Alas onse ng gabi,
Naalimpungatan si Charice dahil may narinig siyang ingay sa kanyang kuwarto. Binuksan niya ang ilaw ngunit wala siyang nakita. Pinatay niya ang ilaw at muling natulog.
Nang siya ay humihilik na, lumitaw si Harris na nakadamit multo. Nilagyan niya ng kaunting asin ang mga sapatos at bulsa ng mga damit at pantalon nina Carl, Elise, at Charice. Biglang nagulat si Harris nang parang umiyak ang aso ni Charice. Naglaho siya mula sa kinatatayuan at lumitaw sa kuwarto ng tulog na matanda. Sumilip siya mula sa bintana ni Mang Beroy. Nakita niya ang isang itim at magarang sasakyan. Nakahinto ito sa tapat ng boarding house nina Elise. Nakita niya ang isang lalaking nakaitim na formal suit na lumabas mula sa kotse at tumayo sa tapat ng gate. Halos isang minutong nakatayo ang lalaki. Masama ang kutob ni Harris. Kinuha niya ang laruang kutsilyo at nag-abang sa susunod na gagawin ng lalaki. Batid nya na hindi bisita ang taong iyon.
Hindi tumatahol ang aso ni Charice. . Nilapit ng lalaki ang kamay sa gate ngunit umusok iyon at muli niyang inilayo. Pinunasan niya ang kamay na parang walang nangyari. Nakita iyon ni Harris.
"Mukhang protektado ang buong bahay" wika ng misteryosong lalaki na nakasuot pa ng shades.
Nakita niya ang tahimik na aso at bumaling ng tingin sa ikalawang palapag ng bahay sa bintana kung saan naroon ang kuwarto ni Elise. Halos isang minuto siyang nakatayo at nakatingin sa bintana. Tinignan ni Harris ang bintana ni Elise. Sa isip –isip niya ay nilagyan niya ng banal na asin ang paligid ng bintana kaya hindi siya dapat masyadong mangamba. Nang muli niyang binalingan ng tingin ang lalaki, laking gulat niya nang nakatingin na ito sa kanyang direksyon. Napaatras siya bahagya. Sa wari niya'y alam ng misteryosong lalaki na siya ay nagmamasid. Pinagpawisan si Harris na parang muling nakaramdam ng kaba at takot. Muli siyang sumilip sa bintana at nakita ang lalaking sumakay sa kotse.
Umalis ang kotse. Nakahinga na siya nang maluwang. Tinignan niya ang orasan. Ika-labing dalawa na ng hating gabi. Batid niya na sa mga oras na iyon ay wala nang magagawang kababalaghan ang mga masasamang nilalang bukod sa mga taong may masasamang loob. Gayunpaman nakaramdam siya na kailangan niyang mas maging maingat hindi lamang sa mga taong maaaring makakilala sa kanya, pati na rin sa mga nilalang na maaaring gumawa ng kababalaghan.
Ika 10 ng umaga sa klase ni Ginoong Villegas, binalaan niya ang mga mag-aaral na muling mag-ingat dahil sa mga modus ng mga kawatan. Isang dalaga sa kabilang unibersidad ang limang araw nang nawawala matapos umanong kunin ng isang van. Ayon sa balita, nagtanong daw ang van sa dalaga at lumapit naman daw ang walang kamuwang muwang na biktima, matapos niyon ay may nakasaksi na tinakpan ng panyo na may pampatulog ang ilong ng dalaga. Nang makatulog na, ay kinuha na daw siya ng van.
Nakaramdam ng takot si Claire at Elise, gayundin sina Jerms at Cielo na nakabasa rin ng balita tungkol sa binatang kinuha ng di kilalang van sa isang probinsiya at isang buwan nang nawawala.
"Nakakatakot naman yan ser", sigaw ni Jerms. Nagtinginan ang lahat kay Jerms. Di nila inaasahan na isang lalaki ang unang magrereact nang may takot.
"Kaya nga lagi ko kayo sinasabihan mag-aral din kayo ng self-defense at mag-ingat lalo na kayong mga babae" paliwanag ng propesor.
"At mag-ingat din kayo sa pakikipag-usap sa mga taong hindi niyo kilala. Kaya sana niintindihan niyo kung bakit ko laging hinahanap mga ID ng mga estudyante ko. Pati sa gate hinihigpitan na rin ang pagpapapasok ng mga bisita " dagdag pa ng guro. Naalala ni Elise si Pen. Mukhang malabo nang makapag-usap sila sa canteen ng unibersidad. Pagkalabas ng silid, napansin ni Elise si Mheann sa hagdan at nagbabasa ng aklat na kagaya ng aklat nila sa klase ni Ginoong Villegas. Muli siyang humanga kay Mheann. Ninais niyang lapitan at kausapin ang nagbabasang dalaga ngunit nagdalawang-isip siya gawa na rin ng pagbabanta ng guro. Tinawag siya ni Claire. Nakita niya ang mukha ni Claire na sumesenyas na huwag na niyang ituloy ang binabalak. Malungkot siyang lumapit at sumunod kay Claire.
Noong araw na iyon ay may baon sina Elise at Claire kaya nagdesisyon silang sabay mananghalian sa mapunong bahagi ng unibersidad. Nilabas nila ang kanilang mga baon. Adobong baboy lamang ang ulam ni Elise samantalang tatlo ang ulam ni Claire. May baon ding maraming tsitsirya at juice ang matabang dalaga. Binigyan naman niya si Elise.
Alam ni Claire na nagulat si Elise sa dami ng baon niya.
"Nakakagutom mag-aral no? tara kain na tayo" palusot ni Claire sabay bukas ng mga ulam na nilapit kay Elise. Sumubo agad si Claire ng kanin sabay kuha ng hotdog ngunit natigilan siya nang makitang nagdadasal ang kaibigan. Binaba niya ang hotdog na hawak at unti-unting nilunok ang kanin. Hinintay niyang matapos magdasal si Elise. Saktong nalunok na niya ang kanin sabay sabing "Amen."
Nasa kalagitnaan ng pagkain ang dalawa nang matanaw ni Elise si Mheann na kumakain din mag-isa sa kabilang lamesa. (Sa liblib na dakong iyon ng unibersidad, may mga lamesa sa tabi ng mga puno kung saan tumatambay o kumakain ang mga mag-aaral). Hindi pinaalam ni Elise kay Claire na naroon din si Mheann. Tuwing abalang sumusubo si Claire, sumusulyap siya roon.
Nakita niya na may anim na babae ang lumapit sa lamesa ni Mheann na animo'y hinihintay siyang matapos. May isang mayabang at umupo sa harap ni Mheann ang iba naman ay umubo. Naintindihan ni Mheann ang ibig sabihin ng grupo kaya bigla siyang tumayo, nagligpit, yumuko, at lumipat sa kabilang puno. Nagtawanan ang ilang miyembro ng grupo. Pinagpatuloy ng pinaalis na babae ang pagkain sa kabilang puno.
"Uy grabeh naman tayo friend pinaalis natin ung girlalush" sabi nang isa. Nakikinig si Elise sa usapan.
"Oo nga noh tara puntahan kaya natin and let's make friends"
"Ano ka ba? Don't you know? Wanted kaya siya sa mga guard"
"Really? Bakit naman? She looks so innocent"
"Hay naku according to some students she is so mysterious and dangerous, she could've caused the incidents in our university lately. After eating I will tell the guard she's here" ang sabi ng isang dalaga. Narinig iyon ni Elise ngunit hindi niya pinahalata. Nag desisyon siyang tapusin na ang pagkain. Nang muling bumaling sa lamesa, laking gulat niya na halos ubos na lahat ng pagkain nila.
"Ang takaw naman nito" sa isip-isip ni Elise. Tinakpan niya ang baunan at nagligpit.
"Bilisan mo Claire may pupuntahan pa ako" yaya ni Elise.
"Oo eto na! pwede maghintay?" sagot ni Claire habang nagmamadaling nagliligpit. Matapos niyon ay tumakbo si Elise papunta sa isang gusali
"Uy hintayin mo ko!" pagmamakaawa ni Claire. Nakita ni Harris na umalis na sina Elise. Mabagal kumain si Harris. Kahit isa siyang lalaki at kahit anong gutom niya, siya ang laging pinakamabagal kumain kahit noong bata pa siya. Napansin niya ang masayang barkadang nagtatawanan. Sinubukan niyang alalahanin ang mga dating kaibigan ngunit puro negatibong bagay lamang ang kanyang naalala tulad ng mga suntukan at pang-aapi sa kanya. Bunga iyon ng pagbabagong nagawa ni Stacy sa kanya. Wala siyang magandang ala-ala sa mga taong nakahalubilo dati gayundin sa kanyang pamilya. Puro masasama at negatibong ala-ala lamang ang kaya niyang maisip kaya minabuti niyang kalimutan muna ang pamilya, kaibigan, at mga kaklase.
Ang tangi lamang may magandang ala-ala sa kanya ay si Elise. Naalala niya ito na dati siyang nilalapitan tuwing siya ay nag-iisa. Kahit kinukulit lamang siya noon, masaya siya dahil nagkaroon siya ng kasama sa mga oras ng kanyang kalungkutan.
Kumain si Harris sa puwestong iyon upang makita talaga ni Elise. Alam niya na lalapitan siya ng dalaga at makikipagkaibigan sa kanya. Iyon ang pagkakakilala niya dito .Hindi kagaya ng ibang mag-aaral na puro mayayaman at cool ang kinakasama, madalas mga taong nag-iisa, tahimik, at binubully ang kinakaibigan ni Elise noon pa mang high school sila.
Nalungkot si Harris. Habang natatanaw ang ibang masasayang magkakaibigan, naroon siya kumakain mag-isa, kinatatakutan, at iniiwasan pati na ng espesyal na taong halos dalawang taon na niyang pinoprotektahan. Biglang tumulo ang kanyang luha, malalaki ang patak ng mga iyon. Walang reaksyon ang kanyang mukha. Ninais niyang suminghot ngunit ayaw niyang marinig ng mga babae.
Tinuloy niya ang pagsubo. Kalahati pa lang ang nauubos niya sa kanyang baon. Ayaw na sana niyang kumain ngunit nanghihinayang siya sa pagkain kaya pinilit niyang sumubo pa. Tuluy-tuloy ang pag-tulo ng kanyang luha at nanginginig na kanyang mga bagang. Pumihit siya nang bahagya upang walang nakakakita sa kanyang lumuluhang mukha. Yumuko siya at nagpatuloy kumain. Nais na niyang biglang maglaho at humagulgol sa CR ng unibersidad o kahit doon sa kanyang kuwarto ngunit pinipigilan niya dahil alam niyang may mga nakatingin sa kanya.
BINABASA MO ANG
LAHI 101: Ang Baliw na Aswang sa Kapitbahay
VampiriMerong mga Aswang They exist but they don't live May mga masasama, mayroon ding mga mabubuti, may mga maaksyon, may mga madrama, may mga nakakatakot, may mga nalilito, may mga baliw, may mga nakakatawa, at may mga umiibig.