GANAP nang lumubog ang araw subalit hindi pa rin maalis ni Ian ang tingin sa screen ng kanyang cellphone. Hindi na niya halos mabilang kung ilang araw na ba ang nakalipas mula nang pinili niyang maglayas. Kumusta na kaya ang ibang kamag-anak niya? Ni minsan kaya'y sumagi sa isip ng mga ito na hanapin siya? Sa kabilang banda'y ilang beses na rin niyang pinigilan ang sarili na tawagan ang dalawang pinsan na sina Kali at Divina. Kumusta na rin kaya ang dalawa?"Huy, okay ka lang?" Napaangat ang tingin niya kay Venus at bakas ang pag-aalala sa mga mata nito.
Tipid siyang ngumiti rito bago tumango. "Yeah, I'm fine."
Kasalukuyan silang nagpapalipas ng oras sa isang open-spaced na kainan, malapit pa rin sa lawa ng San Pablo. Pahaba ang puwesto ng mga stalls na naroon. At bawat tent ay nagtitinda ng iba't ibang uri ng pagkain pero karaniwa'y street foods lang din naman. Mayroon din restaurant at coffee shop sa malapit. At gustuhin man niyang doon yayain ang dalagita'y mukhang hindi na maaari. Paano't kanina niya lang napagtantong limang daang piso na lang pala ang natitira niyang pera. At ngayon nga'y iniisip niya kung saan sila magpapalipas ng gabi ni Venus, gayong kapag naubos ang pera niya'y hindi na nila magagawang tapusin ang bucket list ng kanyang Lola Remedios.
"Gusto mong maglibot?" muling tanong sa kanya ni Venus na ngayo'y nakalahad na ang kamay sa kanya. At nang siguro'y napansin nito ang pag-aalinlangan niya'y ang dalagita na mismo ang kumuha ng kamay niya at hinila siya palayo roon. "Pabebe ka talaga boi! Daming arte eh."
"I'm not being maarte!" singhal niya rito, dahilan para mapahinto sila sa paglalakad. Kumunot ang noo niya nang mapatakip ng bibig ang dalagita. "What are you doing?"
"Hala! Nagsalita ka ng Tagalog word!" She gasped with so much amusement, as if he did something extraordinary. "OMG talaga! Hindi ka na alien!"
Napailing na lang siya at saka nauna nang maglakad. Ayaw niya kasing ipakita ang hindi mapigilang ngiti sa dalagita. Mahirap na! Baka kung ano na naman isipin nito.
"Hoy, hintay naman! KJ talaga ng isang 'to eh." Naramdaman niya ang paghabol sa kanya ni Venus kaya naman binagalan na niya ang paglalakad.
Hindi niya maiwasang punahin ang mga kumikislap na ilaw sa mga puno. Patay-sindi ang mga iyon at nagbibigay ng iba't ibang kulay na talaga namang kaygandang pagmasdan. At mula sa may dulong parte ng kanilang nilalakaran ay kapansin-pansin ang kumpulan ng mga tao. Animo'y may event na nagaganap para sa gabing iyon.
"What's happening there?" Sandali siyang huminto sa paglalakad at itinuro ang direksyon kung saan naroon ang mga tao. Sinundan naman ni Venus ang itinuturo niya at saka ito napasinghap.
"Ah… may banda sigurong tumutugtog. Tara, lapitan natin!" Muli ay hindi na nito hinintay pa ang pagpayag niya dahil kaagad na siyang hinila nito palapit doon.
At tulad nga ng inaasahan, marami-rami rin ang taong naroon. Subalit hindi gaya ng sinabi ni Venus, walang bandang tumutugtog doon kundi isang grupo lang na nagba-busking. May isang kumakanta, ang isa'y tumutugtog ng gitara, habang ang isa nama'y abala sa cajon beatbox. Turns out, soft opening pala ng isang hotel and resort ang pa-event na iyon.
BINABASA MO ANG
Seven Days of a Lifetime [Across Genres: Travelogue Series 2]
AdventureDalawang magkaibang indibidwal ang pagtatagpuin ng pagkakataon: Isang lehitimong Pinoy na naging dayuhan sa lupang sinilangan; at isang dalagang nagnanais na makaalis sa lupang kanyang tinubuan. Tipikal na tubig at langis tuwing sila'y magsasalpukan...