Dear Francheska,
Para akong nasa langit noong nakita na ulit kita. Nakita mo ba ako? Naroon lang ako sa airport, nakaabang sa pagdating mo. Hindi ko akalain na nakaharap na ulit kita. Oo. Malapit lang ako sa 'yo. Napansin mo kaya ako? Hindi siguro. Busy ka kasi sa kausap mo. Pero sa totoo lang, okay na rin na hindi mo ako nakita. Kasi kung nakita mo ako, baka umiwas ka. Hindi ko sana nakita kung gaano ka lalo gumanda. Hindi ko sana nakita kung gaano na kaganda ang ngiti mo. Hindi ko sana nakita ang laki ng ipinagbago mo. Francheska, mas lalo yata kitang minahal.
Ako rin, malaki ang ipinagbago. Sabi nila, tahimik na raw ako. Paano ba naman kasi, iniisip ko kung anong susunod na isusulat ko sa 'yo. Iniisip ko kung ano bang dapat na sabihan ko lalo na ngayon na umuwi ka na. Na makikita na ulit kita. Na pasimpleng makakasama kahit may distansya. Sobrang saya ko na nakita na ulit kita. Para akong mauubusan ng hininga. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko na para bang ilang taon kitang hindi nakita. Every minute feels like a year when you're not around. At sa bawat pagtulog ko, ikaw pa rin ang iniisip ko. Korni na ba?
Mas mapapadalas na ang sulat ko lalo na't hindi na kailangan ng courier. Mabilis ng darating sa 'yo ang mga sulat ko. Alam kong darating talaga lahat ng sulat ko sa bahay niyo. Sigurado akong mababasa mo. Kahit alam kong hindi ka sasagot, malaman ko lang na naglaan ka ng oras para basahin ang mga sulat ko, masaya na talaga ako. Paulit-ulit na ba ako? Pasensya na. Sobrang saya ko lang talaga.
Napansin ko rin na parang mas namayat ka ata. Nagdidiet ka ba? Sana ganoon nga lang. Sana wala kang sakit kaya ganiyan ang katawan mo. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag may nangyari sa 'yo. Hindi ko alam kung paano na mabuhay kung mawawala ka ulit. Siguro kung ako ang mawawala, ayos lang. Kasi at least, makikita kita, makakasama, mayayakap, mahahalikan, kahit hindi mo mararamdaman. Mas mabuti pa nga siguro 'yun. Para mas maging malaya akong mahalin ka. Hindi ka magagalit. Hindi mo ako itataboy. Hindi mo ako susumbatan. Umiyak ka kaya kapag nawala ako? I wonder.
Sige na. Baka pagod ka pa sa byahe niyo. Magpahinga ka muna ha? Pakisabi na rin sa katulong niyo na salamat dahil kahit galit din siya sa akin, eh ibinigay pa rin niya sa 'yo ang sulat ko. Nakita nga pala kita kanina sa bintana ng kwarto mo. Nakita mo ba ako? Hindi siguro. Kasi kung oo, hindi ka sana nakangiti. Pero malaki ang ngiti mo kanina noong nakita kita. Masaya ako na masaya ka. Kaya ayaw ko ring magpakita. Ayaw kong maging dahilan para malungkot ka.
Francheska, sana patawarin mo pa rin ako sa lahat ng mga nagawa ko. Mahal na mahal kita. Totoo.
Love,
The Jerk who broke your heart
ZAYN
BINABASA MO ANG
Love, The Jerk who broke your heart
AcakDear Francheska, Please give me one more chance. Love, The Jerk who broke your heart ZAYN