Nang matapos na sila Aira at Kirt sa pagbibigay ng paunang lunas sa dalawang magkapatid, napagdesisyonan nilang itigil na muna pansamantala ang kanilang pagsasanay dahil sa matinding sinapit ng kanilang dalawang kasama. Agad na silang lumabas sa silid-pagsasanay upang dalhin sa pagamutan sina Miko at Sherwyn para doon na ang mga ito magpahinga. Buhat-buhat ni Kirt ang walang malay na si Miko habang inaalalayan naman ni Aira si Sherwyn sa paglalakad.
"Sana matutunan ko rin kaagad ang Ice Art," sabi ni Kirt habang maingat na hinihiga si Miko sa isang kama.
"Sa tinataglay mong talento Kirt Lorie, sa palagay ko ay saglit mo lang iyon matututunan hindi tulad namin na inabot pa ng buwan bago namin iyon matagumpay na maisagawa," tugon ni Sherwyn. "Huwag ka ng magsalita. Magpahinga ka na lang muna dyaan," mataray na wika ng prinsesa habang mahinang pinipisil ang malaking sugat ni Sherwyn sa kkaliwang braso nito.
"ARAAAAY!"
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Sherwyn dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. Bigla namang napalingon si Kirt sa puwesto nila Aira at Sherwyn. Dahil sa pangyayaring iyon, kunot noong tinanong ng binata si Aira ng, "Bakit mo naman iyon ginawa?"
"Para malaman niyang nagpapagaling pa siya dito sa silid-pagamutan. Hindi siya naririto para lang makipagdaldalan," sagot ni Aira habang nakakrus ang kanyang mga braso.
Napabuntong hininga na lang si Kirt dahil sa naging sagot sa kanya ng dalaga.
"Huwag mo na lang ulitin 'yon. Hayaan mo na lang munang magpahinga si Sherwyn," malumanay na wika ng binata.
Umismid lang si Aira dahil sa pakiusap sa kanya ni Kirt. "Ang sama mo talaga sa akin," sabi ni Sherwyn habang iniinda pa rin ang kirot ng kanyang sugat.
Babatukan na sana siya ng prinsesa ngunit hindi na iyon naituloy ni Aira sapagkat seryosong nakatingin sa kanya si Kirt. Alam ni Aira ang gustong ipahiwatig ni Kirt sa kanya sa pamamagitan ng pagtitig nito ng seryoso. Kaya agad niyang binawi ang kamay na gagamitin sana niyang pambatok sa kanyang pinsan at pagkatapos noon ay mataray niyang kinausap si Kirt.
"Alam mo, minsan, ayaw kong inuutusan ako ng kung sino-sino ng basta-basta. Pero dahil sa kaibigan kita at kailangan ng hangal na ito ng pahinga, pagbibigyan kita sa ngayon," sabi ni Aira ng nakataas ang kaliwang kilay.
Ngumiti lang si Kirt bilang tugon sa prinsesa. Subalit, mabilis na napalitan ng gulat at labis na pag-aalala ang masaya at matamis na ngiti ng binata dahil sa mga sumunod na nangyari.
Biglang binatukan ni Aira si Sherwyn dahil hindi nito nagustuhan ang mga sinabi sa kanya ng kanyang pinsan. Sinabi kasi ni Sherwyn na bagay na bagay talaga silang dalawa ni Kirt dahil ang binata lang daw ang nagpapalambot sa dalaga. Kaya dahil doon, hindi na napigilan ni Aira ang kanyang sarili na hindi bigyan ng leksyon si Sherwyn. Bilang resulta sa pagbatok ng prinsesa kay Sherwyn, tuluyan na itong nawalan ng malay at nadagdagan pa ito ng malaking bukol sa ulo.
"Huli na iyon, sa ngayon!" Sabi ni Aira habang dahan-dahang lumalabas sa silid na pinagpapahingahan nila Miko at Sherwyn.
Natauhan na lang si Kirt nang biglang sinara ni Aira ang pinto ng pagkalakas-lakas.
"Grabe talaga siya kung magalit." Ito na lang ang bukod tanging nasabi ng binata habang pinagmamasdan niya ang dalawang magkapatid na kasalukuyang tinakasan ng ulirat.
Sa kabilang dako, may isang lalaki ang nakaupo sa ginintuang upuan habang umiinom ng alak. Mababanaag mo sa hitsura nito na labis siyang natutuwa sa hindi malamang dahilan.
"Ganoon pala ang mga nangyari. Mukhang magkakaroon ng magandang laban sa pagitan ng Ice Palace at Lava Palace sa darating na paligsahan. Tignan natin kung karapat-dapat din ba silang mapabilang sa royal council ng kanilang kinabibilangang palasyo. Interesante! Interesante! Hindi na talaga ako makapaghintay," sabi ng lalaki habang pinapaikot ang alak sa loob ng kanyang kulay gintong kopa.
BINABASA MO ANG
Tale of the True God (Book 1 : Mission)
FantasySa mundo ng mga adventurer at ng mga wizard, hindi maiiwasan ang mga patayan, kaguluhan at mga pagsubok na maaaring kaharapin ng bawat isa. Tulad na lang ni Kirt Lorie. Siya ay isang pinagpalang nilalang dahil sa kanyang tinataglay na mga kapangyari...