-Malamig, umuulan at talagang mukhang wala itong plano huminto. Nandito ako sa labas, sa gilid ng bahay kung saan may upuan, umiinom ng mainit na milo habang pinapanood ang mga batang naglalaro sa kalsada. Sa buong buhay ko ay isang beses lang talaga ako naka experience ng ganyan at hindi na nasundan, mukhang masaya pa naman.
Kung wala lang sana ulan baka naghanap na ko ulit ng mga sideline na trabaho, nagkakasakit yata ako kapag walang ginagawa at hindi sanay ang katawan ko. Mag alas otso palang ng umaga pero madilim ang kalangitan, parang alas-sais na ng gabi kung hindi mo alam ang oras.
“Woi, Kris,” sulpot ng kaibigan kong may superpowers.
“Bea, saan ka pupunta at bihis na bihis ka?” Tanong ko, para kasi siyang pupunta sa isang party dahil sa suot niya ngayon.
“Gusto mo sumama?” Bigla niyang tanong kaya naguluhan ako, diba sabi niya kahapon mag stay lang sa boarding house?
“Sabi mo wag kami aalis diba? Isa pa, sobrang lakas ng ulan oh.” Sabi ko sa kanya at itinuro ang bumabaha na naming kalsada.
“Oo nga, pero tumawag sa akin ang manager at sinabing hindi makakapasok ang dalawang trabahante, baka gusto mo mag sideline kahit isang araw lang? Sinabihan ko na rin si Rhea at nagbibihis na nga.” Paliwanag niya. Napakamot ako ng aking ulo kasi kung kailan talaga aalis na ay saka lang siya magsasabi.
“Ano ba gagawin?” Tanong ko.
“Kulang kami ng dalawang waitress, ako nag presenta kanina na maghahanap ng papalit nong maalala ko wala kayong trabaho. 1,500 din ito Kris, sayang at malaki na yan oh— tapos mukhang mabilis lang naman matatapos ang party.” Hindi rin siya sigurado kung mabilis matatapos. Napaisip ako, malaki na nga talaga ang 1,500 sa isang araw at grasya na tong ginawa ni Bea kasi gusto ko rin talaga mag trabaho.
“Sige, wait lang.” Sabi ko sa kanya at minadaling tapusin ang iniinom kong milo saka umakyat muli upang maligo, ang lamig-lamig tapos maliligo pero ayaw ko talaga ng walang ligo at pakiramdam ko nangangamoy ako kahit ang totoo wala naman, feeling ko lang kasi.
Pagpasok ko ng kwarto ay totoo nga, tapos na si Rhea maligo at ngayon nagbibihis na. “Nasabihan ka na ba ni Bea?” Tanong niya pagkakita sa akin.
“Oo, ligo lang ako.” Sagot ko.
Hindi naman kami nagmamadali pero ayaw kong may pinaghihintay na tao kaya mabilisang ligo lang ang ginawa ko, nagbihis at bumaba kung saan naghihintay ang dalawa. Paalis na sana kami kaso mas lumakas ang ulan at ngayon stranded kami rito sa may tindahan na katabi lang ng b-house.
“Ano gagawin natin ngayon? Hindi kakayanin ng payong ang lakas ng hangin.” Tanong ko sa kanilang dalawa.
“Tumawag na ako ng taxi, wait nalang natin.” Sagot agad ni Rhea.
Makalipas ang mahabang minuto ay dumating ang isang taxi, una akong pumasok at agad naman sinundan ng dalawa. Nagtungo kami sa isang sikat na 5-star hotel kung saan gaganapin ang party na tinutukoy ni Bea, sa likod kami nagpahatid kung saan ang daanan ng mga empleyado at dumiretso kaagad sa event hall.
“Ang laki, sobrang ganda at engrande masyado ng party na ito.” Sabi ko matapos inilibot ang paningin.
“Mga artista kasi ang dadalo.” Sagot ni Bea at ngumiti, parang may meaning sa likod ng ngiti niya pero hindi ko na pinansin at tumango nalang.