Chapter 1: Do What Makes You Happy

2.7K 34 0
                                    

(𝘚𝘺𝘭𝘷𝘪𝘢)

Halos madinig ko na ang pag-tick tock ng orasan sa kuwarto sa sobrang tahimik ko rito. Nakasalampak lang ako sa kama habang binabasa ang isa sa mga libro na nabili ko kanina. Talagang sinasanay ko ang aking sarili para mas mahasa pa sa wikang balak kong ituro. Mahirap ang mapahiya, hindi magandang 'magkalat' sa tapat ng mga estudyanteng nagsisimula pa lamang at malaking kahihiyan kapag nabulgar na ako'y isang baguhan pa lamang dahil hindi 'yon ang ine-expect mula sa akin ni Mamita Gretchen.

"Ma'am Sylvia?" Umayos ang aking pagkakaupo nang may kumatok sa pintuan doon at sumilip ang isa sa aming mga kasambahay. Tinaasan ko lang ito ng kilay at parang nakadama ito ng takot sa akin. "Ipinapatawag na po kayo sa baba."

"Sige, sabihin mo na lang na pababa na ako. Salamat."

"Sige po, ma'am."

Muling sumara ang pintuan at nagpatuloy ulit ako sa pagbabasa. Nilawayan ko pa nang marahan ang aking daliri bago ilipat ang pahina ng libro. Napunta ako sa pahina dalawampu't anim.

"Tama. Ang French ng 'bababa na ako' ay 'je vais en bas'. Buti nasaulo ko na agad." Itinabi ko na ang libro sa bookshelf sa aking kuwarto bago magpunta sa tapat ng salamin. Isinuot ko agad ang contact lenses ko ro'n dahil baka biglang dumating ang mga bisita at mapahiya pa ako o kaya'y pagtawanan nila. "This will work, I'll go downstairs now."

Dahan-dahan akong humakbang patungo sa hagdan at nakita ko na ro'n si Mommyla Esther na may sinisilip sa kusina. May matinis na sigaw rin akong nadinig kaya mabilis akong bumaba dahil sa pag-aakalang may nangyari na sa isa ko pang lola. Nadatnan ko si Mamita Gretchen na nasa kusina at pinapagalitan ang isa sa mga cook namin.

"Hindi ba't sinabi ko nang huwag kayong magluluto ng hipon? May allergy si Carmina riyan! Mga hindi nakikinig!" galit na sigaw niya. Gumuhit pa lalo ang mga linya sa noo niya at tumaas ang kaliwang kilay nito. "Huwag ninyong ihahain sa hapag iyan! Ibalik niyo 'yan sa loob at kayo ang kumain diyan! Bilisan ninyo at talagang nandidilim ang paningin ko!"

"Mamita, huwag ka nang magalit. Ikaw naman po, baka lang nagkamali sila o kaya'y hindi ka narinig," pagpapakalma ko sa kaniya. Agad ko itong nilapitan at hinawakan ko siya sa braso. Lumambot na ang kaniyang reaksyon. "Mamita, huwag ka na pong magalit. Ako na lang ang kakain doon. Favorite ko ang hipon, e. Huwag ka nang masungit, Mamita."

"Oo nga naman, mutya. Huwag mo nang sungitan ang nagluluto para sa atin dahil tinulungan niya pa ako. Huwag ka nang magalit. Halika rito." Inalalayan ko pa si Mommyla Esther para makalapit ito sa kaniya at kumalma na agad ang mamita ko nang magdikit sila. Sunod itong tumingin sa akin. "Bonjour. Comment va ta journée?" (Magandang umaga. Kumusta ang araw mo?)

Napangiti ako dahil sa tanong niya. Fluent kasi ito sa French at siya ang madalas na nagte-train sa akin noon pa lamang. Si Mamita Gretchen, siya naman ang naturo sa akin ukol sa pagtuturo sa paaralan at sa naangkop na etiketa sa classroom.

"Esther, puwede ba na huwag kang gagamit ng ibang wika? Hindi ako makaintindi, hindi ako makasabay sa usapan ninyo."

Nagulat ako nang maglabas ng rosas si Mommyla Esther mula sa bulsa niya. Ipinakita niya 'yon sa isa ko pang lola. "Ito? Walang salita kitang binigyan ng rosas. Alam mo ba ang ibig sabihin nito?"

"Oo naman. Siyempre, simbolo ng pagmamahal mo at iba pang bagay."

"Iyon naman pala. Sa iba, iba ang explanation o ang dating no'n at alam mo ang itinutukoy ko. Hindi naman lahat ng bagay kailangan alam mo, Gretchen." Umismid ito sa kaniya at tinitigan lang nito ang rosas. "Ayaw mo? Akin na lang—"

"Akin na! Para sa akin iyan, e. Baka ibigay mo pa sa ibang babae." Nakangiti nitong tinanggap ang rosas at sininghot niya 'yon. "Tara na, magpunta na tayo sa mesa. Darating pa si Carmina at ang asawa niya."

Capturing The Grumpy Mistress' Heart [GXG]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon