CHARTREUSE

2 0 0
                                        

CHARTREUSE

"LILY OF THE VALLEY"

~ • ~

ANDY

Hindi sana ako mahihirapan.

            Kung tatlo lang sana ang mga puting talulot na ibinigay ng rosas ay hindi na sana ako mahihirapan pang magisip. Halos labinglimang minuto na akong balisa sa pagkakatitig sa litrato nila nanay at tatay. Na akala mo naman ay mabubuo ang basag nitong salamin kapag tinitigan.

            Gusto ko silang piliing dalawa pero hindi 'yon magagawa ng isang petal lang. Gusto ko silang mabuhay pereho subalit kailangan ko lang mamili ng isa. Isang dilemma na kanina ko pa pinagpapantay ang bigat ng magkabilang dulo.

            Sa buhol-buhol na pagiisip ay sa iisang konklusyon lang ako palaging napapadpad. At 'yon ay ang piliin ko si tatay. Hindi sa ayokong mabuhay si nanay pero inisip ko rin ang magiging kalagayan niya kapag siya ang ibinalik ko sa mundong ito. Baka kapag nalaman niyang wala na ang tatay, ay mawalan lalo siya ng pag-asang mabuhay pa.

Kung ikukumpara kay tatay, mas kaya ko pang panghawakan ang mararamdaman niyang sakit kapag wala na si nanay. Sobrang sakit pero alam kong kakayanin namin 'yong dalawa. Isa itong pagkakataong kailangan kong mamili ng isa sa mga taong pinakaimportante sa buhay ko. Kaya habang hawak ang makapangyarihang talulot ng buhay ay hiniling kong,

"Sana, mabuhay muli si tatay." Mas mabilis pa sa pagihip ng hangin ang nangyaring pagkawala ng talulot sa palad ko. Sa gitna nang pagtatanong kung susundin nga ba ng petal ang tangi kong hiling ay narinig kong humihinto ang pamilyar na truck sa labas ng bahay.

Si tatay.

Walang pagiisip at may halong pananabik ang ginawa kong pagtakbo papunta sa gawi ni tatay. Pababa pa lamang siya ng service truck ay agad ko na siyang niyakap nang may luha sa mga mata, hindi pinakialamanan kung may hawak pa siyang nakaplastik na sisig.

"'Tay."

Sa isang salita ko lang ay yumakap siyang pabalik at dinig ko ang unti-unti niyang paghikbi na naging pagtangis kinalaunan. Dunong ko na hindi para sa akin ang pagiyak niya. Ang mga luhang 'yon ay para kay nanay na hindi man lang niya naabutang humihinga pag-uwi at hindi ko man lang nabilihan ng gamot. Na inaasahan kong ako ang makakasalba sa buhay ni nanay ng araw na 'yon pero hindi ko pa nagawa.

"Sorry po 'tay. Wala po akong nagawa para kay nanay." Umikot ulit na parang roleta ang mga masasayang ala-ala habang kasama ko pa si nanay. Mga ala-alang kahit kakaunti lang ay ituturing kong kayamanan. Ang kaisa-isang kayamanan na hindi ko kailanman ibabaon.

Sa pagkumpas ng mga palad ni tatay sa 'king likuran at pagpahid ng mga luhang hindi niya kayang makitang nakapinta sa mga mata ko, mas lalo niyang pinapatatag ang paniniwala ko. Pinakalma pa niya ang nararamdaman ko nang sabihin nitong may mga bagay talagang nawawala sa mundo at kinukuha sa hindi natin inaasahang pagkakataon. At kailangan lang naming magpakatatag at tanggaping wala na si nanay kahit pa mahirap. Gano'n naman talaga ang buhay, eh. Kahit pa hilingin mong sana ikaw na lang ang nawala kung hindi mo pa oras, wala kang magagawa. At 'yon raw ang pinakamahirap sa pagmulat sa mundong 'to: na minsan wala ka talagang ibang magagawa. Dahil dumarating ang kani-kaniya nating tadhana, sa mga oras na hindi natin inaakala.

Dumiretso kami sa hospital—na alam kong ang pinakamurang hospital at pinakaunang choice ni tita para puntahan. Hindi naman ako nagkamali dahil malapit lang 'yon sa bahay at ilang minuto lang rin dahil mas malapit ito sa sentro.

Nang babayaran na namin ang hospital bill ni nanay ay bayad na raw ang account na nakapangalan sa akin, personally. May private company raw ang sumalo ng gastusin kaya sobrang laki ng pagtataka ko kung sino 'yon. Sinubukan kong magtanong pero wala akong makuhang matinong sagot dahil private nga raw. Ang sabi naman ng tatay, baka raw ang kumpanyang pinagta-trabahuhan niya minsan dahil napakabait naman ng amo niya. Kaya hindi ko na lang pinansin ang pagkakatanong ko sa sarili.

Rainbow Of LifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon