[ Kabanata VII ]
"MARAMING salamat talaga, Luciano. Maaari na ba akong magsimula ngayon?" Nagagalak na tanong ni Khalid.
Hindi problema sa kaniya ang kung anuman ang iaaatas sa kaniya ni Luciano. Magaling naman siya sa pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay dahil lagi niyang buhat ang malaking lalagyan ng mga turon na binebenta niya noong Grade 11 siya. Ito rin ang nagpalaki ng biceps niya.
Nagbubuhat din siya ng mga sako ng bigas sa tuwing may pamigay na mga ayuda sa barangay nila. 10 pesos bawat isang sako ang natatanggap niya sa mga kapitbahay niyang nagpabuhat ng mga sako nila.
Hindi rin mahirap para sa kaniya ang paglilinis dahil palagi siyang naglilinis sa apartment na tinutuluyan nila ni Vaughn. Hindi kaya ng mga mata ni Khalid na makalat ang kuwatro nila maliban na lamang kung may ginagawa siya.
Hindi rin pahirapan sa kaniya ang paglalaba dahil kusot-kamay naman niyang nilalabhan ang mga damit niya noon. Naging mas madali lang ang paglalaba niya nang magdala si Vaughn ng washing machine sa apartment nila.
Ang paggawa rin ng kung ano-anong bagay ay hindi rin mahirap para sa kaniya. Nagbebenta siya ng mga ribbon bouquet at crochet nang magsawa siya sa pagbebenta ng turon. Napagod siya dahil lagi siyang puyat sa paggising ng maaga upang magluto ng turon na ibebenta kung kaya't naisipan niya iba na lang ang ibebenta niya. Ang paggawa ng ribbon bouquet at crochet ay naisisingit niya lang sa free time niya, hindi 'tulad ng turon na may nakatakdang oras.
"Maaari mo bang bantayan muna ang aking mga kagamitan? May mahalaga akong patutunguhan." Tumayo si Luciano at inayos ang sarili. May ibinigay rin siyang nakatupi na papel kay Khalid.
"Ano 'to?"
"Isa iyang katibayan na naglalaman din ng aking pirma kung sakaling may magtanong sa iyo kung nasaan ako. Aking ipinahayag sa liham na iyan na ikaw ang pansamantalang bantay rito sa aking opisina."
Tumango si Khalid. Nang umalis si Luciano, dumako ang tingin niya sa mga papeles na nasa mesa. Maayos ang pagkakahilera ng mga ito. Organisado ngang tunay si Luciano.
Napahawak si Khalid sa isang papeles. Binuklat niya ito at binasa ang nasa unang pahina. Nakita niya pa lang ang mga numero na may x, naramdaman niya agad ang panghihina. Isang algebra notes ang nasa papeles.
Bakit naman may algebra notes ang isang gobernador-heneral?
Dumako naman ang tingin ni Khalid sa iba pang papeles. Napakarami nito. Mga negosyo, lupain, maging mga batas at mga nakatakdang isukdol sa isang kaso. Binitawan ni Khalid at inayos ang mga papeles sa kung ano ang ayos nito kanina.
"Ano ba 'to? Trabaho ba talaga ito ng isang gobernador-heneral o trabaho ng isang baliw?" kunot-noong reklamo ni Khalid.
"Magiging cause of death ko pa ang pagbabasa, huwag na," sambit niya sa sarili saka sumandal.
Ang trabaho sa kaniya ay magbantay. Kung para sa iba, ito ay isang ginhawa, para kay Khalid, isa ito sa mga pinakamahirap na gagawin. Hindi niya kayang tumambay lang at magbantay. Gusto niyang may gagawin siya. Hindi kaya ng kaniyang katawan na umupo lang sa sulok.
Tumayo si Khalid. Naghanap siya ng walis. Nakahanap naman siya sa isang kabinet na nasa dulo. Kinuha niya rin ang parang dustpan na gawa sa kahoy pero walang stick.
Nagsimulang maglinis si Khalid. Natapos niya agad ito wala pang isang minuto. Wala kasing kadumi-dumi sa opisina ni Luciano. Ni katiting ng alikabok ay hindi nito kakikitaan.
"Nahiya na yata sa kaniya ang dumi," komento ni Khalid sa kawalan.
Naaalala niya muli ang isang kaibigan kay Luciano. Ang mga pag-uugali nito ay nahahawig ng sa kaniya. Kung maaaari lang na pagsamahin sila, sa tingin niya'y magkakasundo ang dalawa.
YOU ARE READING
Eleanor (Series #1)
Historical FictionUnang Serye A young man wishes to be sent back to the Spanish era. He thinks that life was easier in those days, even though Las Islas Filipinas were under Spanish control. This is because he is tired of his life. But as they say, "Be careful of wha...
