[ Kabanata II ]
"GISING, indio."
Napabalikwas mula sa pagkakahiga si Khalid nang maramdaman ang malamig na tubig na bumuhos sa kaniyang katawan.
Napahawak siya sa kaniyang ulo dahil sa pagkahilo. Ang kaliwang kamay naman niya ay napahawak sa likod niya. Naramdaman niya ang paghapdi ng mga linya sa likod niya. Mga dugong natuyo.
Lumingon si Khalid sa kaniyang likuran. Nakita niya ang buwan sa labas ng maliit na butas na nasa itaas. Mukhang ilang oras siyang nawalan ng malay.
"Todavía no puedo creer que un indio como tú tenga la piel de porcelana." (I still can't believe an indio like you has porcelain skin.)
Muling humarap si Khalid. Nandito na naman ang gobernador-heneral.
"Bakit? Ngayon lang ba kayo nakakita ng guwapong indio?" sarkastikong sagot ni Khalid. Nagulat siya sa sariling sinabi. Dapat ay nasa utak niya lang yun.
Natatawang tiningnan siya ng gobernador-heneral.
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Sabihin mo sa akin, indio. Ano ang iyong ugnayan kay Don Felipe? Kay lakas ng iyong loob. Siya pa ang iyong pinagnakawan,"
Tiningnan ni Khalid nang masama ang gobernador-heneral.
"Kanina ko pa sinabi na wala akong ninanakaw. May nakita ka bang salapi na dala ko? Wala akong dalang kahit na ano, hindi ba? Bakit ba hindi niyo ilagay sa kukute ninyo na nagkamali kayo ng hinuli?"
Nagulat ang limang guwardiya sibil na nasa likod ng gobernador-heneral sa sinabi ni Khalid. Agad nilang tinutukan ng rebolber si Khalid. Itinaas naman ng gobernador-heneral ang kanang kamay nito upang pigilan ang mga guwardiya. Dahan-dahan nilang ibinaba ang mga armas na hawak.
"Iwan niyo muna kami," utos ng gobernador-heneral na agad naman nilang sinunod. Naiwan si Khalid at ang gobernador-heneral na nakikipagtagisan ng titig sa isa't isa.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng gobernador-heneral. Halatang pinipigilan nito ang sarili na saktan ang taong kaharap niya.
"Sagutin mo ang aking tanong. Ano ang iyong ugnayan kay Don Felipe?"
"Hindi ko siya kilala," sagot ni Khalid. Nanatili naman ang walang emosyong mukha ng gobernador-heneral.
"Ito ang unang beses na aking uulitin sa ikatlong pagkakataon ang aking katanungan. Ano ang iyong ugnayan kay Don Felipe?"
Muli siyang tiningnan ni Khalid.
"Hindi ko nga kilala, bingi ka ba?"
Sa hindi maipintang mukha ng gobernador-heneral, halatang hindi ito natutuwa sa kabastusan ni Khalid.
"Napakatabil ng iyong labi, indio."
Hindi na nagulat si Khalid nang tutukan siya ng rebolber. Inaasahan na niya na sasaktan siya ng gobernador-heneral dahil sa mga pabalang na sagot niya.
Napamura siya sa isipan nang pumutok ang baril. Nadaplisan lang siya sa braso at pader ang sumalo ng bala. Tinatakot lang siya ng gobernador-heneral.
"Hindi mo siya kilala?" tanong ng gobernador-heneral. Umatras ito at umayos ng tayo. "Kung ganoon, hindi mo nakikilala ang iyong tiyo?"
Hindi inaasahan ni Khalid ang sinabi ng gobernador-heneral. Napangisi naman ang gobernador-heneral nang makita ang emosyong gusto niyang makita mula kay Khalid.
"T-Tiyo?" gulat na tanong ni Khalid. Sa pagkakaalam niya, walang kapatid ang papa niya.
"Bakit, Crescentio? Hindi mo pa ba nakita ang iyong tiyo?"Napangisi ang gobernador-heneral. Muli namang kumunot ang noo ni Khalid.
![](https://img.wattpad.com/cover/344023349-288-k832848.jpg)
YOU ARE READING
Eleanor (Series #1)
Historical FictionUnang Serye A young man wishes to be sent back to the Spanish era. He thinks that life was easier in those days, even though Las Islas Filipinas were under Spanish control. This is because he is tired of his life. But as they say, "Be careful of wha...