Chapter 6

1.5K 44 5
                                    

NAKAHINGA ng maluwag si Duane nang maisara niya ang pinto ng kwarto niya. Muntik na 'yong kanina ah! Sabi na nga ba, hindi niya dapat iwan ng mag-isa si Mikeyzhia basta kaharap ang pamilya niya. Hindi niya dapat pagkatiwalaan ang bibig nito.

Sinamaan niya ito ng tingin nang magkaharap sila.

"Hindi ba sinabi kong hindi ka pwedeng magsalita ng walang permiso ko? Kapag sinabi mong pusa ka, aakalain ng nanay ko, baliw ka, pati na ako. Isang araw ka pa lang sa bahay na 'to, muntik na akong mapahamak. Ano pa kaya kapag umabot ka ng isang linggo o buwan dito?" mahabang sabi ni Duane bago umalis sa pagkakasandal sa pinto at umupo sa dulo ng kama.

Nananatiling nakatalikod mula sa gawi niya ang maamong pusa.

Ano ba 'to, estatwa?

"Bumalik ka na lang kaya sa mundo mo?" walang prenong sabi niya.

Nakita niya namang mas yumuko si Mikeyzhia at nabalot na naman ng katahimikan ang buong kwarto. Kahit hindi niya makita ang mukha nito ay alam niyang maiiyak na naman ito sa sinabi niya.

Napabuga na lamang siya ng mabigat na hangin. "Oo na, hindi na. Humarap ka nga kapag kinakausap kita." utos niya rito na agad niya namang sinunod ni Mikeyzhia.

Naging mailap ang mga mata ni Duane nang mapansing umiiyak nga ang dalaga.

Hindi ko siya inaway ah!

Sa pagkakaalam niya, wala siyang ibang nasabing mas higit pa do'n. Malay niya bang ganito pala ito ka-sensitive. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit o kung anong bumabagabag rito dahil lang sa pagbanggit niya sa pagbalik nito sa mundo nila kaya hindi na siya nangahas na magtanong pa tungkol do'n.

Natatakot na tuloy siyang awayin ulit ito kung palagi na lang itong ganito. Ito talaga ang pinakaayaw niyang makita e, lalo na kapag siya pa ang dahilan.

Tumayo na siya at naglakad papuntang closet kung saan nakalagay ang mga extra na sapin, kumot at unan. Kumuha rin siya ng iilan doon at naglakad pabalik sa pwesto ni Mikmik. Hindi sila pwedeng magtabi sa pagtulog. Ayaw niyang umabot sa puntong-ganon! Hindi siya sanay, babae si Mikmik at lalaki siya. Kahit na pusa ito, babae pa rin siya. Tarantado lang si Duane pero may respeto naman siya. Depende nga lang sa mood.

"Oh, yan! Matulog ka na, maliligo lang ako." Inabot ni Duane kay Mikeyzhia ang mga 'yon na ikinakunot ng noo nito.

Mataman niyang tinitigan ang mga 'yon. Lihim na napamura si Duane sa isip niya.

Ano bang klaseng mundo ang mayroon sila? Halos lahat na lang yata ng mga gamit at lenggwaheng mayroon ang mundong 'to ay hindi niya maintindihan.

"Kunin mo na. Nangangalay na kamay ko." sabi ni Duane dahilan para mapatingin ang dalaga sa kanya na may pagtataka.

"Aanhin ko ang mga bagay na ito?"

"Tutulugan mo, malamang!" pilosopong sagot naman ni Duane saka pabagsak na ibinigay sa kanya ang mga gagamitin niya sa pagtulog, muntik pa itong matumba sa kabigatan.

Tinuro ni Duane ang sahig. "Sa lapag ka, ako naman sa kama. Huwag kang umasang tatratuhin kita katulad ng pagtrato nina Mommy sa 'yo noong pusa ka pa. Ang kama ko ay kama ko lang. Hindi ako nag-aalok ng pagmamay-ari ko, naintindihan mo?"

Hindi na hinintay ni Duane na makasagot si Mikeyzhia at tinungo ang banyo. Kailangan niya pang magpalamig dahil buong araw kumulo ang dugo niya sa mga babaeng nakapaligid sa kanya.

Ang sasakit nila sa ulo! Gusto niya na lang naman mabuhay ng payapa pero hindi siya binibigyan ng pagkakataon.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay natapos na rin si Duane sa daily routine niya at handa ng magpahinga. Nasa bukana pa lamang siya ng pinto nang mapansin niyang wala na si Mikmik sa kwarto. Dali-dali siyang napatakbo palabas pero napatigil nang makarinig ng mahihinang hilik sa gilid ng kama. Hindi 'yon nakakasakit sa tenga, para pa ngang musika dahil sa malamyos na tunog.

Keeping The Werecat (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon