-
"Kris! may parcel ka ulit! Yawa najud ni, ikatlo na yan diba? Ano ba mga laman?" Ipinikit ko ang aking mga mata dahil sa malakas na boses ni Rhea, kanina pa kasi may pabalik-balik na kumakatok at hinahanap ako. Wala naman akong inorder na kahit ano, wala nga akong pera kahit piso.
"Hindi ko pa nabubuksan dahil inaalala ko ang sinabi ni nanay kagabi. Saan ako maghahanap ng malaking pera ngayon, Rhea? Kailangan operahan ang kapatid ko sa susunod na araw." Malungkot kong salita habang pinipigilan ang mga luha.
Nagulat nalang ako nong tumawag ako kahapon kay nanay, tinanong ko kung may nangyari dahil umiiyak ito habang kinakausap ako. Sabi niya isinugod ang kapatid ko sa hospital, may appendicitis ito at kailangan itong operahan sa linggong ito.
Natatakot ako para sa kapatid dahil delikado talaga ang appendicitis. Ayaw pumayag ng ospital na operahan ang kapatid ko hanggat wala kaming down payment sa operasyon. Sobrang delikado kapag hindi naagapan dahil baka ikamatay pa ng bunso kong kapatid.
"Saan ako maghahanap ng pera? Kukulangin pa rin ang allowance na matatanggap ko, kahit siguro ibenta ko ang katawan kulang pa rin." Sunod kong salita kasabay ang pagpahid ng mga luha.
Lumapit ito sa akin at niyakap ako ng mahigpit saka hinaplos ang aking likuran. "Tahan na Kris, tutulungan kita makahanap. May ipon naman ako, hindi gano'n kalaki pero sapat na pandagdag para sa operasyon." Mabilis akong umiling at pilit ngumiti. Nagpapasalamat ako pero kailangan rin ni Rhea ang perang pinaghirapan niya.
"Kailangan mo rin yan para sa pamilya mo. Kahit siguro illegal activities gagawin ko para lang makakuha agad ng sapat na pera para sa kapatid ko." Saad ko at napasigaw sa sakit matapos hampasin ni Rhea ang ulo ko gamit ang tabo.
"Rhea naman, hindi pa nga ako tuluyan gumagaling sinasaktan mo pa." Maktol kong salita.
"Aba Kris, subukan mo gumawa ng masama at ako mismo ang magpapadampot sayo sa mga pulis!" Nagbibiro lang naman ako para gumaan kahit panandalian ang pakiramdam. Hindi pa man nagtatagal may kumatok na naman sa labas ng pintuan kaya ako na mismo ang nagbukas.
"Ano po 'yun?" Tanong ko pagbukas ng pintuan.
"Kris Cadell po miss?" Tanong nito.
"Ako po, bakit?"
"Paki perma nalang po para ma receive mo na ang item." Sabi nito kaya nagtaka ako.
"Kuya, wala naman po akong inorder sa shopee," naguguluhan na sagot ko.
"Hindi po ito shopee, bayad na po at perma nalang ang kailangan mo." Bayad na? Naguguluhan man ay sumunod na lang din ako kasi sabi bayad na, sayang din naman kung hindi ko tatanggapin.
Umalis din ito kaagad at hindi ko pa nga naisasarado ang pinto may dumating na namang panibago. Ano bang meron dinadagsa ako ng mga packages ngayon? Lahat ng item na umabot sa akin ay bayad na raw.
"Tumae lang ako dalawang box na agad ang dumating sayo?" napatingin ako kay Rhea, ang bilis naman nya tumae.
"Oo, may biglang dumating na naman kasi." Nagtungo ako sa maliit na lamesa kung saan ko nilagay ang dalawang nauna kanina.
"Hoy baka bomba yan ha." Natigil ako at kabadong tiningnan siya at bigla itong tumawa.
"Nagbibiro lang ako Kris, ang bilis mo talaga matakot. Sige na, buksan mo para matingnan ang nilalaman ng mga kahon na yan." Tumango ako at una binuksan ang unang dumating kanina.