11-1 Langit o Impiyerno

807 39 4
                                    


Namulat ang mga mata ni Harris, umuungol siya at unti –unting nagkamalay. Malabo pa ang kanyang paningin at pandinig.

 "Sir... sir"

Isang imahe ang kanyang naaninag. Unti-unting luminaw ang kanyang paningin at naaninag niya ang isang napakagandang mukha. Unti-unti niya rin itong namumukhaan. Kinakausap siya nito.

"Sir okay lang po kayo?"

"Wow! Ang ganda mo, nasa langit na ba'ko?" mahinang sambit ni Harris. Ngumiti ang imahe. Ilang segundo siyang napatingin sa mukha, matapos niyon ay tumingin siya sa kanyang bandang kanan. Nakita naman niya ang mukha ng isang kayumanggi at puro tigyawat na lalaking nakatingin sa kanya. Biglang nag-alala si Harris. Lalo siyang kinilabutan nang ngumiti ang lalaki at puro gilagid ang lumabas. Nanlaki ang mata ni Harris.

"Demonyo! Aahhhh!! Nasa impiyerno na ba ako? Waahhh!" sigaw ni Harris habang nakatingin sa mukha ni Melchor. Naigalaw niya ang buong katawan at napakapit sa braso ng nars na si Trish.

"Salamat ha! Ang pogi mo!"inis na sinigaw ni Melchor.

"Sir huminahon ka lang di ka pa lubusang magaling" payo ni Trish.

"Ha? nasaan ako? Patay na ba'ko bakit may anghel at demonyo dito?"

"Gunggong nasa ospital ka!" naiiritang sigaw ni Melchor sa di mapakaling si Harris.

"Sir relax, buhay ka pa. Thank you sinabi mong maganda ako hahaha" ang sabi ni Trish habang tumatawa.

Sa kabilang ibayo naman naluluhang ngumiti si Stacy at sinabing wala pang sampung segundo ay pumasok agad siya sa kweba upang gisingin si Harris. Nagulat lahat ng nakikinig.

"Well hindi naman talaga akin ang buhay na ito, regalo lamang ito ng Diyos. Mas mahalaga ang buhay ni Harris na isang tao kaya pinasok ko kaagad ang kweba" nakangiting sinabi ni Stacy habang pinupunasan ng panyo ang mga luha.

"Ganun ba? Eh paano ka nakalabas sa kweba?" gulat na tanong ng mayor.

"Well naiiyak-iyak akong pumasok sa kweba at naramdaman ko agad ang takot at masamang awra. Pinuntahan ko kaagad ang natutulog na si Harris.  Una tinatawag-tawag ko pa lang ang kanyang pangalan ngunit di pa siya nagigising, pero noong makita kong gumagapang na papalapit ang mga aswang. Pinagsasampal-sampal ko na siya. Bigla siyang nagsalita ng Aray" Napangiti ang nagkukwento.

Tapos bigla siyang bumangon. Hinawakan ko ang kanyang mukha at siniguradong ayos lang siya pero parang di niya ako napapansin parang blangko ang kanyang diwa at naglakad siya palayo. Tapos bigla akong naluha at  naalala ang kapalit ng ginawa ko. Nakita kong naglaho sa liwanag si Harris. Tapos nilapitan ako ng mga aswang. Sinubukan kong lumabas sa kweba pero hindi ko magawa. Iniwasan ko ang mga gumagapang na mga aswang pero hinabol nila ako kaya tumakbo ako nang tumakbo"

Marami nang mga naluluha at umiiyak sa kwento. Biglang sumabat sa usapan si Sharlene at nagtanong.

"May nakilala ka ba sa mga aswang doon?"

Muling uminom ng tubig si Stacy at umiling-iling.

"Hindi ko lubos maintindihan ang kanilang mga itsura. Karamihan sa kanila ay naagnas na, ang iba ay putul-putol na ang mga katawan. Hindi na rin sila makausap. Kahit mabagal, kita pa rin sa kanila ang pananabik sa dugo at laman. Sinubukan nila akong kagatin pero tumakbo ako nang tumakbo. Nakakita ako ng butas, papasukin ko sana ngunit nakita ko ang mga lumulutang na katawan. Para iyong kawalan, sobrang nakakaawa at nakakatakot ang sitwasyon doon. Tapos nakakita rin ako ng mga nalulunod na mga aswang. Pakiramdam ko isang araw na akong tumatakbo. Humingi ako ng tulong. Nagsisigaw ako! Pero wala na akong tatakbuhan daan-daang aswang ang pumaligid sa akin. Naisip kong humingi ng tulong sa Panginoon. Lumuhod ako, umiyak, at nanalangin. Tapos dumating ang puting ibon at dinagit ako. Ibinaba niya ako kung saan nakatayo si Lumina. Hinawakan niya ang aking mga kamay. Hinawi niya ang mga aswang at hinila ako patungo sa labas ng kweba"

"Ibig sabihin hinayaan kang lumabas?" nagtatakang tanong ng Mayor na naiiyak na rin.

"Sabi ni Lumina mabuti daw ako. Ginawa ko daw ang gagawin ng isang tao para sa kanyang kaibigan. Tinanong ko kung ano ang nangyari kay Harris. Sabi niya hindi daw tumapak ang binata sa bunganga ng yungib. Naglaho daw siya kaya hindi ko raw kailangang makulong" paliwanag ni Stacy.

Samantala, nagtataka pa rin si Melchor sa agarang paggaling ni Harris.

"Melchor salamat ha. Dinala mo ako dito sa ospital. Utang ko sa'yo buhay ko"

"Pre patas na tayo kasi pinalaya mo ako. Kung hindi dahil sa katapangan mo malamang pinatay na rin ako ng pambihirang Arbin na iyon. Pero naguguluhan pa din ako sa mga nangyayari, gaya ngayon, pagkakaalam ko nabaril ka nang dalawang beses. Duguan at mamamatay na kagabi pero ngayon para ka lang nilagnat ah!" pagtataka ni Melchor

"Ah umakting lang akong mahina para di mo ko gulpihin kasi diba galit ka sa'kin kasi pinahuli kita?" palusot ng pasyente. Biglang sumabat si Trish.

"Excuse me sir! Pwede ko bang macheck ang pasyente, just give me 10 minutes" ang sabi ng nars kay Melchor.

"I'm all yours my beautiful nurse!" pananabik ni Harris.

"Sure!" sagot ni Melchor sabay baling sa pasyente.

"Oo nga pala may atraso ka pa sa akin Patrick hehehe. Pagaling ka ha para mabugbog na kita. Anyway marami pa akong itatanong sa'yo? Alis muna ako baka balik ako bukas dito pre. Huwag mo ko papahuli ha!" paalam ni Melchor. Nagtawanan ang dalawang lalaki at nagkamay na para bang magkaibigan.

Isinara ni Trish ang pintuan. Sinigurado niyang walang tao sa paligid.

"Hi Magandang nars! Thank you nga pala sa pagligtas sa'kin! Dahil diyan idadate kita pag magaling na'ko ha" pambobola ni Harris.

"Sir Patrick, marami tayong dapat pag-usapan  sa loob ng 10 minutes" seryosong sinabi ng magandang nars sabay taas ng kilay. Tumango lamang si Harris.

"I guess we have to get to know more about each other since both of us are not ordinary" dagdag ng dalaga sabay sara sa kurtina. Kinabahan si Harris.

Sa kabilang dako, binigyan muna si Stacy ng espesyal na kwarto sa City Hall upang makapagpahinga. Muli siyang kakausapin kinabukasan. Bagama't puro aswang ang mga empleyado doon. Kampante siyang walang mananakit sa kanya. Hinaharang naman ng mga guwardiya ang mga taong bayan na nais makita ang mang-aawit.  Habang nagpapahinga, nalulungkot si Stacy sa pinagtapat ng mga kababayan. Nagkulong sa kweba ang kanilang pinakamatandang pinuno na si Illumi upang palakasin ang harang doon dahil sa nabalitaang mga nakawalang aswang sa yungib.

Ang kweba lamang ang tanging lugar kung saan pwedeng ikulong ang immortal na si Joaquin. Sinakripisyo ni Illumi ang sariling buhay upang mapatatag ang harang nito. Ayon sa kanilang kasaysayan, ganoon din ang ginawa ng kanilang ninunong anghel upang ikulong ang mga unang masasamang aswang.

Biglang napaisip si Stacy sa nangyari sa kanya. Naisip niya na ang lalaki na si Lumina ang kanilang ninunong anghel at si Illumi naman ang ibong tumulong sa kanya. Napangiti siya bahagya.

 Si Illumi ang babaeng kakambal ng haring si Joaquin. Galing sa lahi ni Joaquin si Stacy ngunit tumakas siya kasama ang dalawa pang batang aswang sa hari noong 1631 dahil ninais silang kagatin nito. Ipinagtanggol siya ni Illumi mula sa masamang hari at mula noon, nanay na ang turing niya dito. Naging magkaaway noon ang grupo nina Illumi at ang grupo nina Joaquin. Mas mahigpit ang batas na pinalakad ni illumi upang disiplinahin at gawing mabuti ang mga aswang. Hindi iyon kinalugdan ni Joaquin na mas naniniwala na aswang ang dapat na naghahari sa buong mundo at hindi ang mga tao.

Noong 1631 nagdesisyong umalis ng isla si Joaquin upang magkalat ng lahi at hanapin ang mahiwagang babae na nasa propesiya. Naging problema niya ang dagat. Wala sa mga aswang ang kayang lumangoy o sumakay sa barko dahil sa tubig dagat na nagpapahina sa kanila. Iyon ang naging dahilan upang tipunin ni Joaquin ang kanyang mga alagad. Kinagat niya at kinuha ang lakas ng mga iyon kabilang na ang mga ninuno ni Stacy. Kinailangan ng hari ng sapat na lakas upang magpatubo ng pakpak na kakayaning lumipad nang napakataas mula sa dagat. Ang hari lamang ang may kakayahang kumuha ng lakas ng kapwa aswang upang madagdagan pa ang taglay nitong kapangyarihan. May kakayahan din siyang malaman at masundan ang mga makamundong aswang na nagmula sa kanya. (Bukod dito ang mga hybrid tulad nina Harris, Trish,at Arbin) Halos maubos ang mga ninuno ni Stacy bukod sa mga bihag, depektibo, at mahihinang aswang. Kaya gayon na lang din ang takot niya kay Joaquin. Nagawa lamang niyang pumunta sa syudad nang maging ganap na tao na siya.

LAHI 101: Ang Baliw na Aswang sa KapitbahayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon