Manong Tsuper, Para!
Isinulat ni: Mark Cyril TombadoNakakabinging ingay sa lansangan,
Sa mga terminal ay nagsisiksikan,
Pagsakay mo sa dyip ay paunahan,
Akala mo ay karera,
Yung iba ay tinatabig pa ang katabi para lang mauna,
Alas siyete pa lang ng umaga pero hulas ka na,
Napakainit,
Siksikan,
Paunahan sa upuan,
Pero hindi mo naman sila masisisi,
Kung pabagal-bagal ay siguradong mahuhuli,
Dahil walang lugar para sa mabagal at mahihina,
Lalo na kung rush hour na sa Maynila,
May klase ka pa,
May trabaho ka pa,
May lakad ka pa,
Siguradong maiiwan ka sa terminal,
Kung iyang kaartehan ang ipaiiral,
Punuan ang dyip,
P'wede kang sumabit pero delikado,
P'wede ka ring maghintay na dumating 'yung bago,
Pero may lakad ka pa,
Kaya sa halip na maghintay,
O sumakay sa taxi na mas mahal,
Pipiliting makipagsiksikan,
Titiisin ang init,
Ang tumutulong pawis,
At nakakasukang usok galing sa tambutso,
Madalas ay tumatama pa sa mukha mo,
Yung nakalugay na buhok ng katabi mo,
Nakakapagod na buhay,
Pero 'yan ang araw-araw na pinagdaraanan,
Ng magigiting na komyuter ng bayan,
Hahamakin ang lahat,
Sa dyip ay makasakay lang,
Mahirap at nakakapagod pero kinakaya,
Dahil ang buhay natin ay puno ng sorpresa,
Gaya na lang sa pagsakay sa dyip,
Ang sabi ng barker,
Kasya pa ang dalawa,
Isa sa kanan, isa sa kaliwa,
Pero pagpasok mo,
Kakaunti na lang ang espasyo,
Hindi pa nga minsan kasya kahit na upong piso,
Naloko ka na,
Pero hinayaan na lang,
Sampuan daw ang pasahero magkabilaan,
Kailangan din nilang kumayod,
Dahil hindi nagkakasya ang kinikita sa pamamasada,
Kulang na kulang,
Kaya bakit kailangang palitan?
Kung sa simula pa lang, hindi na mababayaran,
Hindi kakayanin kahit na hulugan,
Kaya hindi ka dapat matuwa sa tigil-pasada,
Hindi ito ang solusyon na dapat mong makita,
Maraming apektadong pamilya,
Maraming butas na ang bulsa,
Mataas na ang presyo ng gasolina,
Kaya dinggin na sana sila,
Mga magigiting na tsuper,
Handang suruyin lahat ng kanto,
Maihatid ka lang sa pupuntahan mo,
At hindi ako magsasawa rito,
Sa nakakapagod, ngunit nakasanayan nang buhay,
Patuloy na makikipagsiksikan sa dyip,
Dahil ito na ang nakasanayan,
Dito ako namulat,
Kaya handang maghintay,
Handang manindigan,
Para mga nakasanayang dyip ay hindi na palitan."Para! Manong tsuper, para ho! Dating gawi, dito lang ako sa kanto. Maraming salamat ho!"
BINABASA MO ANG
Spoken words poetry-tagalog
PuisiGinawa ko ang librong ito para mailabas ang sakit na nararamdaman dulot ng kanyang paglisan. Akala ko masaya pa siya ngunit gusto na pala niyang humanap ng iba. Pinaglalaban ko pa pero sumusuko na, minamahal ko pa pero nasa piling na ng iba.