HALOS mapanganga si Ian habang pinagmamasdan kumain ang dalagang nahila niya kanina, buhat ng pagkataranta. Paano't mula nang mailapag ang mga in-order niyang pagkain at inalok niya ito'y hindi na ito nagdalawang-isip pa. Kaagad na nitong nilantakan ang dalawang klase ng silog na animo'y wala nang bukas.It's already twelve midnight when he felt hungry. Matapos kasi ng tensyon kanina sa matandang bahay ay ngayon lang niya napagtantong hindi pa siya kumakain. At dahil wala siyang sapat na kaalaman sa mga lugar sa Laguna, kaya naman nagpatianod na lamang siya sa dalaga nang tinanong niya kung may alam itong makakainan.
Matapos sumakay kanina ng jeep ay bumaba sila sa isang 24-hours na Tapsilogan. Open-space iyon at talaga namang pinipilahan ng mga tao kahit pa madaling araw na.
"Bakit hindi ka kumakain?" tanong nito sa kanya kahit puno pa ng pagkain ang bibig nito. "Ako nga pala si Venus pero my friends call me, Vee."
Tipid siyang ngumiti dahil sa kawalan ng table manners nito. Pagkuwa'y inilapit pa niya rito ang porksilog na dapat sana'y order niya para sa sarili. Mukhang magtutubig na lamang siya para sa gabing iyon.
"Uy, salamat nga pala sa libre ha? Noong isang gabi pa 'ko hindi kumakain eh."
Natigilan siya sa pag-inom ng tubig at diretsong napatingin kay Vee. Kaya naman pala kung kumain ito'y daig pa ang bibitayin. Pero posible kayang maka-survive ang isang tao na ilang araw nang hindi kumakain? Hindi niya rin alam. Never pa naman niya naranasan magutom, maliban na lang ngayon.
Nasa kalagitnaan siya ng malalim na iniisip nang bigla na lamang masamid ang dalaga, dahilan upang tumalsik ang iilang butil ng kanin sa kanyang mukha. Gumuhit ang tuwid na guhit sa labi niya at saka mariing napapikit.
"H-hala, sorry!" Matapos itong uminom ng tubig ay kaagad siyang tinulungan nitong alisin ang mga butil ng kanin sa kanyang mukha. "Pasensya ka na talaga!"
Unti-unti siyang nagmulat ng tingin at halos mapalunok siya nang mapagtanto kung gaano sila kalapit ng dalaga sa isa't isa. Sandali siyang napatitig dito at kaagad niyang napansin kung gaano kaliit ang mukha nito. Kapansin-pansin ang mga mata nitong tila sumasabay sa kanyang labi tuwing ito'y ngingiti; pati na rin ang ilong nitong katamtaman lamang ang tangos.
"Baka matunaw na 'ko sa kakatingin mo nang gan'yan."
"I-I'm not!" At saka siya mabilis na nag-iwas ng tingin sa dalaga. Rinig niya ang bahagyang pagtawa nito bago muling itinuloy ang kinakain.
Napailing na lamang siya at saka bumaling ng tingin sa screen ng kanyang cellphone. Mula nang umalis siya kanina'y minabuti niyang i-set iyon sa flight mode, nang sa gayo'y wala munang makahanap sa kanya. He needs time to sort things out for himself. Then he'll face the consequences later on.
"Ang ganda naman ng kasama mo sa picture. Jowa mo?" Halos mapatalon siya sa gulat nang bigla na lamang sumulpot sa kanyang tabi si Venus. Dahilan para maitago niya ang cellphone sa bulsa ng kanyang hoodie.
BINABASA MO ANG
Seven Days of a Lifetime [Across Genres: Travelogue Series 2]
AdventureDalawang magkaibang indibidwal ang pagtatagpuin ng pagkakataon: Isang lehitimong Pinoy na naging dayuhan sa lupang sinilangan; at isang dalagang nagnanais na makaalis sa lupang kanyang tinubuan. Tipikal na tubig at langis tuwing sila'y magsasalpukan...