Alas onse na ng gabi nang, dalawang pulis na lamang ang nasa opisina ng pulisya, ang isa ay nakaupo at nakatingin sa cellphone. Ang isa naman ay masipag na nagcocomputer upang tapusin ang kanilang report. Hindi makatulog si Melchor. Nababalisa siya sa mga maaring mangyari dahil sa kanyang pagkahuli. Higit sa lahat, inaalala niya ang kalagayan ng kanyang ina.
"Ano pre? Kumusta na sila doon?" tanong ng pulis na nagcocomputer.
"Sabi ni hepe sunod na lang daw tayo. May papadala daw siyang isang bantay mamaya" sagot ng isang may hawak ng cell phone.
"What? Parang may mali. Di naman dapat natin iwanan itong opisina"
"Ano ka ba Roberto? Minsan lang to. Mamaya pagdating ng bantay alis na'ko"
"Bahala kayo, tatapusin ko muna to, tsaka uso ngayon sakit baka mapasabak tayo sa giyera no? Hahaha"
Maya-maya ay dumating na nakasumbrero si Harris. Walang nagbabantay sa labas ng pulisya. Isang janitor lamang ang kanyang nakita. Balak niyang kausapin si Melchor. Balak niyang magpausok ng pampatulog sa buong opisina. Kailangan lamang niyang patayin ang ilaw, kunin ang mga gamit sa kanyang bahay, at bigyan ng mask si Melchor. Pumasok siya sa loob ng opisina. Nagmasid siya sa paligid kung saan makikita ang switch ng ilaw. Nakita siya ng dalawang pulis.
"Oh eto na yata yung magbabantay" nananabik na bulong ng pulis sa kasamang nagtatrabaho. Narinig iyon ni Harris at medyo nagtaka siya.
"Oh anong kailangan mo pre?"
"Isa po ako sa mga nabiktima nung lalaking iyon, magsasampa po ako ng kaso" sagot ni Harris.
Pinaupo siya saglit ng dalawang pulis. Nakita ni Melchor si Harris ngunit nanatili siyang tahimik at nag-obserba. Napansin iyon ni Harris. Kinindatan niya si Melchor. Makalipas ang ilang sandali ay nakita na ni Harris ang switch ng ilaw.
"Ser pwede po makita saglit yung mga picture doon sa pader? Saglit lang po" paalam ni Harris. Tinignan siya ng dalawang pulis.
"No problem" sagot ng pulis na si Roberto . Tumayo si Harris at lumapit sa switch. Kumukuha na siya ng tiyempo. Binasa niya saglit ang mga nakasulat sa mga pader. Nang malapit na siya sa switch, biglang may kumatok at nagbukas ng pinto.
Dumating si Arbin. Namukhaan siya ni Harris at. Nagulat si Melchor nang makita ang lalaki. Nagpakilala si Arbin na tagabantay. Aliw na aliw ang isang pulis at sabik na niyaya ang kasamang nagtatrabaho ngunit tumanggi ang ang niyaya.
"Boss sige na, treat ito sainyo ni hepe. Sayang naman kung tatanggihan mo" pangungunsenesiya ni Arbin.
"Sige lang dito na lang ako. Mahal ko asawa ko, ayaw ko magpasaway" nakangiti ngunit seryosong sagot ni Roberto.
"Sige pre bahala ka. Kung magbago isip mo sunod ka nalang ha hehehe" ang sabi ng isang pulis sabay bukas ng pinto at takbo palabas. Tahimik na naghintay muna si Harris sa susunod na mangyayari. Nabagabag din siya dahil naroon si Arbin. Batid niya na pakay ng lalaki si Melchor.
Kinandado ni Arbin ang pintuan at umupo sa isang tabi. Nakita niya si Harris, nakita din niya si Melchor. Simple lamang ang plano ni Arbin. Bugbugin ang natitirang pulis at muling kunin si Melchor. Ngumiti siya at lumapit sa seldang kinalalagyan ng lalaking pakay.
"Melchor, nariyan ka pala? Hehehe gusto talaga kitang makita" bati ni Arbin. Yumuko si Melchor at animo'y natulala sa takot. Natakot siya hindi para sa sarili kundi para sa kapakanan ng ina na dulot ng kanyang pagkabigo sa trabaho.
"Pare bawal makipag-usap diyan. Matindi iyan. Dito ka nalang sa tabi. Gusto mo matulog ka muna. Night shift talaga ako kaya sanay ako sa puyatan" ang sabi ni Roberto. Medyo nairita si Arbin sa narinig. Naglakad siya papalapit sa nagtatrabahong pulis.
"Alam mo sa totoo lang naiinis talaga ako sa mga taong tulad mo. Sinabi na ng hepe mong mag-enjoy ka muna diba? Pero nandito ka pa rin"
"Ginagawa ko lang trabaho ko" sagot ni Roberto. Ngunit tumindig ang kanyang balahibo nang makita si Arbin na nakangiting lumalapit sa kanya. Wari niya ay may gagawing masama ang malaking lalaki.
"Sir sabi ko sa'yo maupo ka lang!" utos ng pulis. Tumayo siya at humandang bunutin ang kanyang batuta ngunit nagpatuloy na lumapit si Arbin.
"Wow batuta. Sa tingin mo kaya ako pabagsakin niyan? Hahahaha" panlalait ni Arbin.Batid ni Roberto na totoong hindi matatakot si Arbin sa batuta. Binuksan niya ang kanyang drawer at kinuha ang isang baril. Naglakad siya nang bahagya hawak ang baril at muling binalaan si Arbin.
"Sir huling warning ko na saiyo maupo lang po kayo !"
"Hahaha bakit babarilin mo ako? Grabe naman. Pero alam mo sana talaga sumama ka nalang sa mga kasama mong mga makamundong pulis" ang sabi ng malaking lalaki habang lumalakad palapit sa pulis. Napaatras ang pulis. Nakaramdam siya ng takot.
"Sinabi nang umupo ka sir kundi papuputukan kita!" sigaw ng pulis sabay tutok ng baril. Nagulat lahat sa sigaw. Nagising ang apat pang preso at nanood. Hindi tumigil sa paglalakad si Arbin nang malapit na siya kay Roberto, itinutok ng pulis ang baril sa paa ng malaking lalaki. Ipinutok niya ito ngunit nakailag si Arbin, hinawakan ang braso ng pulis at binalibag ito. Nabitawan ng pulis ang baril. Kahit na nasaktan, tumayo siya bigla at hinugot ang kanyang batuta.
Muling lumapit si Arbin. Pinaghahampas siya ng pulis ngunit sinalag lang niya lahat iyon. Tinadyakan niya ang tiyan ng pulis at tumalsik iyon paatras. Nakita ni Roberto ang kanyang baril. Ginapang niya ito ngunit hinila ni Arbin ang kanyang paa. Ibinitin siya patiwarik gamit lamang ang isang kamay. Ginamit ni Arbin ang isa pang kamay upang suntukin ang pulis. Dalawang suntok sa sikmura ang tinanggap ng biktima. Namilipit ito sa sakit.
Gamit ang isang kamay, muling iwinasiwas ni Arbin ang pulis at binato sa isang pader. Halos mawalan ng malay si Roberto. Duguan ang bibig nito at umuubo. Natakot ang mga presong nanonood, naawa sila sa pulis . Sinakal ni Arbin ang kawawang alagad ng batas, tinaas gamit lamang ang isang kamay.
"Pasensya na pero kailangan mong maospital nang matagal hehehe" nakangiting sinabi ni Arbin. Bumuwelo si Roberto. Hinawakan niya ang mga braso ni Arbin at sumipa. Sapul na sapul si Arbin sa batok ngunit animo'y hindi siya tinablan. Muli niyang sinuntok si Roberto. Namutla ito at tuluyang nawalan ng malay.
"Wow, tinamaan mo ako dun ha hehehe, pero tapos ka na" nakangiting sinabi ni Arbin. Muli niya sanang susuntukin ang lupaypay na pulis nang biglang nawalan ng ilaw. May sumipa sa kanyang tagiliran. Nabitiwan niya ang pulis. Nasaktan siya sa sipang iyon ngunit wala siyang makita. Maya- maya ay may sumuntok naman sa kanyang mukha, pagkatapos ay nakaramdam siya ng sipa sa kanyang sikmura. Nagulat si Arbin sa mga tinamong pinsala ngunit hindi siya natumba.
"Hayop ka! Nasaan ka?" galit na sigaw ng masamang lalaki. Takot na nagsisigawan din ang mga preso.
Pinakiramdaman niya ang paligid. Nakakita sya ng kumikinang na kulay berdeng materyal sa tabi niya. May humataw ng batuta sa kanyang likuran ngunit hindi pa rin siya natinag. Sinubukan niyang takbuhin ang pinanggalingan ng hataw ngunit hindi niya ito nahawakan.
"Grrrrr! Nasaan ka! Halika dito!" gigil na sigaw ni Arbin.
Kinapa niya ang paligid at upang humanap ng pader. Sumandal siya dito upang tukuyin ang panggagalingan ng atake. Naghintay siya ng halos isang minuto. May naramdaman si Melchor na nag-abot sa kanya ng isang bagay .
"Gamitin mo ito" sabi ng boses ngunit hindi niya maaninag ang taong nagbigay.
Habang nakasandal nakapa ni Arbin ang katawan ng naghihingalong pulis. Hinablot niya ang braso nito.
"Hayop ka! Kapag di ka nagpakita! Papatayin ko itong pulis" banta ng galit na si Arbin.
Maya maya ay nakarinig siya ng animo'y usok na biglang sumingaw. Bumukas ang ilaw at nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng gas mask.
"Melchor! Isuot mo yung gas mask!" sigaw ni Harris. Habang kumakalat sa paligid ang usok na may halong pampatulog.
Napagtanto rin ni Melchor na gas mask ang kanyang hawak. Isinuot niya ito. Nang makita ng ibang preso ang gas mask, sinubukan nila itong agawin. Nanlaban si Melchor.
BINABASA MO ANG
LAHI 101: Ang Baliw na Aswang sa Kapitbahay
VampirosMerong mga Aswang They exist but they don't live May mga masasama, mayroon ding mga mabubuti, may mga maaksyon, may mga madrama, may mga nakakatakot, may mga nalilito, may mga baliw, may mga nakakatawa, at may mga umiibig.