kaninang malumanay, ngayon ay naging katakot-takot na.
"Ronnie, Raymart, turuan ng leksyon ang walang habas na iyan," pasigaw na utos ni Chad habang tinuturo si Kirt.
"Masusunod master," sabay na sagot ng dalawa.
Si Ronnie ang nasa kaliwa ni Chad kanina. Samantalang si Raymart naman ang nasa kanan ng tinuturing nilang master.
Sila ay pinsang buo ni Chad at sila ay nagmula sa angkan ng mga Licwan.
Ang angkang ito ang bihasa sa paggamit ng lava art, fire style at earth style.
May alam si Kirt ng bahagya sa kung anong estado mayroon ang mga Licwan. Kaya ng marinig niya na isang mga Licwan ang mga lalaking nasa harapan niya, hindi na niya tuloy alam ang kanyang gagawin. Gusto pa siyang turuan ng leksyon ng mga ito dahil sa mga inasta niyang pag-uugali kanina.
"Katapusan ko na," bulong niya sa kanyang sarili.
Nang dadampi na ang mga kamao nila Ronnie at Raymart sa magkabilang pisngi ni Kirt, may dalawang pigura ang humarang at pumigil sa kanila.
(BANG!!!)
"Hindi ko akalaing ang hihina ng inyong pisikal na lakas. Nananalaytay pa naman sa inyong mga dugo ang pagiging isang adventurer pero ganito lang ang mga lakas ninyo? Mga basura," sabi ng isang lalaking sumalag sa suntok ni Ronnie.
BINABASA MO ANG
Tale of the True God (Book 1 : Mission)
FantastikSa mundo ng mga adventurer at ng mga wizard, hindi maiiwasan ang mga patayan, kaguluhan at mga pagsubok na maaaring kaharapin ng bawat isa. Tulad na lang ni Kirt Lorie. Siya ay isang pinagpalang nilalang dahil sa kanyang tinataglay na mga kapangyari...