-“Kris! Kris! Kris!”
Nagising kaming dalawa ni Rhea dahil sa malakas na katok na ginagawa ni Bea sa labas ng kwarto. Kahit antok pa ako ay talagang bumangon para pag buksan lang siya dahil wala rin naman ito balak pagbuksan ni Rhea.
“Bea, no kailangan mo? Ang aga pa o tapos nakaka-disturbo ka sa ibang boardmates.” Sabi ko sa kanya at pinatuloy ito. Bigla siyang tumakbo palapit kay Rhea at dinaganan ito kaya nagising ang isa.
“Yawa, buntag pa sayo nanulong nasad ka!” (Sobrang aga pa sumugod ka ulit) Pikon na itinulak ni Rhea si Bea kaya nahulog ito mula sa kama.
“Oy, wala kayo mga trabaho ngayon diba? Mamasyal tayo para makakain tayo.” Kumunot ang aking noo habang si Rhea naman ay magkasalubong ang mga kilay at sabay namin tinitigan ito. Tapos biglang sumenyas sa akin si Rhea na may tililing na raw ang kaibigan namin sa ulo.
“Ano? Mamasyal para makakain tayo? Wala nga kaming pera tapos balak mo pa kami burautan, siraulo ka.” Sabi ni Rhea at bumalik sa pag talukbong at tumalikod kay Bea.
“Dali na! Ako ang bahala sa inyo!” Sabi niya at halos sabay kaming dalawa ni Rhea bumangon dahil mukhang manlilibre siya ngayon.
“Totoo?” Tanong ulit namin ng sabay.
“Oo, dali na at baka hindi natin maabutan. Maligo na kayo, dapat nando’n na tayo before 10am.” Saad niya, pag tingin ko sa aking relo ay nakita kong mag aalas nuwebe na pala.
“O sige, ako una maliligo at ang tagal ni Kris matapos!” Sabay talon pababa ni Rhea ng kama at lumabas ng kwarto. Lumabas siya ng walang dala na kahit sabon at shampoo, tapos tuwalya kaya agad ko itong sinundan upang ihabol sa kanya ang gamit niya.
Pasado 9:30 ay bumiyahe kami, hindi alam kung saan kami dadalhin ni Bea pero sunod lang kami ng sunod ni Rhea sa kanya. Akala ko malapit lang pupuntahan namin pero bumiyahe kami ng halos isa’t kalahating oras bago narating ang kabilang syudad. Nag-aalala na nga kami kasi sabi ni Bea dapat before 10 nan’don na kami kaso ngayon ay malapit na mag alas onse.
“Yawa najud ni, mamalimos na lang siguro tayo kung wala tayong pamasahe pauwi.” Kamot-kamot ang kanyang ulo at natawa nalang din si Rhea sa kanyang sinabi.
“Dapat kasi inagahan mo kanina Bea, paano ‘yan ngayon? Sabi mo before 10? Pero mag quarter to eleven na.” Sabi ko naman, nag-aalala na rin ako sa totoo lang kasi wala kaming pamasahe pauwi.
Nandito pala kami sa labas ng malaking building, hindi ko alam kung ano ito pero mukhang bagong tayo lang at opening yata? Bigla akong hinatak ni Bea kaya nagulat ako. “Mabuti na lang hindi pa dumating. Kris, dito ka at huwag ka aalis sa pwesto mo ha? Rhea, sama ka sa akin at doon tayo sa tapat maghintay.” Awang ang labi ko nang bigla nila akong iniwan na parang bata, ano gagawin ko? Tatayo lang dito?
Sinundan ko ng tingin ang dalawa, tumatakbo patawid ng kalsada at doon sila ngayon tumatambay sa isang convenience store na katapat lang nitong building. Hindi ako umalis sa aking pwesto since ‘yun ang sabi sa akin ni Bea, nakakahiya lang kasi nadadaanan ako ng mga bisita at pinagtitinginan. Parang may malaking event na mangyayari sa loob dahil sa mga magaganda nilang kasuotan tapos ang suot ko lang ngayon ay t-shirt at jogging pants lang.
May security na biglang lumapit sa akin. “Ma’am, pasensya na po pero pwede ba huwag kayo dito tumambay? Bawal po kasi tambayan dito at baka mapatalsik kami kapag dumating na ang boss namin.” Magalang na paliwanag nito. Tumingin ako sa direksyon ni Bea at sumenyas na pinapaalis ako, pero umiling siya kaya ang ibig sabihin ay manatili lang kahit na pinapaalis na ako?