WAKAS

86 6 0
                                    

Nandito ako sa tapat ng bintana namin. Nakapatong ang aking braso sa bintana habang pinapanood ko ang mga bata na dumadaan sa tapat ng bahay namin. Naka uniporme… at sigurado akong papasok na sila sa kani-kanilang eskwelahan.

“Dean!” tawag sa akin ni Mama mula sa kusina.

Dali-dali naman akong pumunta sa kanya. Nasisiguro kong may iuutos na naman ito sa akin kaya niya ako tinawag.

“Po?” sabi ko pagpasok palang ng kusina.

“Halu-haluin mo nga itong niluto kong kaldereta. Kasi hinahanda ko pa 'tong mga sahog para sa kare-kare at sinigang. Tikman mo na rin kung may kulang pa ba sa lasa niyan,” utos niya sa akin.

“Sige po!” sabi ko habang sinisimulan na ang paghahalo.

Habang hinahalo ko itong ulam ay hindi ko pa rin maiiwasan isipin 'yong nakita ko kanina. Ayokong isipin ni Mama na hindi ko inisip kung gaano kami nahihirapan ngayon. Kaya nga hindi ako nanghihingi ng kahit na anong bagay sa kanya, kahit na may pagkakataon inggit na inggit na ako sa ibang bata. 

Lagi akong tinutukso ng mga kalaro ko, kung bakit hindi pa ako pumapasok sa eskwela. E, ang tanda-tanda ko na! 'Yung mga kasing edad ko kasi ay nasa grade two o grade three na, habang ako ay mag-g-grade one palang.

Hindi pa ako pinapapasok ni Mama sa eskwela dahil kulang ang gastusin namin sa pang-araw-araw. Hindi naging sapat sa amin ang pera sa paglalako o pagluluto ng ulam upang ibayad sa kuryente at tubig dito sa bahay. Kaya kinailangan namin mag-ipon muna ng pera para sa matrikula ko, lalo na't kami na lang dalawa at wala na akong inaasahan ama.

Iniwan niya kami nung kapapanganak palang ni Mama sa akin. Iniwan niya kami upang magtrabaho sa ibang bansa. Nung una ay nagbibigay pa siya ng pera kay Mama. Ngunit kalauna'y natigil na sa hindi malaman na dahilan ni Mama, at dahil doon nawalan na sila ng kumunikasyon.

Nagalit si Mama dahil sa ginawa niya. Kaya galit na rin ako sa kanya nung kinuwento ng kaibigan ni Mama sa akin ang nangyari sa kanila ng ama ko noon. Kaya pala ayaw sagutin ni Mama ang mga tanong ko noon, dahil ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa aking ama.

“Nak!” tawag niya ulit sa akin.

“Po!” sagot ko naman agad.

Kalalagay ko lang sa malaking lalagyan nitong hinalo kong kaldereta upang palamigin bago ilagay sa mga maliliit na plastic container. Pagkatapos ay pinuntahan ko agad si Mama dahil baka may iuutos na naman ito.

Pagkalabas ko sa kusina ay naabutan ko s'yang nagbibilang ng pera sa lamesa. Siguro ilalagay niya 'yan sa alkansya namin, dahil nakita kong nasa baba ng lamesa 'yong malaking container na nilalagyan ng tubig. May mga tig-iisang daan, singkwenta, at bente pesos ang laman ng container. Araw-araw namin iyon nilalagyan ng pera para sa aking pag-aaral. Lalo na't pag may sobra sa badyet ng bahay.

“Dean, anak, makakapasok ka na sa eskwela!” masayang balita sa akin ni Mama.

“Talaga ba, ma? Ngayon na ba bukas ng klase?” tanong ko agad sa kanya.

“Oo, anak. Makakapag enroll ka na bukas!”

Sa sobrang saya ko napayakap agad ako kay Mama at saka hinalikan siya sa kanyang noo.

“Salamat po, ma,” pagpapasalamat ko sa kanya.

“Naku! Ang lambing mo talaga na bata.” Sabay yakap din sa akin.

Kaya kinabukasan ay maaga kaming umalis ng bahay ni Mama para mag-enroll sa publikong eskwelahan. Nagdala pa si Mama ng mga paninda namin ulam para ibenta sa mga guro, magulang at estudyante doon. Kaya paglabas namin sa eskwelahan ay kaunti na lang ang dala naming tinda.

Years of WaitTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon