Chapter 12

1K 31 16
                                    

HINARANG ni Mikeyzhia ang kanyang mga palad sa harap ng kanyang mukha dahil sa nakakasilaw na sinag ng araw. Nasa kaliwang kamay niya naman ang sprinkler na ginamit niya pagdilig ng mga minamahal na halaman ni Mrs. Segunla. Hindi siya ganoon kasanay sa paggising ng maaga pero hindi niya alam sa sarili niya kung bakit ba siya nagising ng maaga ngayon.

Pero kahit na napakaaga niyang nagising ay hindi niya pa rin naabutan si Duane. Sa tingin niya ay napakahalaga ng gagawin nito ngayon kaya mas pinili nitong sa opisina na kumain ng almusal.

Ibinaba na niya ang kamay niya at binalingan ang mga halaman sa gilid niya at sinimulan itong diligan ulit. Maingat ang bawat wisik niya ng tubig. Natatakot siya na baka masobrahan sa tubig ang halaman, iyon kasi ang paalala ni Manang Lusing sa kanya.

Mula sa glass window ay nakita niyang pababa ng hagdan si Martha habang bitbit ang medyo may kalakihang basket ng mga labahan. Marahan niyang inilapag ang pandilig sa lupa at nagmadaling puntahan si Martha.

Nginitian siya nito nang makita siya. "Oh! Mikeyzhia, tapos ka na ba sa ginagawa mo?" tanong nito sa kanya bago inilapag ang basket.

Tumango siya. "Kailangan niyo po ba ng tulong ko?"

"Naku, hindi na. Kaya ko na 'to..."

Akmang bubuhatin ulit ni Martha ang basket nang maunahan na siya ni Mikeyzhia at nagpresentang siya na ang magbubuhat no'n. Wala na rin namang nagawa si Martha dahil nauna na itong maglakad papunta sa laundry room. Naiiling na sumunod na lang ang ginang. Hindi rin makapaniwalang may sapat itong lakas sa kabila ng patpatin nitong katawan.

"Salamat, iha..." anang Martha pagkalagay niya ng basket sa sahig.

Nanatili siyang nakatayo lang doon at pinagmamasdan si Martha na ipasok ang mga damit, bedsheets at kung ano-ano sa loob ng washing machine. Ilang beses niya na itong nakita pero hanggang ngayon ay takot pa rin siyang pumindot ng kung ano-ano roon na siya lamang mag-isa.

"Ako na ang bahala rito, iha. Kung wala ka ng gagawin, pwede ka ng magpahinga."

"Sigurado ho kayong hindi niyo na kailangan ang aking tulong?"

Mabilis na umiling si Martha at ngumiti sa kanya. Wala siyang nagawa kung hindi ang sumang-ayon na lamang.

Sandali siyang natigilan nang makaramdam ng parang may mga matang nakapuntirya sa kanya mula sa labas ng bahay. Nilingon niya ang bahagyang nakabukas na bintana, pinanliitan niya ang mga mata nang mapansin ang labas kung saan may puno at bench pero wala naman siyang nakitang tao doon.

Hindi na lang niya iyon pinagtuunan ng pansin pa dahil sa tingin niya ay hallucinations lang niya 'yon.

Nilingon niyang muli si Martha. "Napansin niyo ho ba si Madam? Hindi ko ho kasi siya nakikitang nagliliwaliw sa paligid..." tanong niya sa ginang.

Nangunot ang noo ni Martha at tila napaisip.

"Baka natutulog pa. Napapansin ko ring madalas siyang magkulong sa kwarto niya nitong mga nakaraang araw. Baka may pinagkakaabalahan lang. Hayaan mo na si Madam."

Nagpakawala si Mikeyzhia ng malalim na hininga.

Dinala siya ng kanyang mga paa sa bukana ng kusina at dumapo ang kanyang mga mata sa nag-iisang taong naroon. Si Hedi, ang cook ng Segunla. Si Hedi ang pinakabata sa tatlong kasambahay at halos kaedaran lang ito ni Mynchie.

Sinalubong siya nito ng ngiti bago muling binaling ang pansin sa niluluto nito. Hindi niya napigilang puriin ang mahalimuyak na pagkaing niluluto nito. Matagal na siya sa pamamahay na 'to at masasabi niyang napamahal siya sa luto ni Mrs. Segunla at Hedi. Sila ang madalas na nasa kusina pero naging iba ang awra ng kusina dahil mag-isa na lang ito.

Keeping The Werecat (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon