[ Kabanata I ]
NAGISING ang diwa ni Khalid nang maramdaman niya ang sakit sa kaniyang mga mata. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata hanggang sa maramdaman niyang may kung anong bagay sa kaniyang bibig dahilan upang mapabalikwas siya at dumura.
Nauubong pumikit-pikit si Khalid at dumilat nang malaki nang sa gayon ay lumuha ang kaniyang mga mata. Nang maramdamang unti-unting nahulog ang maliliit na bato na sapantaha niya'y mga buhangin, nakahinga na siya nang maluwag.
Napatingin ito sa paligid. Nakaupo siya sa isang buhangin. Pag-angat niya ng paningin ay bumungad sa kaniya ang isang malinis at kulay asul na dagat. Umihip din ang malamig na hangin dahilan upang mapatayo si Khalid nang maramdamang nilipad nito ang mga buhangin at dumaan ito sa balat niya.
Umikot ang paningin ni Khalid sa paligid. Hindi pamilyar sa kaniya ang lugar. Napakalinis ng dagat at walang ni isang plastik o basura.
"Oh, Panginoon! Magtapis ka, Hijo!"
Gulat na napalingon sa likod si Khalid. Natanaw niya ang isang matandang babae na nakasuot ng barong at saya na medyo marumi.
Dahil sa sinabi ng ginang, doon niya lang napagtanto na wala pala siyang suot na pang-itaas. Gayunpaman, suot pa rin niya ang itim niyang pantalon.
Dali-daling tumalikod ang ginang at tumakbo paalis. Hindi naman pinansin ni Khalid ang wirdong ginang. Hinanap niya ang white t-shirt niya. Napatingin din ito sa dagat at mukhang nadala ito ng alon. Malakas ang hampas ng alon.
"Naroon ang magnanakaw!"
Napatingin si Khalid sa kanan. Isang lalaki naman na nakasuot ng kamisa de tsino at salakot ang nakita niya. Itinuro nito ang kinaroroonan niya. Kumunot ang noo ni Khalid nang makitang higit sa sampu, na sa tingin niya ay mga sundalo, ang nasa likod ng lalaki at galit na nakatingin sa kaniya.
"¡Coged al ladrón!" (Catch the thief!)
Lumingon-lingon sa paligid si Khalid at nang mapagtanto niyang siya ang tinuturo ng mga guwardiya sibil, dali-dali itong tumakbo papasok sa gubat at sinundan ang dinaanan kanina ng ginang. Halos matuliro siya sa kaba nang makarinig ng mga putok ng baril galing sa likuran niya. Tanging mga puno ang sumasalo ng bala.
Paulit-ulit niyang tinatanong sa sarili niya kung ano ba ang mga nangyayari at kung nasaan siya.
Bakit may mga kastilang sundalo na makaluma ang unipormeng suot?
Bakit may nakabaro't saya at kamisa de tsino?
Bakit puro kalesa ang mga nakikita kong sasakyan?
Summer pa lang naman, ah? Hindi pa buwan ng wika.
Hindi man alam ng binata kung ano ba ang nangyayari ngunit patuloy lang ito sa pagtakbo. Ang tanging masisiguro niya lang ngayon ay ang kaligtasan niya.
Halos kalahating oras na ang lumipas nang makalabas siya nang tuluyan sa gubat. Lumingon siya sa likod.
"What the..."
Wala sa sariling napamura si Khalid nang makitang hinahabol pa rin siya ng mga guwardiya. Mas binilisan niya pa ang pagtakbo. Lumilihis din siya ng direksyon kung may nakikitang tao. Lahat ng mga taong nakikita niya ay nakasuot ng barong at saya. Iyong mga lalaki naman ay may mga suot na salakot. Karamihan sa mga ito ay napapapikit at minumura siya dahil bukod sa tumatakbo siya, wala rin siyang suot na pang-itaas. May ilan din na napa-sign of the cross dahil iniisip nilang baliw siya.

YOU ARE READING
Eleanor (Series #1)
Fiksyen SejarahUnang Serye A young man wishes to be sent back to the Spanish era. He thinks that life was easier in those days, even though Las Islas Filipinas were under Spanish control. This is because he is tired of his life. But as they say, "Be careful of wha...