Babae
Isinulat ni: Mark Cyril TombadoMalamig,
Tahimik,
Nakakabinging katahimikan,
Binabalot siya ng matinding takot sa dibdib,
Pinagpapawisan,
Animo'y may nakabara sa lalamunan,
Nahihirapan siyang huminga,
Gusto niyang magsalita ngunit walang tinig na lumalabas sa lalamunan niya,
Walang lakas na lumaban,
Nakahiga lang sa malamig na semento habang pinapakiramdaman ang animo'y bakal na nakakabit sa magkabilang kamay niya,
Ang pumipigil sa kaniyang maging malaya,
Ang humahadlang para maabot niya ang kaniyang mga pangarap,
At kahit anong lakas ng hikbi ay walang tulong na dumarating,
Mag-isa, walang ibang kasama.
Pero iyon ay noon,
Iba na ang sistema ngayon,
Unti-unti na siyang bumabangon mula sa pagkakahiga,
Ang dating mahinang pagtibok ng puso ay lumalakas na,
Ang dating madilim na paligid ay unti-unti ng nagkakaroon ng liwanag,
At tila ba isang milagro dahil may mumunting boses na lumalabas sa lalamunan niya,
Pinilit niyang buong lakas na tumayo at hindi siya nabigo,
Dahan-dahan siyang umatras at buong lakas na hinatak ang sarili para makaalis mula sa pagkakarehas,
Isang malakas na hiyaw,
At sa wakas, malaya na siya,
Pinagpapawisan at hinihingal man pero sa wakas ay tapos na,
Malaya na siya,
Dali-dali siyang tumakbo papunta sa entabladong pinagmumulan ng liwanag at sa bawat hakbang niya ay kasabay nito ang unti-unting pagliwanag ng buong paligid,
Hanggang sa tuluyan na niyang narating ang entablado,
Nanginginig at kinakabahan man ngunit buong lakas niyang hinawakan ang mikropono,
Pinasadan ang nanonood na maraming tao bago huminga nang malalim at magsalita.
"Babae ako."
Dalawang salita subalit punong-puno ng determinasyon, pagpupunyagi at pagpapahalaga.
Walang ano-ano ay nagpalakpakan ang lahat ng tao,
Marungis man at magulo ang itsura ay hindi na niya ito pinansin pa,
Masaya siya na nasabi ang dalawang salitang iyon.
Wala na siyang ibang mahihiling pa,
Kung hindi ang masabi sa harap ng maraming tao na babae siya,
Babae na kayang tumayo sa sariling paa,
Babae na may sariling kalayaan na gawin ang gusto niya,
Babaeng may paninindigan,
Babaeng hindi pumapayag na maapak-apakan,
Babaeng kaya rin gawin ang mga ginagawa ng mga lalaki,
Babae at hindi basta babae lang,
Kaya sa mga babae riyan,
Laban lang at pahalagahan ang sarili,
Marami ka nang pinagdaanan,
Malayo ka pa pero malayo na rin ang narating mo,
Babae ka,
Isang mahalagang diyamante,
Karapat-dapat pahalagahan at ingatan.
BINABASA MO ANG
Spoken words poetry-tagalog
PoesíaGinawa ko ang librong ito para mailabas ang sakit na nararamdaman dulot ng kanyang paglisan. Akala ko masaya pa siya ngunit gusto na pala niyang humanap ng iba. Pinaglalaban ko pa pero sumusuko na, minamahal ko pa pero nasa piling na ng iba.