Kabanata XII

428 144 1
                                        

[ Kabanata XII ]

HINDI umuwi si Khalid sa tahanan ni Luciano. Pasado alas otso na ng gabi. Rumuronda na ang mga guwardiya sibil sa paligid.

Kasalukuyang nakaupo si Khalid sa gitna ng kagubatan. Hindi niya alam kung nasaan siya. Ang tanging alam niya ay iniwan niya sina Luciano sa simbahan at naglakad-lakad siya sa kung saan hanggang sa mapadpad siya rito.

Napagdesisyunan niyang hindi na muna umuwi. Nagi-guilty siya dahil sa mga sinabi niya kay Luciano. Isang kastila na bumubuhay sa kaniya ang kinalaban niya. Binigyan siya ni Luciano ng marangya at maayos na pamumuhay sa loob ng halos isang buwan tapos pulos sakit ng ulo lamang ang ibinigay niyang kapalit.

Sa ngayon ay nag-iisip pa siya kung paano haharapin sina Luciano at kung paano hihingi ng tawad. Nais niya ring umalis sa poder ni Luciano ngunit hindi niya alam kung paano. Mayroon na siyang pagkakakilanlan at marami na rin ang nakaaalam na siya ay kapatid nina Luciano. Malapit na rin ang araw kung kailan siya iaanunsyo bilang ganap na kapatid nina Luciano.

"Nagawan naman agad niya ng paraan sa loob lang ng ilang araw, magagawa rin niyang ipawalang-bisa ang pagkakakilanlan ko," bulong ni Khalid sa kawalan.

Tanaw niya ang maliwanag na buwan sa kalangitan. Maraming mga bituwin ang nakapaligid dito, ito ang nagbibigay-liwanag sa buong kagubatan. Dito niya napiling tumambay pansamantala dahil walang katao-tao rito.

Napangiti si Khalid. Sa halos isang buwan niyang pamamalagi sa panahon na ito, hindi nawaglit sa isipan niya ang kaniyang mga mahal sa buhay sa kasalukuyan. Bagama't madalas niyang iiwas sila sa kaniyang isipan, ngunit dumadaing naman ang puso niyang labis na nangungulila.

Hindi nga niya masyadong nakasama ng halos dalawang taon ang kaniyang pamilya dahil sa pag-aaral niya, tapos maaari pang hindi na niya muling makasama ang mga ito ngayong nandito siya sa ibang panahon.

Habang nakatitig sa liwanag ng buwan, inaalala niya ang mga pangyayari noong nasa poder siya ng kaniyang mga magulang. Ang kaniyang ina na palaging nag-aalala sa kanila. Ang kanilang ama na handang gawin ang lahat maibigay lamang ang kanilang mga pangangailangan. Ang kaniyang tatlong kapatid na lalaki na kahit madalas niyang hindi kasundo, madalas naman niyang depensahan mula sa ibang tao. At ang kaniyang bunsong kapatid na babae na siyang pinakamalapit sa kaniya. Apat na taong gulang pa lamang ito at palagi siyang napagkakamalang ama sa tuwing isinasama niya ito sa mall.

Bagama't siya ay mula sa simple at mahirap na pamilya, mayaman naman sila sa pagmamahal sa isa't isa. Kahit na hindi niya ganoon ka-close ang kaniyang mga magulang dahil madalas siyang nasa kuwarto niya noon, mahal na mahal naman niya ang mga ito. Handa siyang gawin ang lahat makatulong lang sa kanila. Kaya siya nagbebenta ng mga kung ano-ano sa paaralan nila. Dahil ang kalahati sa kaniyang kita, ipinangbibili niya ng grocery para sa buong isang buwan nila.

Sumagi naman sa isipan niya ang kaniyang dalawang matalik na kaibigan. Ang isa na matalino at palaging seryoso ang mukha at ang isa naman na kalog, palaging nakangiti, at tumatawa. Siya ang nasa gitna nila. Ang ugali niya ay kalahati ng isa at kalahati rin ng isa. Kumbaga sa introvert at extrovert, siya ang ambivert.

Magkakaiba man ang ugali nilang tatlo, ngunit hindi iyon naging hadlang sa tibay ng kanilang relasyon. Mula elementarya hanggang ngayong kolehiyo na sila ay close pa rin silang tatlo. Walang kayang tumibag sa pagkakaibigan nila kahit na marami nang sumubok na pag-away-awayin sila. Hindi sila magkakadugo ngunit higit pa sa isang kadugo ang turingan nila sa isa't isa. Tila ba konektado sila noon pa man.

Natawa si Khalid. Ngayon lang ulit siya nakapagmuni-muni nang ganito katagal. Madalas niya kasing iwasan sa isip niya ang pangungulila. Ikinababaliw ng utak niya ang pangungulila. Para siyang masisiraan ng bait.

Eleanor (Series #1)Stories to obsess over. Discover now