Nakatulala lang si Kirt sa dragon na bigla na lang lumitaw sa kanyang harapan. Hindi pa rin siya lubos na nakababawi dahil sa matinding gulat.
"Si, sino ka? Anong kailangan mo? Ano ang sinasabi mong isa kang twin spirit? Ano iyon?" sunod-sunod na tanong ng binata kay Drago.
"Ako si Drago at nandirito ako upang paglingkuran ka, panginoon. Ang layunin ko ay ang sundin ang lahat ng iyong mga ipag-uutos. Bilang tugon sa huli mong katanungan, ako ay isang twin spirit o sa madaling salita, ako ang katuwang ng Heavenly Sword na iyong kasalukuyang pagmamay-ari," sagot ng dragon.
Pinaliwanag pa ni Drago kay Kirt ang iba pang inpormasyon patungkol sa mga twin spirit.
Sinabi niya sa binata na ang bawat isang adventurer at wizard ay nagtataglay ng isang twin spirit. Ganoon man, hindi lang tao ang maaaring magkaroon ng katuwang. Maaari ring magkaroon ng twin spirit ang isang sandata kung ito ay gawa ng isang diyos at ginamit niya itong sariling pagmamay-ari noon.
"Ang ibig mo bang sabihin ay hindi ikaw ang aking personal na katuwang? At isa pa, dati bang diyos ang nagmamay-ari ng espadang ito noon? Patay na ba siya kaya napunta ito sa tindahan ng mga sandata at mga kalasag?" naguguluhang tanong ni Kirt.
"Oo, panginoon. Hindi ako ang iyong personal na twin spirit. Ako ay personal na katuwang lang ng Heavenly Sword. Ang sagot naman sa ikalawa at ikatlo mong katanungan ay oo at hindi ko alam. Oo sa pangalawang tanong dahil isang diyos ang dati kong panginoon. Kaya naman hindi ko alam ang sagot ko sa huli mong tanong sapagkat matagal na akong hindi nakalalabas sa espadang iyan dahilan upang hindi ako makakuha ng balita tungkol sa kanya. Subalit malakas ang kutob ko na buhay pa ang dating panginoon dahil nararamdaman ko ang natutulog niyang kapangyarihan mula sa iyo," tugon ni Drago habang tinitignan ng mata sa mata si Kirt.
Nagulat na naman ang binata dahil sa kanyang mga nalaman. Una, nalaman niyang isang Heavenly Sword pala ang espadang binigay sa kanya ng matanda na nakadaupang-palad niya sa Magical Market.
Pangalawa, nalaman niya rin na nagtataglay ng twin spirit ang kanyang sandata sapagkat dati pala itong pagmamay-ari ng isang diyos. At pangatlo, ang labis na nagpagimbal sa kanya ay ang natutulog niyang kapangyarihan at ang malala pa, may kaugnayan ito sa diyos na gumawa at dating nagmamay-ari ng kanyang Heavenly Sword.
Magtatanong pa sana si Kirt ngunit naunahan siya ni Drago na magsalita.
"Panginoon, dederetsohin na kita. Ang isa ko pang tungkulin ay ang samahan ka sa lahat ng iyong magiging laban sa hinaharap. Dahil minarkahan mo na ang espadang iyan, ang aking antas at ranggo ay kasabay ding aangat sa tuwing tumataas ang iyong estado bilang isang mandirigma. Kaya ang tangi ko lang na maipapayo sa iyo ay magpalakas ka pa ng husto nang sa gayon ay lumakas rin ako at mas matulungan pa kita sa iyong mga kahaharaping mga laban sa hinaharap, panginoon. Kung nais mo naman akong tawagin, sambitin mo lang ang aking ngalan," sabi ni Drago habang dahan-dahang naglalaho.
Dahil sa biglaang pagkawala ni Drago, napakusot-kusot ng mata si Kirt. Akala niya ay namamalik-mata lang siya. Nang mapagtanto niyang wala na talaga ang dragon, napabuntong hininga na lang ang binata.
"Hindi ba siya tinuruan ng kanyang dating panginoon na laging magpaalam kung lalabas at aalis na siya?"
Dahil sa sobrang daming kaalaman ang nalaman niya, nakaramdam na tuloy ng antok si Kirt. Kailangan niya na rin kasing magpahinga sapagkat maaga pa bukas ang kanilang unang klase. Hindi naman niya gusto na siya pa ang huling makakapasok sa kanilang kauna-unahang klase sa academy.
Kinabukasan, nagkita-kita sina Kirt, Sherwyn at Miko sa isang silid kung saan ay doon nila gaganapin ang una nilang klase para sa araw na iyon.
Abalang-abala ang tatlo sa pag-uusap ngunit bigla silang natigilan ng may pumasok na babae sa kanilang silid.
BINABASA MO ANG
Tale of the True God (Book 1 : Mission)
FantasiaSa mundo ng mga adventurer at ng mga wizard, hindi maiiwasan ang mga patayan, kaguluhan at mga pagsubok na maaaring kaharapin ng bawat isa. Tulad na lang ni Kirt Lorie. Siya ay isang pinagpalang nilalang dahil sa kanyang tinataglay na mga kapangyari...