Umaga, sa isang kubo ay may mag-asawang sabay na kumakain ng agahan. Makikitaan mo ang dalawang ito ng pangungulila sa kanilang mga mata.
"Ano na kaya ang lagay ng anak natin? Nasa maayos kaya siyang kalagayan? May mga naging kaibigan na kaya siya doon?" sunod-sunod na tanong ng babae sa kanyang asawa.
"Janica, huwag ka ng masyadong mag-alala kay Kirt. Nasa wastong gulang naman na siya at paniguradong hindi naman siya pababayaan ng academy. Ang hindi ko lang sigurado ay kung mayroon na ba siyang mga bagong kaibigan. Ang ilap kasi sa tao ng batang iyon," tugon ni Dan habang kinakamot ang likuran ng kanyang ulo.
Ang mag-asawang iyon ay walang iba kundi ang mga magulang ni Kirt. Sina Janica at Dan Lorie. Kahit dalawang araw pa lang na nawalay sa kanila ang kanilang anak, pakiramdam nila ay halos ilang taon na nila itong hindi nakakasama.
Syempre, mahirap sa isang magulang na mahiwalay sa kanilang anak. Subalit, sa puntong ito ay kailangang magsakripisyo nina Dan at Janica upang mapalago pa ni Kirt ang kanyang mga kaalaman at karanasan.
Ito kasi ang magsisilbing kayamanan ng isang indibidwal sa kanyang buong buhay.
"Sana naman kahit papaano ay naaalala niya tayo," sabi ni Dan habang umiinom ng tubig.
"Sana nga. Magtiwala na lang tayo sa anak natin. Hindi naman tayo bibiguin noon," tugon ni Janica habang nililigpit ang mga pinggan na kanilang pinagkainan.
Nang pupunta na sana ang ilaw ng tahanan sa kusina upang maghugas ng mga pinagkainan, sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang nabitawan ni Janica ang mga pinggan dahilan para mabasag ito sa sahig.
Agad namang nagtungo si Dan sa kusina upang tignan kung ano ang nangyari.
Lumipas ang ilang sandali, narating na ni Dan ang puwesto ni Janica. Nakita niya ang mga basag na pinggan sa sahig at ng binalingan niya ng tingin ang kanyang asawa, mayroon itong gulat at hindi makapaniwalang ekspresyon.
Agad namang hinanap ni Dan kung ano o kung sino ang tinititigan ni Janica dahilan para magulat ito ng ganito.
Nang makita na ni Dan ang kanyang hinahanap, maski siya ay nabigla at pinagpawisan ng malamig. May isang lalaki ang nakatayo sa kanilang harapan.
Ang lalaking ito ay may kulay madilim na asul na buhok ngunit nahahaluan rin ito ng kulay itim. Ang mga mata naman nito ay kulay itim din.
Ang kasuotan ng lalaking ito ay kulay asul na roba subalit sa laylayan nito, makikita ang kulay puting apoy na nakapalibot dito.
"Bakit ka nandito? Anong kailangan mo?" tanong ng mag-asawa sa lalaki.
Lumapit muna ng bahagya ang misteryosong lalaki sa dalawa bago ito nagsalita. "Dala-dala ko ang mga kailangan ninyo, mga bayani ng sanlibutan," sagot ng lalaki habang may ipinapakitang dimensional pocket sa mag-asawa.
Nagulantang naman sina Dan at Janica dahil sa mga binitawang salita ng lalaki sa kanilang dalawa.
Habang gulat na gulat ang mag-asawa dahil sa paglitaw ng isang misteryosong lalaki, sina Kirt, Miko, Sherwyn at Aira naman ay masayang nagkukwentuhan sa Magical Academy.
Pinagtatawanan nila si Sherwyn sapagkat hindi nito magawang maperpekto ang pinag-aaralan nilang potion.
"Ang hirap talaga ng potion na iyon. Parang hindi naman pang 1st year. Masyado tayong pinapahirapan ni Professor Luke," reklamo ni Sherwyn.
"Ang sabihin mo, gatas lang ang alam mong timplahin. Ang saya-saya kayang mag-aral ng alchemy," mataray na tugon ni Aira.
Nang dahil sa pahayag ng prinsesa, natawa sina Miko at Kirt.
BINABASA MO ANG
Tale of the True God (Book 1 : Mission)
FantasySa mundo ng mga adventurer at ng mga wizard, hindi maiiwasan ang mga patayan, kaguluhan at mga pagsubok na maaaring kaharapin ng bawat isa. Tulad na lang ni Kirt Lorie. Siya ay isang pinagpalang nilalang dahil sa kanyang tinataglay na mga kapangyari...