8: Rendezvous

1.1K 106 68
                                    

CHAPTER 8 - Rendezvous



"Hanggang ngayon hindi ko pa rin ma-imagine na hindi n'yo s'ya naramdaman sa loob ng café." Puzzled ang mukha ng pinakamaliit sa mga Kampilan, ang may-ari ng espadang may kulay lilang kinang. Kagagaling lang nito sa labas at bitbit ang ilang takeout coffees. Isa-isang iniabot iyon sa dalawang kasamahan upang magising ang inaantok nilang diwa. They were already up when the sun had not risen yet. They continued to watch and study all the CCTV footages they acquired three nights ago from the club and café.

"May theory ako, pero hindi ako sigurado," sagot ng Kampilang may dilaw na kinang ang puluhan ng tabak. Halos idikit niya ang mukha sa monitor ng desktop computer doon sa kanilang headquarters. Siya ang may hawak sa hard drive noong nagawa nilang kunin ang kopya ng mga footage mula sa club at café. Siya rin ang nang-erase ng mga existing video copy. Natuklasan niya kahapon sa isa sa mga video file na ang babaeng aswang ay nanggaling pala sa parehong café, kung saan noong mga oras ding iyon ay tinatambayan din ng unang tatlong Kampilang rumesponde sa jewelry shop. At isa siya roon.

Sa footage, makikita na trenta minuto matapos lumabas ng café ang aswang, lumabas din ang tatlong Kampilan. Naalala niyang naputol ang kuwentuhan nilang tatlo roon nang maramdaman ang peligro at itim na enerhiya ng aswang sa labas. Mabilis nilang hinanap 'yon kahit malakas ang ulan. At dinala sila ng kanilang senses sa jewelry shop.

"Pero may natuklasan pa 'ko. Ito ang footage sa loob ng café na mas maaga nang dalawang oras." Itinuro niya ang isang umpok sa mesa kung saan may tatlong kausap ang babaeng aswang: isang babae at dalawang lalaki.

"Halos sampung metro lang ang layo ng mesa ninyo sa mesa ng aswang," komento muli ng pinakamaliit.

"Mga aswang," pagtatama niya, sabay turo sa halos pare-parehong mga suot na alahas ng apat. "Ang kuwintas na suot ng babaeng aswang ay may pendant na itim na bato. Ang tatlong kausap nito ay may mga singsing na may katulad ding bato. Siguradong kasamahan ang mga 'yan."

"Itim na bato—" Mangha ang pinakamaliit. "Isang bertud?!"

"Bertud?" sali ng may dark blue na kinang sa espada. "'Yong anting-anting ng mga aswang? Akala ko ba ilang daang taon nang hindi gumagamit ng ganoon ang mga aswang dahil mahirap makahanap ng ganoong bato?"

"Oo, pero may naririnig akong mga k'wento na may mangilan-ngilan pa ring makalumang mga aswang na meron nito at maingat na nakatago," tugon ng pinakamaliit.

"Alam natin kung ano ang nagagawa ng itim na bertud. Kayang-kaya nitong itago ang enerhiya at katauhan ng mga aswang..." sabi ng may dark blue na kinang sa espada. Pagkatapos ay bahagyang lumaki ang mga mata nang may na-realize. "'Yon ang dahilan kung bakit wala kaming na-sense noon sa loob ng café!" anito, sabay iling. Isa rin kasi ito sa tatlong Kampilang unang rumesponde sa jewelry shop.

"Base sa mga footage na 'yan at mga suot nilang bertud, mukhang tama ang kutob ni Among na marahil ay hindi nga ito common incident lang. Mukhang large-scale plan ito ng grupo ng mga aswang," wika muli ng pinakamaliit.

"May point si Among." Muling tumipa sa keyboad ang may dilaw na kinang sa espada at iminuwestra ang ilang videos sa loob pa rin ng café. "Na-discover ko 'to ngayon lang. Na-record ang mga ito ilang linggo bago nangyari ang panloloob sa jewelry shop. Nand'yan ang babaeng aswang sa parehong mesa at oras."

Umawang ang bibig ng pinakamaliit. "Ibig sabihin, matagal na itong nagsasagawa ng surveillance sa area na 'yan..." Napapailing ito. "Ang malaking palaisipan ay kung ano ang plano nito—nila? Ano ang sadya nila sa Mond Jewelry Shop?"

"Alahas? Pera? Ginto?" suhestiyon ng tumitipa sa keyboard.

"Pero walang kinuha ro'n 'yong babaeng aswang."

Kampilan: Lihim at MisteryoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon